Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ISAIAS 59

59
Laganap na Kasamaan
1Narito, ang kamay ng Panginoon ay hindi maikli na di makapagligtas;
ni hindi mahina ang kanyang pandinig, na ito'y di makarinig.
2Ngunit pinaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Diyos,
at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagkubli ng kanyang mukha sa inyo,
anupa't siya'y hindi nakikinig.
3Sapagkat ang inyong mga kamay ay nadungisan ng dugo,
at ang inyong mga daliri ng kasamaan;
ang inyong mga labi ay nagsalita ng mga kasinungalingan,
ang inyong dila ay nagsasalita ng kasamaan.
4Walang nagdadala ng usapin na may katarungan,
at nagtutungo sa batas na may katapatan;
sila'y nagtitiwala sa kalituhan, sila'y nagsasalita ng mga kasinungalingan;
sila'y naglilihi ng kalikuan, at nanganganak ng kasamaan.
5Sila'y pumipisa ng mga itlog ng ahas,
at gumagawa ng bahay ng gagamba;
ang kumakain ng kanilang itlog ay namamatay,
at ang napipisa ay nilalabasan ng ulupong.
6Ang kanilang mga bahay ng gagamba ay hindi magiging mga kasuotan,
hindi nila matatakpan ang kanilang sarili ng kanilang mga ginawa.
Ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan,
at ang mararahas na gawa ay nasa kanilang mga kamay.
7Ang#Ro. 3:15-17 kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan,
at sila'y nagmamadaling nagpapadanak ng dugong walang kasalanan,
ang kanilang mga pag-iisip ay mga pag-iisip ng kasamaan,
pagwasak at paggiba ang nasa kanilang mga daan.
8Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman,
sa kanilang mga lakad ay walang katarungan,
ginawa nilang liku-liko ang kanilang mga daan,
sinumang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan.
Inamin ng mga Tao ang Kanilang Kasalanan
9Kaya't malayo sa amin ang katarungan,
at hindi umaabot sa amin ang katuwiran,
kami'y naghahanap ng liwanag, ngunit, narito ang kadiliman;
at ng kaliwanagan, ngunit naglalakad kami sa kadiliman.
10Kami'y nangangapa sa bakod na parang bulag,
oo, kami'y nangangapa na gaya nila na walang mga mata,
kami'y natitisod sa katanghaliang-tapat na gaya sa gabi,
sa gitna ng malalakas, kami'y parang mga patay.
11Kaming lahat ay umuungol na parang mga oso,
kami'y dumaraing nang may kalungkutan parang mga kalapati,
kami'y naghahanap ng katarungan, ngunit wala;
ng kaligtasan, ngunit iyon ay malayo sa amin.
12Sapagkat ang aming mga pagsuway ay dumami sa harapan mo,
at ang aming mga kasalanan ay nagpapatotoo laban sa amin,
sapagkat ang aming mga pagsuway ay kasama namin,
at ang sa aming mga kasamaan ay nalalaman namin;
13na sinusuway at itinatatwa ang Panginoon,
at lumalayo sa pagsunod sa aming Diyos,
na nagsasalita ng pang-aapi at paghihimagsik,
na nagbabalak at nagsasalita mula sa puso ng mga salitang kasinungalingan.
14Ang katarungan ay tumatalikod,
at ang katuwiran ay tumatayo sa malayo;
sapagkat ang katotohanan ay nahulog sa lansangan,
at hindi makapasok ang katuwiran.
15Nagkukulang sa katotohanan,
at ang humihiwalay sa kasamaan ay ginagawang biktima ang kanyang sarili.
Ito'y nakita ng Panginoon,
at ikinasama ng kanyang loob na walang katarungan.
16Kanyang#Isa. 63:5 nakita na walang tao,
at namangha na walang sinumang mamamagitan;
kaya't ang kanyang sariling bisig ay nagdala ng tagumpay sa kanya,
at ang kanyang katuwiran ay umalalay sa kanya.
17At#Ef. 6:14, 17; 1 Tes. 5:8 bilang baluti ay nagsuot siya ng katuwiran,
at sa kanyang ulo ay helmet ng kaligtasan;
siya'y nagdamit ng mga bihisan ng paghihiganti bilang kasuotan,
at bilang balabal ang sarili ay binalutan ng sikap.
18Ayon sa kanilang mga gawa, ay gayon niya gagantihin,
poot sa kanyang mga kalaban, ganti sa kanyang mga kaaway;
sa mga pulo ay ganti ang kanyang ipapataw.
19Sa gayo'y katatakutan nila ang pangalan ng Panginoon mula sa kanluran,
at ang kanyang kaluwalhatian ay mula sa sikatan ng araw,
sapagkat siya'y darating na parang bugso ng tubig
na itinataboy ng hininga ng Panginoon.
20“Ang#Ro. 11:26 isang Manunubos ay darating sa Zion,
at sa kanila sa Jacob na humihiwalay sa pagsuway, sabi ng Panginoon.
21“At tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng Panginoon: ang aking Espiritu na nasa iyo at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig, ay hindi hihiwalay sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong lahi, o sa bibig man ng angkan ng iyong lahi, sabi ng Panginoon, mula ngayon at magpakailanpaman.”

Kasalukuyang Napili:

ISAIAS 59: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in