JEREMIAS 15
15
Kapahamakan para sa mga Taga-Juda
1Pagkatapos#Exo. 32:11-14; Bil. 14:13-19; 1 Sam. 7:5-9 ay sinabi ng Panginoon sa akin, “Kahit pa tumayo sina Moises at Samuel sa harapan ko, hindi babaling ang aking puso sa bayang ito. Palayasin mo sila sa aking paningin, at paalisin mo sila!
2At#Apoc. 13:10 kapag tinanong ka nila, ‘Saan kami pupunta?’ sasabihin mo nga sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Ang mga nakatakda sa kamatayan ay sa kamatayan,
at ang sa tabak ay sa tabak;
at ang sa taggutom, ay sa taggutom;
at ang sa pagkabihag, ay sa pagkabihag.”’
3“Ako'y magtatalaga sa kanila ng apat na bagay, sabi ng Panginoon: ang tabak upang pumatay, mga aso upang lumapa, at ang mga ibon sa himpapawid at mga hayop sa lupa upang lumamon at lumipol.
4At#2 Ha. 21:1-16; 2 Cro. 33:1-9 gagawin ko silang katatakutan ng lahat ng mga kaharian sa lupa dahil sa ginawa sa Jerusalem ni Manases, na anak ni Hezekias, hari ng Juda.
5“Sinong mahahabag sa iyo, O Jerusalem,
o sinong tataghoy sa iyo?
Sinong hihinto
upang itanong ang iyong kalagayan?
6Itinakuwil mo ako, sabi ng Panginoon,
patuloy kang umuurong;
kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at pinuksa kita;
pagod na ako sa pagiging mahabagin.
7Tinahipan ko sila ng pantahip
sa mga pintuang-bayan ng lupain;
pinangulila ko sila, nilipol ko ang aking bayan;
sila'y hindi humiwalay sa kanilang mga lakad.
8Pinarami ko ang kanilang mga babaing balo
nang higit kaysa buhangin sa karagatan.
Dinala ko laban sa mga ina ng mga binata
ang manglilipol sa katanghaliang-tapat;
bigla kong pinarating sa kanila
ang dalamhati at sindak.
9Siyang nanganak ng pito ay nanghihina;
siya'y nalagutan ng hininga;
ang kanyang araw ay lumubog samantalang may araw pa;
siya'y napahiya at napariwara.
At ang nalabi sa kanila ay ibibigay ko sa tabak
sa harapan ng kanilang mga kaaway, sabi ng Panginoon.”
Dumaing si Jeremias sa Panginoon
10Kahabag-habag ako, ina ko, na ipinanganak mo ako, isang taong palaaway at taong palaban sa buong lupain! Ako'y hindi nagpautang na may patubo o pinautang man na may patubo, gayunma'y sinusumpa nila akong lahat.
11Sinabi ng Panginoon, Tunay na namagitan ako sa iyong buhay sa ikabubuti, tunay na nakiusap ako sa iyo para sa kaaway sa panahon ng kasamaan at sa panahon ng kagipitan!
12Mababasag ba ng sinuman ang bakal, ang bakal na mula sa hilaga, at ang tanso?
13“Ang iyong kayamanan at ang iyong ari-arian ay ibibigay ko bilang samsam, na walang bayad, dahil sa lahat mong kasalanan, sa lahat mong nasasakupan.
14Pararaanin kita kasama ng iyong mga kaaway sa lupaing hindi mo nakikilala; sapagkat sa aking galit ay isang apoy ang nagniningas na magliliyab magpakailanman.”
15O Panginoon, nalalaman mo;
alalahanin mo ako, at dalawin mo ako,
at ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin.
Ayon sa iyong pagiging matiisin ay huwag mo akong kunin,
alamin mo na alang-alang sa iyo ay nagtitiis ako ng pagkutya.
16Ang iyong mga salita ay natagpuan, at aking kinain;
at sa ganang akin ang iyong mga salita ay katuwaan
at kagalakan ng aking puso,
sapagkat ako'y tinatawag sa iyong pangalan, O Panginoon, Diyos ng mga hukbo.
17Hindi ako umupo sa kapulungan ng mga nagsasaya,
ni nagalak man ako;
ako'y naupong mag-isa sapagkat ang iyong kamay ay nakapatong sa akin,
sapagkat pinuno mo ako ng galit.
18Bakit hindi tumitigil ang aking kirot,
at ang aking sugat ay walang lunas,
at ayaw mapagaling?
Ikaw ba'y magiging parang mandarayang batis sa akin,
parang tubig na nauubos?
19Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kung ikaw ay magbabalik-loob, tatanggapin kitang muli,
at ikaw ay tatayo sa harapan ko.
Kung bibigkasin mo ang mahalaga at hindi ang walang katuturan,
ikaw ay magiging parang aking bibig.
Sila'y manunumbalik sa iyo,
ngunit hindi ka manunumbalik sa kanila.
20At gagawin kita para sa bayang ito
na pinatibay na pader na tanso;
lalaban sila sa iyo,
ngunit hindi sila magtatagumpay laban sa iyo;
sapagkat ako'y kasama mo
upang iligtas kita at sagipin kita, sabi ng Panginoon.
21At ililigtas kita mula sa kamay ng masama,
at tutubusin kita mula sa kamay ng mga walang awa.”
Kasalukuyang Napili:
JEREMIAS 15: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001