JEREMIAS 40
40
Namalagi si Jeremias kay Gedalias
1Ang salita ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon pagkatapos na siya'y palayain mula sa Rama ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay, nang siya'y dalhing may tanikala kasama ng lahat ng bihag mula sa Jerusalem at sa Juda na dinalang-bihag sa Babilonia.
2Kinuha si Jeremias ng kapitan ng bantay, at sinabi sa kanya, “Ang Panginoon mong Diyos ang nagpahayag ng kasamaang ito laban sa lugar na ito;
3pinapangyari ng Panginoon at ginawa ang ayon sa kanyang sinabi sapagkat kayo'y nagkasala laban sa Panginoon at hindi sinunod ang kanyang tinig. Kaya't ang bagay na ito ay dumating sa inyo.
4At ngayon, narito, pinalalaya kita ngayon sa mga tanikalang nasa iyong mga kamay. Kung inaakala mong mabuti na sumama sa akin sa Babilonia, halika, at kakalingain kita. Ngunit kung inaakala mong masama na sumama sa akin sa Babilonia ay huwag kang sumama. Ang buong lupain ay nasa harapan mo. Pumunta ka kung saan mo inaakalang mabuti at marapat sa iyo na puntahan.
5Kung ikaw ay mananatili, bumalik ka kay Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan, na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa mga bayan ng Juda, at manirahang kasama niya, kasama ng taong-bayan, o pumunta ka kung saan mo inaakalang mabuting puntahan.” At binigyan siya ng kapitan ng bantay ng pagkain at kaloob at hinayaan siyang umalis.
6Pagkatapos ay pumunta si Jeremias kay Gedalias na anak ni Ahikam, sa Mizpa, at nanirahang kasama niya kasama ng mga taong-bayang naiwan sa lupain.
7Nang#2 Ha. 25:22-24 mabalitaan ng lahat ng pinuno ng mga kawal at ng kanilang mga tauhan na nasa mga parang na ginawang tagapamahala ng lupain ng hari ng Babilonia si Gedalias na anak ni Ahikam, at ipinamahala sa kanya ang mga lalaki, mga babae, mga bata, at ang mga pinakadukha sa lupain na hindi nadalang-bihag sa Babilonia,
8sila at ang kanilang mga tauhan ay pumunta kay Gedalias sa Mizpa, sina Ismael na anak ni Netanias, si Johanan na mga anak ni Carea, si Seraya na anak ni Tanhumat, ang mga anak ni Ephi na Netofatita, at si Jezanias na anak ng Maacatita.
9Si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga tauhan, na sinasabi, “Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga Caldeo. Manirahan kayo sa lupain at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at ito'y sa ikabubuti ninyo.
10Tungkol sa akin, ako'y maninirahan sa Mizpa, upang tumayo para sa inyo sa harapan ng mga Caldeo na darating sa atin. Ngunit tungkol sa inyo, magtipon kayo ng alak at ng mga bunga sa tag-init at ng langis, at inyong ilagay sa inyong mga sisidlan, at kayo'y manirahan sa inyong mga bayan na inyong sinakop.”
11Gayundin, nang mabalitaan ng lahat ng Judio na nasa Moab at kasama ng mga anak ni Ammon at sa Edom at ng nasa ibang mga lupain, na ang hari ng Babilonia ay nag-iwan ng nalabi sa Juda, at hinirang si Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan, upang mamahala sa kanila,
12ay bumalik ang lahat ng mga Judio mula sa lahat ng dakong pinagtabuyan sa kanila, at dumating sa lupain ng Juda, kay Gedalias sa Mizpa, at sila'y nagtipon ng napakaraming alak at mga bunga sa tag-araw.
13Samantala, si Johanan na anak ni Carea at ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal na nasa mga parang ay pumunta kay Gedalias sa Mizpa,
14at sinabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na sinugo ni Baalis na hari ng mga anak ni Ammon si Ismael na anak ni Netanias upang kunin ang iyong buhay?” Ngunit si Gedalias na anak ni Ahikam ay ayaw maniwala sa kanila.
15Kaya't lihim na nakipag-usap si Johanan na anak ni Carea kay Gedalias sa Mizpa, “Hayaan mo akong umalis at patayin si Ismael na anak ni Netanias, at walang makakaalam nito. Bakit ka niya kailangang patayin, upang ang lahat ng mga Judio na nasa palibot mo ay mangalat, at malipol ang nalabi sa Juda?”
16Ngunit sinabi ni Gedalias na anak ni Ahikam kay Johanan na anak ni Carea, “Huwag mong gagawin ang bagay na ito; sapagkat ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan tungkol kay Ismael.”
Kasalukuyang Napili:
JEREMIAS 40: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001