MGA HUKOM 5
5
Ang Awit ni Debora
1Nang magkagayo'y umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam nang araw na iyon,
2“Sapagkat ang mga pinuno ay nanguna sa Israel,
sapagkat kusang inihandog ng bayan ang kanilang sarili,
purihin ninyo ang Panginoon!
3“Makinig kayo, mga hari; pakinggan ninyo, mga prinsipe;
Panginoon ako'y aawit,
ako'y gagawa ng himig sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
4“Panginoon, nang ikaw ay lumabas sa Seir,
nang ikaw ay humayo mula sa lupain ng Edom,
ang lupa'y nanginig,
ang langit naman ay nagpatak,
oo, ang mga ulap ay nagpatak ng tubig.
5Ang#Exo. 19:18 mga bundok ay nayanig sa harap ng Panginoon, yaong sa Sinai,
sa harap ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
6“Sa mga araw ni Shamgar na anak ni Anat,
sa mga araw ni Jael, ang mga paglalakbay ay tumigil,
at ang mga manlalakbay ay bumagtas sa mga lihis na landas.
7Ang mga magsasaka ay huminto sa Israel, sila'y tumigil,
hanggang sa akong si Debora ay bumangon,
bumangon bilang ina sa Israel.
8Nang piliin ang mga bagong diyos,
nasa mga pintuang-bayan ang digmaan.
May nakita bang kalasag o sibat
sa apatnapung libo sa Israel?
9Ang aking puso ay nasa mga pinuno sa Israel,
na kusang-loob na naghandog ng kanilang sarili sa bayan;
purihin ang Panginoon!
10“Saysayin ninyo, kayong mga nakasakay sa mapuputing asno,
kayong nakaupo sa maiinam na alpombra,
at kayong lumalakad sa daan.
11Sa tugtog ng mga manunugtog sa mga dakong igiban ng tubig,
doon nila inuulit ang mga tagumpay ng Panginoon,
ang mga tagumpay ng kanyang magbubukid sa Israel.
“Bumaba nga ang bayan ng Panginoon sa mga pintuang-bayan.
12“Gumising ka, gumising ka, Debora!
Gumising ka, gumising ka, bumigkas ka ng awit!
Bumangon ka, Barak, at ihatid mo ang iyong mga bihag,
ikaw na anak ni Abinoam.
13Bumaba nga ang nalabi sa mga maharlika;
at ang bayan ng Panginoon ay bumaba dahil sa kanya laban sa mga makapangyarihan.
14Mula sa Efraim na kanilang ugat, sila ay naghanda patungo sa libis,
sa likuran mo ay ang Benjamin, na kasama ng iyong mga kamag-anak;
sa Makir nagmula ang mga pinuno,
at sa Zebulon ang may hawak ng tungkod ng pinuno;
15ang mga pinuno sa Isacar ay dumating na kasama ni Debora;
at ang Isacar ay tapat kay Barak,
sa libis ay dumaluhong sila sa kanyang mga sakong.
Sa gitna ng mga angkan ni Ruben,
nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
16Bakit ka nanatili sa gitna ng mga kulungan ng tupa,
upang makinig ba ng mga pagtawag sa mga kawan?
Sa gitna ng mga angkan ng Ruben,
nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
17Ang Gilead ay nanatili sa kabila ng Jordan;
at ang Dan, bakit siya'y nanatili sa mga barko?
Ang Aser ay nanatili sa mga baybayin ng dagat,
at nanahan sa kanyang mga daong.
18Ang Zebulon ay isang bayan na nagsuong ng kanilang buhay sa kamatayan,
gayundin ang Neftali sa matataas na dako ng kaparangan.
19“Ang mga hari ay dumating, sila'y lumaban;
nang magkagayo'y lumaban ang mga hari ng Canaan,
sa Taanac na nasa tabi ng tubig sa Megido;
sila'y hindi nakasamsam ng pilak.
20Mula sa langit ang mga bituin ay nakipaglaban,
mula sa kanilang paglakad sila'y nakipaglaban kay Sisera.
21Tinangay sila ng rumaragasang Kishon,
ng rumaragasang agos, ng Ilog Kishon.
Sumulong ka, kaluluwa ko, nang may lakas!
22“Nang magkagayo'y yumabag ang mga paa ng mga kabayo,
na may pagkaripas, pagkaripas ng kanyang mga kabayong pandigma.
23“Sumpain si Meroz, sabi ng anghel ng Panginoon,
sumpain nang mapait ang mga naninirahan doon,
sapagkat sila'y hindi dumating upang tumulong sa Panginoon,
upang tumulong sa Panginoon, laban sa makapangyarihan.
24“Higit na pinagpala sa lahat ng babae si Jael,
ang asawa ni Eber na Kineo,
higit siyang pinagpala sa lahat ng babaing naninirahan sa tolda.
25Siya'y#5:25 o Si Sisera'y. humingi ng tubig, at binigyan niya ng gatas;
kanyang dinalhan siya ng mantekilya sa maharlikang mangkok.
26Hinawakan ng kanyang kamay ang tulos ng tolda,
at ng kanyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa;
kanyang pinukpok si Sisera ng isang pukpok,
dinurog niya ang kanyang ulo,
kanyang binasag at tinusok ang kanyang noo.
27Siya'y nabuwal, siya'y nalugmok,
siya'y bumulagta sa kanyang paanan,
sa kanyang paanan siya ay nabuwal, siya ay nalugmok,
kung saan siya nabuwal, doon siya patay na bumagsak.
28“Mula sa bintana siya ay dumungaw,
ang ina ni Sisera ay sumigaw sa pagitan ng durungawan:
‘Bakit ang kanyang karwahe ay natatagalang dumating?
Bakit nababalam ang mga yabag ng kanyang mga karwahe?’
29Ang kanyang mga pinakapantas na babae ay sumagot sa kanya,
siya na rin ang sumagot sa kanyang sarili,
30‘Hindi ba sila nakakatagpo at naghahati-hati ng samsam?
Isa o dalawang dalaga, sa bawat lalaki;
kay Sisera ay samsam na damit na may sari-saring kulay,
samsam na sari-saring kulay ang pagkaburda,
dalawang piraso ng kinulayang gawa, binurdahan para sa aking leeg bilang samsam?’
31“Gayon nalipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Panginoon!
Ngunit ang iyong mga kaibigan ay maging tulad ng araw sa pagsikat niya sa kanyang kalakasan.”
At ang lupain ay nagpahinga na apatnapung taon.
Kasalukuyang Napili:
MGA HUKOM 5: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001