ISAIAS 14
14
Pagbabalik mula sa Pagkabihag
1Ang Panginoon ay maaawa sa Jacob, at muling pipiliin ang Israel, at ilalagay sila sa kanilang sariling lupain. Ang dayuhan ay makikisama sa kanila, at sila'y mapapasama sa sambahayan ni Jacob.
2At kukunin sila ng mga tao, at dadalhin sila sa kanilang dako; at aariin sila ng sambahayan ng Israel sa lupain ng Panginoon bilang mga aliping lalaki at babae. Kanilang bibihagin sila na bumihag sa kanila at mamumuno sa kanila na umapi sa kanila.
3Kapag bibigyan ka na ng Panginoon ng kapahingahan mula sa iyong kahirapan, kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod mo,
4ay iyong dadalhin ang pagkutyang ito laban sa hari ng Babilonia:
“Huminto na ang pang-aapi!
Huminto na ang matinding kalapastanganan!
5Binali ng Panginoon ang tungkod ng masama,
ang setro ng mga pinuno;
6na nagpahirap sa mga tao sa pamamagitan ng poot
ng walang tigil na bugbog,
na namuno sa mga bansa sa galit,
na may walang tigil na pag-uusig.
7Ang buong lupa ay tiwasay at tahimik;
sila'y biglang nagsisiawit.
8Ang mga puno ng sipres ay nagagalak dahil sa iyo,
at ang mga sedro sa Lebanon, na nagsasabi,
‘Mula nang ikaw ay ibagsak,
wala nang mamumutol na umaahon laban sa amin.’
9Ang Sheol sa ibaba ay kinilos
upang salubungin ka sa iyong pagdating;
pinupukaw nito ang mga lilim upang batiin ka,
ang lahat na mga pinuno ng lupa;
itinatayo nito mula sa kanilang mga trono,
ang lahat na hari ng mga bansa.
10Silang lahat ay magsasalita
at magsasabi sa iyo:
‘Pati ba ikaw ay naging mahinang gaya namin?
Ikaw ba'y naging gaya namin?’
11Ang iyong kahambugan ay ibinaba sa Sheol
pati na ang tunog ng iyong mga alpa;
ang uod ay higaan sa ilalim mo,
at ang mga uod ang iyong pantakip.
12“Ano't#Apoc. 8:10; 9:1 nahulog ka mula sa langit,
O Tala sa Umaga, anak ng Umaga!
Paanong ikaw ay lumagpak sa lupa,
ikaw na siyang nagpabagsak sa mga bansa!
13Sinabi#Mt. 11:23; Lu. 10:15 mo sa iyong puso,
‘Ako'y aakyat sa langit;
sa itaas ng mga bituin ng Diyos
aking itatatag ang aking trono sa itaas;
ako'y uupo sa bundok na pinagtitipunan,
sa malayong hilaga.
14Ako'y aakyat sa itaas ng mga kaitaasan ng mga ulap,
gagawin ko ang aking sarili na gaya ng Kataas-taasan.’
15Gayunma'y ibinaba ka sa Sheol,
sa mga pinakamalalim na bahagi ng Hukay.
16Silang nakakakita sa iyo ay magsisititig sa iyo,
at mag-iisip tungkol sa iyo:
‘Ito ba ang lalaki na nagpayanig ng lupa,
na nagpauga ng mga kaharian;
17na ginawang gaya ng ilang ang sanlibutan,
at gumiba ng mga bayan nito;
na hindi nagpahintulot sa kanyang mga bilanggo upang magsiuwi?’
18Lahat ng mga hari ng mga bansa ay nahihiga sa kaluwalhatian,
bawat isa'y sa kanyang sariling libingan.
19Ngunit ikaw ay itinapon papalayo sa iyong libingan
na gaya ng kasuklamsuklam na sanga,
binihisang kasama ng mga patay, ang mga tinaga ng tabak,
na bumaba sa mga bato ng Hukay,
gaya ng bangkay na nayapakan ng paa.
20Ikaw ay hindi mapapasama sa kanila sa libingan,
sapagkat sinira mo ang iyong lupain,
pinatay mo ang iyong bayan.
“Ang angkan nawa ng mga gumagawa ng kasamaan
ay huwag nang tawagin magpakailanman!
21Maghanda kayong patayin ang kanilang mga anak
dahil sa kasamaan ng kanilang mga magulang;
baka sila'y magsibangon at angkinin ang lupain,
at punuin ng mga lunsod ang ibabaw ng lupa.”
Babala Laban sa Babilonia
22“At ako'y babangon laban sa kanila,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “at tatanggalin ko sa Babilonia ang pangalan at ang nalabi, at ang anak at ang anak ng anak,” sabi ng Panginoon.
23“Iyon ay aking gagawing ari-arian ng hayop na erizo, at mga lawa ng tubig, at aking papalisin ng walis ng pagkawasak,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Babala Laban sa Asiria
24Ang#Isa. 10:5-34; Neh. 1:1–3:19; Sef. 2:13-15 Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa:
“Gaya ng aking binalak,
gayon ang mangyayari;
at gaya ng aking pinanukala,
gayon ang mananatili.
25Aking lalansagin ang taga-Asiria sa aking lupain,
at sa aking mga bundok ay yayapakan ko siya sa ilalim ng paa;
kung magkagayo'y maaalis ang kanyang pamatok sa kanila,
at ang ipinasan niya sa kanilang balikat.”
26Ito ang panukala na ipinanukala tungkol sa buong lupa;
at ito ang kamay na iniunat
sa lahat ng mga bansa.
27Sapagkat pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo,
at sinong magpapawalang-bisa nito?
Ang kanyang kamay ay nakaunat,
at sinong mag-uurong nito?
Babala Laban sa mga Filisteo
28Dumating#2 Ha. 16:20; 2 Cro. 28:27 ang pahayag na ito nang taong mamatay si Haring Ahaz.
29“Ikaw#Jer. 47:1-7; Ez. 25:15-17; Joel 3:4-8; Amos 1:6-8; Sef. 2:4-7; Zac. 9:5-7 ay huwag magalak, O Filistia, kayong lahat,
sa pagkabali ng pamalo na sumakit sa iyo;
sapagkat sa ahas ay lalabas ang ulupong,
at ang kanyang anak ay magiging mabangis na ahas na lumilipad.
30At ang panganay ng dukha ay kakain,
at ang nangangailangan ay nahihigang tiwasay;
ngunit aking papatayin ng taggutom ang iyong ugat,
at ang nalabi sa iyo ay aking papatayin.
31Ikaw ay tumaghoy, O pintuan, ikaw ay sumigaw, O lunsod;
matunaw ka sa takot, O Filistia, kayong lahat!
Sapagkat lumalabas ang usok mula sa hilaga,
at walang pagala-gala sa kanyang mga kasamahan.”
32Ano nga ang isasagot sa mga sugo ng bansa?
“Itinayo ng Panginoon ang Zion,
at sa kanya ay nanganganlong ang nagdadalamhati sa kanyang bayan.”
Kasalukuyang Napili:
ISAIAS 14: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001