“Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na aking tutuparin ang mabuting bagay na aking sinabi tungkol sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda. Sa mga araw at panahong iyon, aking pasisibulin para kay David ang isang matuwid na Sanga at siya'y maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain. Sa mga araw na iyon ay maliligtas ang Juda at ang Jerusalem ay maninirahang tiwasay. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: ‘Ang PANGINOON ay ating katuwiran.’ “Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: Si David ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki na uupo sa trono ng sambahayan ng Israel; at ang mga paring Levita ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki sa harapan ko na mag-aalay ng mga handog na sinusunog, na magsusunog ng mga butil na handog, at maghahandog ng mga alay magpakailanman.” Ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Jeremias, na sinasabi, “Ganito ang sabi ng PANGINOON: Kung masisira ninyo ang aking tipan sa araw at ang aking tipan sa gabi, anupa't hindi magkakaroon ng araw at ng gabi sa kanilang takdang kapanahunan; kung gayon ang aking tipan kay David na aking lingkod ay masisira din, anupa't siya'y hindi magkakaroon ng anak upang maghari sa kanyang trono, at sa aking tipan sa mga paring Levita na aking mga ministro. Kung paanong ang lahat ng natatanaw sa langit ay hindi mabibilang at ang mga buhangin sa dagat ay di masusukat, gayon ko pararamihin ang binhi ni David na aking lingkod, at ang mga Levita na naglilingkod sa akin.” At ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Jeremias, na sinasabi, “Hindi mo ba napapansin ang sinalita ng mga taong ito na sinasabi, ‘Itinakuwil ng PANGINOON ang dalawang angkan na kanyang pinili?’ Ganito nila hinamak ang aking bayan kaya't hindi na sila isang bansa sa kanilang paningin. Ganito ang sabi ng PANGINOON: Kung ang aking tipan sa araw at gabi ay hindi manatili at ang mga panuntunan ng langit at ng lupa ay hindi ko itinatag; ay itatakuwil ko nga ang binhi ni Jacob at ni David na aking lingkod at hindi ako pipili ng isa sa kanyang binhi na mamumuno sa binhi ni Abraham, Isaac, at Jacob. Sapagkat ibabalik ko ang kanilang mga kayamanan at kahahabagan ko sila.”
Basahin JEREMIAS 33
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: JEREMIAS 33:14-26
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas