ISAIAS 29
29
Ang mga Kaaway ng Jerusalem
1Kahabag-habag ka, Ariel, Ariel,
na bayang pinagkampuhan ni David!
Magdagdag kayo ng taon sa taon;
hayaang matapos ang kanilang mga kapistahan.
2Gayunma'y aking pahihirapan ang Ariel,
at magkakaroon ng pagtangis at panaghoy,
at sa akin siya'y magiging gaya ng Ariel.
3Ako'y magtatayo ng kampo laban sa iyo sa palibot,
at kukubkubin kita ng mga kuta,
at ako'y maglalagay ng mga pangkubkob laban sa iyo.
4Ikaw ay magsasalita mula sa kalaliman ng lupa,
at mula sa kababaan ng alabok ay darating ang iyong salita,
at ang iyong tinig ay magmumula sa lupa na gaya ng tinig ng multo,
at ang iyong pananalita ay bubulong mula sa alabok.
5Ngunit ang karamihan sa iyong mga kaaway ay magiging gaya ng munting alabok,
at ang karamihan ng mga malulupit ay gaya ng ipang inililipad ng hangin.
At sa isang iglap, bigla,
6ikaw ay dadalawin ng Panginoon ng mga hukbo
na may kulog, at may lindol, at ng malaking ingay,
ng ipu-ipo at bagyo, at ng liyab ng tumutupok na apoy.
7At ang karamihan ng lahat ng mga bansang nakikidigma laban sa Ariel,
lahat na lumaban sa kanya at sa kanyang kuta, at ang nagpapahirap sa kanya,
ay magiging gaya ng panaginip, ng isang pangitain sa gabi.
8At gaya ng kung ang isang gutom ay nananaginip na siya ay kumakain,
at nagising na ang kanyang pagkagutom ay hindi napawi,
o gaya ng kung ang isang taong uhaw ay nananaginip na siya'y umiinom,
at gumising na nanghihina, at ang kanyang pagkauhaw ay di napawi,
gayon ang mangyayari sa karamihan ng lahat ng mga bansa,
na lumalaban sa Bundok ng Zion.
Bulag at Mapagmalaki ang Israel
9Kayo'y matigilan at matuliro,
kayo'y magpakabulag at maging bulag!
Magpakalasing, ngunit hindi sa alak;
sumuray, ngunit hindi sa matapang na alak!
10Sapagkat#Ro. 11:8 ibinuhos ng Panginoon sa inyo
ang espiritu ng mahimbing na pagkakatulog,
at ipinikit ang inyong mga mata, kayong mga propeta;
at tinakpan ang inyong mga ulo, kayong mga tagakita.
11At ang pangitain ng lahat ng ito ay naging sa inyo'y gaya ng mga salita ng aklat na natatakan. Kapag ibibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, “Iyong basahin ito,” kanyang sinasabi, “Hindi ko mababasa, sapagkat natatatakan.”
12Nang ang aklat ay ibigay sa isa na hindi marunong bumasa, na sinasabi, “Iyong basahin ito,” kanyang sinasabi, “Ako'y hindi marunong bumasa.”
13At#Mt. 15:8, 9; Mc. 7:6, 7 sinabi ng Panginoon,
“Sapagkat ang bayang ito ay lumalapit sa pamamagitan ng kanilang bibig,
at pinapupurihan ako ng kanilang labi,
samantalang malayo ang kanilang puso sa akin,
at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na natutunan sa pamamagitan ng pagsasaulo;
14dahil#1 Cor. 1:19 dito,
muli akong gagawa ng kahanga-hangang mga gawa sa bayang ito,
kahanga-hanga at kagila-gilalas,
at ang karunungan ng kanilang mga pantas ay mapapawi,
at ang unawa ng kanilang mga taong may unawa ay malilihim.”
15Kahabag-habag sila, na itinatago nang malalim ang kanilang payo sa Panginoon
at ang mga gawa ay nasa kadiliman,
at kanilang sinasabi, “Sinong nakakakita sa atin? At sinong nakakakilala sa atin?”
16Inyong#Isa. 45:9; Ro. 9:20 binabaligtad ang mga bagay!
Ituturing bang putik ang magpapalayok;
upang sabihin ng bagay na niyari sa gumawa sa kanya,
“Hindi niya ako ginawa”;
o sabihin ng bagay na inanyuan sa kanya na nag-anyo nito,
“Siya'y walang unawa”?
Ang Pagtubos sa Israel
17Hindi ba sandaling-sandali na lamang,
at ang Lebanon ay magiging mabungang lupain,
at ang mabungang lupain ay ituturing na gubat?
18At sa araw na iyon ay maririnig ng bingi
ang mga salita ng isang aklat,
at mula sa kanilang kapanglawan at kadiliman
ang mga mata ng bulag ay makakakita.
19Ang maamo ay magtatamo ng sariwang kagalakan sa Panginoon,
at ang dukha sa gitna ng mga tao ay magagalak sa Banal ng Israel.
20Sapagkat ang malupit ay mauuwi sa wala,
at ang manlilibak ay tumigil,
at ang lahat ng naghihintay sa paggawa ng kasamaan ay tatanggalin,
21iyong mga nagdadala sa tao sa kahatulan,
at naglalagay ng bitag para sa tagahatol sa may pintuan,
at walang dahilang ipinagkakait ang katarungan sa nasa katuwiran.
22Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, na siyang tumubos kay Abraham, tungkol sa sambahayan ni Jacob,
“Si Jacob ay hindi na mapapahiya,
hindi na mamumutla ang kanyang mukha.
23Sapagkat kapag kanyang nakikita ang kanyang mga anak,
ang gawa ng aking mga kamay, sa gitna niya,
ay kanilang pababanalin ang aking pangalan;
kanilang pababanalin ang Banal ni Jacob,
at tatayong may paggalang sa Diyos ng Israel.
24Sila namang nagkakamali sa espiritu ay darating sa pagkaunawa,
at silang nagbubulung-bulungan ay tatanggap ng aral.”
Kasalukuyang Napili:
ISAIAS 29: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001