Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA HUKOM 19

19
Kinuha ng Isang Levita ang Kanyang Asawang-lingkod
1Nang mga araw na iyon, nang walang hari sa Israel, may isang Levita na naninirahan sa malayong dako ng lupaing maburol ng Efraim, ang kumuha ng asawang-lingkod mula sa Bethlehem sa Juda.
2Ngunit ang kanyang asawang-lingkod ay nagalit sa kanya#19:2 Sa Hebreo ay nagtaksil sa kanya. at iniwan siya at nagtungo sa bahay ng kanyang ama sa Bethlehem sa Juda, at nanatili roon sa loob ng apat na buwan.
3Ang kanyang asawa ay humayo at sumunod sa kanya, upang makiusap na mabuti sa kanya na bumalik siya. Kasama niya ang kanyang tauhan at ang dalawang magkatuwang na asno. Nang makarating siya sa bahay ng kanyang ama, nakita siya ng ama ng asawang-lingkod, at magalak nitong sinalubong siya.
4Pinigil siya ng kanyang biyenan, ng ama ng asawang-lingkod; at siya'y nanatiling kasama niya ng tatlong araw. Sa gayon sila'y nagkainan at nag-inuman, at nanatili roon.
5Kinaumagahan nang ikaapat na araw, sila'y bumangong maaga, at siya'y naghanda upang humayo. Sinabi ng ama ng babae sa kanyang manugang, “Palakasin mo muna ang iyong sarili ng kaunting pagkain, at pagkatapos ay saka kayo lumakad.”
6Sa gayo'y naupo silang dalawa, at kumain at uminom na magkasama, at sinabi ng ama ng babae sa lalaki, “Bakit hindi ka muna magpalipas dito ng buong gabi at magsaya?”
7Nang ang lalaki ay tumayo upang umalis; pinigil siya ng kanyang biyenan at siya'y tumigil uli roon.
8Kinaumagahan nang ikalimang araw, siya'y maagang bumangon upang umalis, at sinabi ng ama ng babae, “Palakasin mo ang iyong sarili.” Kaya't sila'y nanatili hanggang sa dumilim ang araw, at ang dalawa ay kumain.
9Nang ang lalaki at ang kanyang asawang-lingkod, at ang kanyang tauhan ay tumayo upang umalis ay sinabi ng kanyang biyenan sa kanya, “Tingnan ninyo, gumagabi na. Dito na kayo magpalipas ng gabi. Tingnan ninyo ang araw ay lumulubog na. Dito na kayo magpalipas ng gabi at kayo ay magsaya. Bukas ay maaga kayong bumangon para sa inyong paglakad, at kayo'y umuwi na.”
10Ngunit ayaw ng lalaki na magpalipas ng gabi, kundi siya'y tumindig at umalis at nakarating sa tapat ng Jebus (na siyang Jerusalem). May dala siyang dalawang magkatuwang na asno at ang kanyang asawang-lingkod ay kasama niya.
11Nang sila'y nasa tabi na ng Jebus, ang araw ay lumulubog at sinabi ng tauhan sa kanyang panginoon, “Dito na tayo sa bayan ng mga Jebuseo, at magpalipas ng gabi rito.”
12Sinabi ng kanyang panginoon sa kanya, “Hindi tayo pupunta sa bayan ng mga dayuhan, na hindi kabilang sa mga anak ni Israel; kundi magpapatuloy tayo hanggang sa Gibea.”
13At sinabi niya sa kanyang alipin, “Halika at sikapin nating marating ang isa sa mga dakong ito; at tayo'y magpapalipas ng gabi sa Gibea o sa Rama.”
14Sa gayo'y nagdaan sila at nagpatuloy ng kanilang paglakad, at nilubugan sila ng araw sa malapit sa Gibea, na sakop ng Benjamin.
15Sila'y lumiko roon, upang pumasok at nagpalipas ng gabi sa Gibea. Sila'y pumasok at umupo sa liwasan ng lunsod, sapagkat walang taong magpatuloy sa kanila.
16Kinagabihan, may dumating na isang matandang lalaki na galing sa kanyang paggawa sa bukid. Ang lalaki ay taga-lupaing maburol ng Efraim at naninirahan sa Gibea; ang mga tao sa dakong iyon ay mga Benjaminita.
17Nang tumingin ang matandang lalaki at nakita niya ang manlalakbay sa liwasan ng lunsod ay itinanong niya, “Saan ka pupunta? At saan ka nanggaling?”
18At sinabi niya sa kanya, “Kami ay nagdaraan mula sa Bethlehem sa Juda na patungo sa malayong dako ng lupaing maburol ng Efraim na aking pinanggalingan. Ako'y galing sa Bethlehem sa Juda at ako'y patungo sa bahay ng Panginoon,#19:18 Sa (LXX) ay sa aking tahanan. at walang taong magpatuloy sa akin.
19Kami ay may dayami at damo para sa aming mga asno at may tinapay at alak naman para sa akin, sa lingkod na babae, at sa kabataang kasama namin. Wala na kaming kailangan pa.”
20At sinabi ng matandang lalaki, “Kapayapaan nawa ang sumaiyo; ipaubaya mo sa akin ang lahat ng iyong mga pangangailangan; huwag ka lamang magpalipas ng gabi sa liwasan.”
21Kanyang pinapasok sila sa kanyang bahay at binigyan ng pagkain ang mga asno. Sila'y naghugas ng kanilang mga paa, kumain at uminom.
Ang Kahalayang Ginawa sa Gibea
22Samantalang#Gen. 19:5-8 sila'y nagkakasayahan, pinalibutan ng masasamang tao sa lunsod ang bahay at pinaghahampas ang pintuan. Sinabi nila sa matandang may-ari ng bahay, “Ilabas mo ang lalaking pumasok sa iyong bahay upang makilala namin siya.”
23At lumabas sa kanila ang lalaki, ang may-ari ng bahay at sinabi sa kanila, “Huwag, mga kapatid ko. Isinasamo ko sa inyong huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan; yamang ang lalaking ito'y aking panauhin, ay huwag ninyong gawin ang gayong kasamaan.
24Narito ang aking anak na dalaga, at ang asawang-lingkod ng lalaki.#19:24 Sa Hebreo ay niya. Ilalabas ko sila ngayon; halayin ninyo, at gawin ninyo sa kanila ang gusto ninyo. Ngunit sa lalaking ito ay huwag kayong gumawa ng anumang masama.”
25Ngunit hindi siya pinakinggan ng mga lalaki. Sa gayo'y hinawakan ng lalaki ang kanyang asawang-lingkod at inilabas sa kanila. Kanilang sinipingan#19:25 Sa Hebreo ay kinilala. siya at hinalay buong gabi hanggang sa kinaumagahan; at nang magbukang-liwayway ay kanilang pinaalis siya.
26Nang mag-uumaga na, dumating ang babae, at nabuwal sa pintuan ng bahay ng lalaki, na kinaroroonan ng kanyang panginoon, hanggang sa magliwanag.
27Kinaumagahan, bumangon ang kanyang panginoon at binuksan ang mga pinto ng bahay. Nang siya'y lumabas upang magpatuloy sa kanyang lakad, naroon ang kanyang asawang-lingkod ay nakabuwal sa pintuan ng bahay, na ang mga kamay ay nasa bungad.
28At sinabi niya sa kanya, “Bumangon ka at umalis na tayo.” Ngunit walang sagot. Nang magkagayo'y kanyang isinakay ang babae sa asno; at ang lalaki ay tumindig at nagpatuloy pauwi sa kanilang tahanan.
29Nang#1 Sam. 11:7 siya'y makapasok sa kanyang bahay, ay kumuha siya ng isang patalim, at paghawak niya sa kanyang asawang-lingkod ay kanyang pinagputul-putol ito sa labindalawang bahagi; at ipinadala siya sa lahat ng nasasakupan ng Israel.
30At ang lahat ng nakakita nito ay nagsabi, “Walang ganitong bagay na nangyari o nakita man mula sa araw na umahon ang mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito. Pag-isipan ninyo ito, pag-usapan at magsalita kayo.”

Kasalukuyang Napili:

MGA HUKOM 19: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in