ISAIAS 19
19
Parurusahan ang Ehipto
1Isang#Jer. 46:2-26; Ez. 29:1–32:32 pahayag tungkol sa Ehipto.
Tingnan ninyo, ang Panginoon ay nakasakay sa isang matuling ulap,
at patungo sa Ehipto,
at ang mga diyus-diyosan ng Ehipto ay manginginig sa kanyang harapan,
at ang puso ng Ehipto ay manlulumo sa gitna niyon.
2Aking kikilusin ang mga Ehipcio laban sa mga Ehipcio;
at sila'y maglalaban, bawat tao laban sa kanyang kapatid,
at bawat tao laban sa kanyang kapwa,
lunsod laban sa lunsod, at kaharian laban sa kaharian.
3Ang diwa ng mga Ehipcio ay mauubos sa gitna niyon;
at aking guguluhin ang kanilang mga panukala;
at sasangguni sila sa mga diyus-diyosan, at sa mga engkantador,
at sa mga sumasangguni sa masamang espiritu, at sa mga manghuhula.
4Aking ibibigay ang mga Ehipcio
sa kamay ng mabagsik na panginoon;
at mabangis na hari ang maghahari sa kanila,
sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.
5Ang tubig ng Nilo ay matutuyo,
at ang ilog ay mawawalan ng tubig at matutuyo.
6Ang mga ilog ay babaho;
ang mga batis ng Ehipto ay huhupa at matutuyo,
ang mga tambo at mga talahib ay matutuyo.
7Magkakaroon ng mga walang tanim na dako sa pampang ng Nilo,
sa baybayin ng Nilo,
at lahat ng inihasik sa tabi ng Nilo ay matutuyo,
matatangay, at mawawala.
8Ang mga mangingisda ay tatangis,
lahat ng naglalawit ng bingwit sa Nilo ay tatangis,
at manghihina silang naglaladlad ng mga lambat sa tubig.
9Ang mga gumagawa ng tela ay mawawalan ng pag-asa,
at ang humahabi ng puting damit ay manghihina.
10Ang mga haligi ng lupain ay madudurog,
at ang lahat na nagpapaupa ay magdadalamhati.
11Ang mga pinuno ng Zoan ay lubos na hangal;
ang matatalinong tagapayo ni Faraon ay nagbibigay ng payong hangal.
Paanong masasabi ninyo kay Faraon,
“Ako'y anak ng pantas,
anak ng mga dating hari?”
12Saan ngayon naroon ang iyong mga pantas?
Sasabihin nga nila sa iyo ngayon at ipaalam nila
kung ano ang pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo laban sa Ehipto.
13Ang mga pinuno ng Zoan ay naging mga hangal,
ang mga pinuno ng Memfis ay dinaya,
sila na panulok na bato ng kanyang mga lipi
ang nagligaw sa Ehipto.
14Inihalo ng Panginoon sa kanya
ang espiritu ng pagkalito;
at iniligaw nila sa bawat gawa niya ang Ehipto,
pasuray-suray sa kanyang pagsusuka gaya ng lasing na tao.
15Hindi na magkakaroon ng anuman para sa Ehipto
na magagawa ng ulo o ng buntot, sanga ng palma, o tambo.
Pagbabalik-loob ng Ehipto at ng Asiria
16Sa araw na iyon ay magiging parang mga babae ang mga Ehipcio, at manginginig sa takot sa harapan ng kamay ng Panginoon ng mga hukbo na kanyang itinataas laban sa kanila.
17At ang lupain ng Juda ay magiging kakilabutan sa Ehipto; kaninuman mabanggit iyon ay matatakot, dahil sa panukala ng Panginoon ng mga hukbo, na ipinanukala laban doon.
18Sa araw na iyon ay magkakaroon ng limang bayan sa lupain ng Ehipto na magsasalita ng wika ng Canaan, at magsisisumpa ng katapatan sa Panginoon ng mga hukbo. Ang isa roo'y tatawaging ‘Lunsod ng Araw.’
19Sa araw na iyon ay magkakaroon ng isang dambana sa Panginoon sa gitna ng lupain ng Ehipto, at isang haligi sa Panginoon sa hangganan niyon.
20Iyon ay magiging tanda at saksi sa Panginoon ng mga hukbo sa lupain ng Ehipto. Kapag sila'y dumaing sa Panginoon dahil sa mga mang-aapi, magsusugo siya sa kanila ng isang tagapagligtas, at kanyang ipagtatanggol at ililigtas sila.
21At ipapakilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa Ehipto, at makikilala ng mga Ehipcio ang Panginoon sa araw na iyon at sila'y magsisisamba na may alay at handog na sinusunog. At sila'y gagawa ng panata sa Panginoon at tutuparin ang mga iyon.
22At sasaktan ng Panginoon ang Ehipto, sinasaktan at pinagagaling, at sila'y manunumbalik sa Panginoon, at kanyang papakinggan ang kanilang mga daing at pagagalingin sila.
23Sa araw na iyon ay magkakaroon ng lansangan mula sa Ehipto hanggang sa Asiria, at ang mga taga-Asiria ay magsisipasok sa Ehipto, at ang mga Ehipcio ay sa Asiria, at ang mga Ehipcio ay magsisisambang kasama ng mga taga-Asiria.
24Sa araw na iyon ay magiging pangatlo ang Israel sa Ehipto at sa Asiria, isang pagpapala sa gitna ng lupain,
25na pinagpala ng Panginoon ng mga hukbo, na sinasabi, “Pagpalain ang bayan kong Ehipto, at ang Asiria na gawa ng aking mga kamay, at ang Israel na aking mana.”
Kasalukuyang Napili:
ISAIAS 19: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001