JEREMIAS 28
28
Si Propeta Jeremias at si Hananias
1Nang#2 Ha. 24:18-20; 2 Cro. 36:11-13 taon ding iyon, sa pasimula ng paghahari ni Zedekias na hari ng Juda, sa ikalimang buwan ng ikaapat na taon, si Hananias na anak ni Azur, ang propetang taga-Gibeon, ay nagsalita sa akin sa bahay ng Panginoon, sa harapan ng mga pari at ng buong bayan, na nagsasabi,
2“Ganito ang sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Binali ko ang pamatok ng hari ng Babilonia.
3Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa dakong ito ang lahat ng kagamitan ng bahay ng Panginoon, na tinangay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia mula sa dakong ito, at dinala sa Babilonia.
4Ibabalik ko rin sa dakong ito si Jeconias na anak ni Jehoiakim, na hari ng Juda, at ang lahat ng bihag mula sa Juda na pumunta sa Babilonia, sabi ng Panginoon, sapagkat aking babaliin ang pamatok ng hari ng Babilonia.”
5Nang magkagayo'y nagsalita si propeta Jeremias kay Hananias na propeta sa harapan ng mga pari at ng buong bayan na nakatayo sa bahay ng Panginoon;
6at sinabi ni propeta Jeremias, “Amen! Gayon nawa ang gawin ng Panginoon. Pagtibayin nawa ng Panginoon ang iyong mga salita na iyong ipinahayag, at ibalik sa lugar na ito mula sa Babilonia ang mga kagamitan ng bahay ng Panginoon, at ang lahat ng bihag.
7Gayunma'y pakinggan ninyo ngayon ang mga salitang ito na sasabihin ko sa pandinig mo at sa pandinig ng buong bayan.
8Ang mga propetang nauna sa akin at nauna sa iyo mula nang mga unang panahon ay nagsalita ng propesiya tungkol sa digmaan, taggutom, at salot laban sa maraming bansa at mga makapangyarihang kaharian.
9Ang propeta na nagpapahayag ng kapayapaan, kapag ang salita ng propetang iyon ay naganap, kung gayon ang propetang iyon ay makikilalang tunay na sinugo ng Panginoon.”
10Nang magkagayo'y kinuha ng propetang si Hananias ang mga pamatok mula sa leeg ng propetang si Jeremias, at binali ang mga iyon.
11At si Hananias ay nagsalita sa harapan ng buong bayan, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Gayon ko babaliin ang pamatok ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia mula sa leeg ng lahat ng bansa sa loob ng dalawang taon.” Pagkatapos nito, si propeta Jeremias ay humayo sa kanyang lakad.
Ang Kamatayan ni Hananias
12Pagkalipas ng ilang panahon pagkatapos na mabali ni propeta Hananias ang pamatok mula sa leeg ni propeta Jeremias, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias:
13“Humayo ka at magsalita ka kay Hananias, na sinasabi, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Mga pamatok na kahoy ang iyong binali, ngunit pinalitan mo ang mga iyon ng mga pamatok na bakal.
14Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ako'y naglagay ng pamatok na bakal sa leeg ng lahat ng mga bansang ito upang sila'y maglingkod kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sila'y maglilingkod sa kanya. At ibinigay ko rin sa kanya ang mga hayop sa parang!’”
15At sinabi ng propetang si Jeremias kay Hananias na propeta, “Makinig ka, Hananias, hindi ka sinugo ng Panginoon, kundi iyong pinaasa ang bayang ito sa kasinungalingan.
16Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: ‘Aalisin kita mula sa ibabaw ng lupa. Mamamatay ka sa taong ito, sapagkat ikaw ay nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon.’”
17Sa ikapitong buwan nang taon ding iyon, namatay si propeta Hananias.
Kasalukuyang Napili:
JEREMIAS 28: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001