Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ISAIAS 23

23
Ang Pahayag tungkol sa Tiro at Sidon
1Ang#Ez. 26:1–28:19; Joel 3:4-8; Amos 1:9, 10; Zac. 9:1-4; Mt. 11:21, 22; Lu. 10:13, 14 pahayag tungkol sa Tiro.
Tumaghoy kayo, kayong mga sasakyang-dagat ng Tarsis;
sapagkat sira ang Tiro, walang bahay o kanlungan!
Mula sa lupain ng Cyprus
ay inihayag ito sa kanila.
2Tumahimik kayo, kayong mga naninirahan sa baybayin;
O mga mangangalakal ng Sidon,
ang iyong mga sugo ay nagdaraan sa dagat,
3at nasa baybayin ng malawak na mga tubig,
ang iyong kinita ay ang binhi ng Sihor,
ang ani ng Nilo,
ikaw ang mangangalakal ng mga bansa.
4Mahiya ka, O Sidon, sapagkat nagsalita ang dagat,
ang tanggulan ng dagat, na nagsasabi,
“Hindi ako nagdamdam, o nanganak man,
o nag-alaga man ako ng mga binata,
o nagpalaki ng mga dalaga.”
5Kapag ang balita ay dumating sa Ehipto,
magdadalamhati sila dahil sa balita tungkol sa Tiro.
6Dumaan kayo sa Tarsis,
umiyak kayo, kayong mga naninirahan sa baybayin!
7Ito ba ang inyong masayang lunsod,
na mula pa noong unang araw ang pinagmulan,
na dinadala ng kanyang mga paa
upang sa malayo ay manirahan?
8Sinong nagpanukala nito
laban sa Tiro na siyang nagkakaloob ng mga korona,
na ang mga negosyante ay mga pinuno,
na ang mga mangangalakal ay mararangal sa lupa.
9Pinanukala ito ng Panginoon ng mga hukbo,
upang hamakin ang kapalaluan ng buong kaluwalhatian,
upang hiyain ang lahat na mararangal sa lupa.
10Apawan mo ang iyong lupain na gaya ng Nilo,
O anak na babae ng Tarsis;
wala nang pampigil.
11Kanyang iniunat ang kanyang kamay sa karagatan,
kanyang niyanig ang mga kaharian.
Ang Panginoon ay nag-utos tungkol sa Canaan,
upang gibain ang mga tanggulan.
12At kanyang sinabi,
“Ikaw ay hindi na magagalak pa,
O ikaw na aping anak na birhen ng Sidon;
bumangon ka, magdaan ka sa Chittim,
doon ma'y hindi ka magkakaroon ng kapahingahan.”
13Tingnan mo ang lupain ng mga Caldeo! Ito ay ang bayan; hindi ito ang Asiria. Itinalaga nila ang Tiro para sa maiilap na hayop. Kanilang itinayo ang kanilang mga muog, giniba nila ang kanyang mga palasyo, kanyang ginawa siyang isang guho.
14Tumangis kayo, kayong mga sasakyang-dagat ng Tarsis,
sapagkat ang inyong tanggulan ay giba.
15At sa araw na iyon ang Tiro ay malilimutan sa loob ng pitumpung taon, gaya ng mga araw ng isang hari. Pagkatapos ng pitumpung taon ay mangyayari sa Tiro ang gaya sa awit ng masamang babae:#23:15 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw.
16“Kumuha ka ng alpa,
lumibot ka sa lunsod,
ikaw na masamang babaing nalimutan!
Gumawa ka ng matamis na himig,
umawit ka ng maraming awit,
upang ikaw ay maalala.”
17Sa katapusan ng pitumpung taon, dadalawin ng Panginoon ang Tiro, at siya'y babalik sa kanyang pangangalakal, at magiging masamang babae sa lahat ng kaharian ng sanlibutan sa ibabaw ng lupa.
18At ang kanyang kalakal at ang kanyang upa ay itatalaga sa Panginoon. Hindi ito itatago o iimbakin man, kundi ang kanyang paninda ay magbibigay ng saganang pagkain at magarang pananamit para sa mga namumuhay na kasama ng Panginoon.

Kasalukuyang Napili:

ISAIAS 23: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in