JEREMIAS 37
37
Pakiusap ni Zedekias kay Jeremias
1Si#2 Ha. 24:17; 2 Cro. 36:10 Zedekias na anak ni Josias na ginawang hari sa lupain ng Juda ni Haring Nebukadnezar ng Babilonia, ay naghari sa halip na si Conias na anak ni Jehoiakim.
2Ngunit siya, ang kanyang mga lingkod, at ang mamamayan ng lupain ay hindi nakinig sa mga salita ng Panginoon na kanyang sinalita sa pamamagitan ni propeta Jeremias.
3Sinugo ni Haring Zedekias si Jehucal na anak ni Shelemias, at si Sefanias na anak ni Maasias na pari, kay Jeremias na propeta, na sinasabi, “Idalangin mo kami sa Panginoon nating Diyos.”
4Si Jeremias noon ay naglalabas-pasok pa rin sa gitna ng bayan, sapagkat hindi pa siya inilalagay sa bilangguan.
5Samantala, ang hukbo ni Faraon ay lumabas sa Ehipto; at nang mabalitaan ang tungkol sa kanila ng mga Caldeo na noon ay kumukubkob sa Jerusalem, sila'y umurong mula sa Jerusalem.
6Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay propeta Jeremias, na sinasabi,
7“Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Ganito ang inyong sasabihin sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo sa akin upang sumangguni sa akin, ‘Ang hukbo ni Faraon na lumabas upang tulungan kayo ay pabalik na sa Ehipto na kanilang sariling lupain.
8At ang mga Caldeo ay babalik upang labanan ang lunsod na ito. Ito'y kanilang sasakupin at susunugin ng apoy.
9Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa pagsasabing, “Ang mga Caldeo ay tiyak na lalayo sa atin,” sapagkat hindi sila lalayo.
10Sapagkat kahit magapi ninyo ang buong hukbo ng mga Caldeo na lumalaban sa inyo, at ang natira lamang sa kanila ay mga lalaking sugatan sa kanya-kanyang tolda, babangon sila at susunugin ng apoy ang lunsod na ito.’”
Ibinilanggo si Jeremias
11Nangyari nang ang hukbo ng mga Caldeo ay makaurong na mula sa Jerusalem nang papalapit ang hukbo ni Faraon,
12si Jeremias ay lumabas sa Jerusalem upang pumasok sa lupain ng Benjamin, upang tanggapin roon ang kanyang bahagi kasama ng bayan.
13Nang siya'y nasa Pintuan ng Benjamin, isang bantay na ang pangalan ay Irias na anak ni Shelemias, na anak ni Hananias ang naroroon. Dinakip niya si propeta Jeremias, na sinasabi, “Ikaw ay papunta sa panig ng mga Caldeo.”
14At sinabi ni Jeremias, “Kasinungalingan, hindi ako pumupunta tungo sa panig ng mga Caldeo.” Ngunit hindi siya pinakinggan ni Irias at kanyang dinakip si Jeremias at dinala sa mga pinuno.
15Nagalit ang mga pinuno kay Jeremias at kanilang binugbog siya at ikinulong sa bahay ni Jonathan na kalihim, na ginawa na nilang bilangguan.
16Nang si Jeremias ay makapasok sa piitang nasa ilalim ng lupa at manatili roon ng maraming araw,
17ipinatawag siya ni Haring Zedekias at tinanggap siya. Palihim siyang tinanong ng hari sa kanyang bahay, at nagsabi, “Mayroon bang anumang salita mula sa Panginoon?” Sinabi ni Jeremias, “Mayroon.” At sinabi niya, “Ikaw ay ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia.”
18Sinabi rin ni Jeremias kay Haring Zedekias, “Anong kasalanan ang nagawa ko laban sa iyo, sa iyong mga lingkod, o sa bayang ito upang ilagay ninyo ako sa bilangguan?
19Nasaan ang inyong mga propeta na nagsalita ng propesiya sa inyo, na nagsasabi, ‘Ang hari ng Babilonia ay hindi darating laban sa inyo o laban man sa lupaing ito?’
20Ngayon nga'y pakinggan mo, hinihiling ko sa iyo, O panginoon kong hari: tanggapin mo ang aking pakiusap sa harapan mo na huwag mo akong pabalikin sa bahay ni Jonathan na kalihim, baka mamatay ako roon.”
21Kaya't nag-utos si Haring Zedekias, at kanilang dinala si Jeremias sa himpilan ng mga bantay. Kanilang binigyan siya ng isang pirasong tinapay araw-araw mula sa lansangan ng mga magtitinapay, hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod. Kaya't nanatili si Jeremias sa himpilan ng mga bantay.
Kasalukuyang Napili:
JEREMIAS 37: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001