ISAIAS 27
27
Ililigtas ang Israel
1Sa#Job 41:1; Awit 74:14; 104:26 araw na iyon ay parurusahan ng Panginoon, ng kanyang matigas, malaki, at matibay na tabak ang leviatan na tumatakas na ahas, ang leviatan na pumupulupot na ahas, at kanyang papatayin ang dambuhala na nasa dagat.
2Sa araw na iyon:
“Isang magandang ubasan, umawit kayo tungkol doon!
3Akong Panginoon ang siyang nag-aalaga,
bawat sandali ay dinidilig ko iyon.
Baka saktan ng sinuman,
aking binabantayan ito gabi't araw.
4Wala akong galit.
Kung mayroon sana akong mga dawag at mga tinik para makipaglaban!
Ako'y hahayo laban sa kanila, sama-sama ko silang susunugin.
5O kung hindi ay kumapit sila sa akin upang mapangalagaan,
makipagpayapaan sila sa akin,
makipagpayapaan sila sa akin.”
6Sa mga araw na darating ay mag-uugat ang Jacob,
ang Israel ay uusbong at mamumulaklak
at pupunuin nila ng bunga ang buong sanlibutan.
7Kanya bang sinaktan siya na gaya ng pananakit niya sa mga nanakit sa kanila?
O pinatay ba sila na gaya ng pagpatay sa mga pumatay sa kanila?
8Sa pamamagitan ng pagpapalayas, sa pamamagitan ng pagkabihag ay nakipagtunggali ka laban sa kanila,
kanyang inalis siya ng kanyang malakas na ihip sa araw ng hangin mula sa silangan.
9Kaya't sa pamamagitan nito ay mapagbabayaran ang pagkakasala ng Jacob,
at ito ang buong bunga ng pag-aalis ng kanyang kasalanan:
kapag kanyang pinagdurug-durog na gaya ng batong tisa
ang lahat ng mga bato ng dambana,
walang Ashera o dambana ng insenso ang mananatiling nakatayo.
10Sapagkat ang lunsod na may kuta ay nag-iisa,
isang tahanang pinabayaan at iniwanan gaya ng ilang.
Doon manginginain ang guya,
doo'y humihiga siya, at babalatan ang mga sanga niyon.
11Kapag ang mga sanga niyon ay natuyo, ang mga iyon ay babaliin;
darating ang mga babae at gagawa ng apoy mula sa mga iyon.
Sapagkat ito ay isang bayan na walang unawa;
kaya't ang gumawa sa kanila ay hindi mahahabag sa kanila,
siya na humubog sa kanila ay hindi magpapakita sa kanila ng lingap.
12Sa araw na iyon, mula sa Ilog Eufrates hanggang sa batis ng Ehipto, gigiikin ng Panginoon ang bunga niyon, at kayo'y titipuning isa-isa, O kayong mga anak ni Israel.
13At sa araw na iyon, ang malaking trumpeta ay hihipan; at silang nawala sa lupain ng Asiria, at silang mga itinaboy sa lupain ng Ehipto ay darating upang sumamba sa Panginoon sa banal na bundok sa Jerusalem.
Kasalukuyang Napili:
ISAIAS 27: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001