ISAIAS 56
56
Ang Bayan ng Diyos ay Bubuuin
1Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kayo'y magpairal ng katarungan, at gumawa ng matuwid;
sapagkat ang aking pagliligtas ay malapit nang dumating,
at ang aking katuwiran ay mahahayag.
2Mapalad ang taong gumagawa nito,
at ang anak ng tao na nanghahawak dito;
na nangingilin ng Sabbath at hindi ito nilalapastangan,
at umiiwas sa paggawa ng anumang kasamaan.”
3Ang dayuhan na sumanib sa Panginoon ay huwag magsasabi,
“Tiyak na ihihiwalay ako ng Panginoon sa kanyang bayan”;
at huwag sasabihin ng eunuko,
“Narito, ako'y punungkahoy na tuyo.”
4Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Tungkol sa mga eunuko na nangingilin ng aking mga Sabbath,
at pumipili ng mga bagay na nakakalugod sa akin,
at nag-iingat ng aking tipan,
5ibibigay ko sa kanila sa aking bahay at sa loob ng aking mga pader,
ang isang alaala at pangalan
na higit na mabuti kaysa mga anak na lalaki at babae;
bibigyan ko sila ng walang hanggang pangalan,
na hindi maglalaho.
6“At ang mga dayuhan na sumanib sa Panginoon,
upang maglingkod sa kanya at ibigin ang pangalan ng Panginoon,
at maging kanyang mga lingkod,
bawat nangingilin ng Sabbath at hindi nilalapastangan ito,
at nag-iingat ng aking tipan—
7sila#Mt. 21:13; Mc. 11:17; Lu. 19:46 ay dadalhin ko sa aking banal na bundok,
at pasasayahin ko sila sa aking bahay dalanginan.
Ang kanilang mga handog na sinusunog at ang kanilang mga alay
ay tatanggapin sa aking dambana;
sapagkat ang aking bahay ay tatawaging bahay panalanginan
para sa lahat ng mga bayan.
8Gayon ang sabi ng Panginoong Diyos,
na nagtitipon ng mga itinapon mula sa Israel,
titipunin ko pa ang iba sa kanya
bukod sa mga natipon na.”
Hinatulan ang mga Pinuno ng Israel
9Kayong lahat na mga hayop sa parang,
kayo'y pumarito upang manakmal—
kayong lahat na mga hayop sa gubat.
10Ang kanyang mga bantay ay mga bulag,
silang lahat ay walang kaalaman;
silang lahat ay mga piping aso,
sila'y hindi makatahol;
nananaginip, nakahiga,
maibigin sa pagtulog.
11Ang mga aso ay matatakaw,
sila'y kailanman ay walang kabusugan.
At sila'y mga pastol na walang pang-unawa,
silang lahat ay lumihis sa kanilang sariling daan,
bawat isa'y sa kanyang pakinabang hanggang sa kahuli-hulihan.
12“Kayo'y pumarito,” sabi nila, “kumuha tayo ng alak,
at punuin natin ang ating sarili ng matapang na inumin;
at ang bukas ay magiging gaya ng araw na ito,
dakila at walang katulad.”
Kasalukuyang Napili:
ISAIAS 56: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001