JEREMIAS 48
48
Ang Pagkawasak ng Moab
1Tungkol#Isa. 15:1–16:14; 25:10-12; Ez. 25:8-11; Amos 2:1-3; Sef. 2:8-11 sa Moab.
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel:
“Kahabag-habag ang Nebo sapagkat ito'y winasak!
Ang Kiryataim ay nalagay sa kahihiyan, ito'y nasakop;
ang mataas na tanggulan ay nalagay sa kahihiyan at nawasak.
2Wala nang papuri para sa Moab.
Sa Hesbon ay nagbalak sila ng kasamaan laban sa kanya:
‘Halikayo, at ihiwalay natin siya sa pagiging bansa!’
Ikaw rin, O Madmen, ay dadalhin sa katahimikan;
hahabulin ka ng tabak.
3“Makinig! Isang sigaw mula sa Horonaim,
‘Pagkasira at malaking pagkawasak!’
4Ang Moab ay wasak;
ang kanyang maliliit ay sumisigaw.
5Sapagkat sa gulod ng Luhith
ay umaahon sila na umiiyak;
sapagkat sa paglusong sa Horonaim
ay narinig nila ang sigaw ng pagkawasak.
6Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong mga buhay!
Kayo'y maging gaya ng mailap na asno sa ilang.
7Sapagkat, yamang ikaw ay nagtiwala sa iyong mga tanggulan at sa iyong mga kayamanan,
ikaw man ay kukunin rin;
at si Cemos ay tutungo sa pagkabihag,
kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno.
8Ang manglilipol ay darating sa bawat lunsod,
at walang lunsod na makakatakas;
ang libis ay wawasakin,
at ang kapatagan ay masisira,
gaya ng sinabi ng Panginoon.
9“Bigyan ng mga pakpak ang Moab,
upang siya'y makalipad papalayo;
ang kanyang mga lunsod ay masisira,
na walang maninirahan sa mga iyon.
10“Sumpain nawa siya na may kapabayaang gumagawa ng gawain ng Panginoon; at sumpain siya na iniuurong ang kanyang tabak sa pagdanak ng dugo.
11“Ang Moab ay tiwasay mula sa kanyang kabataan,
at nagpahinga sa kanyang mga latak,
hindi pa siya isinasalin mula sa isang sisidlan patungo sa isa pa,
ni dinala man siya sa pagkabihag:
kaya't narito, ang kanyang lasa ay nananatili sa kanya,
at ang kanyang bango ay hindi pa nababago.
12“Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magsusugo sa kanya ng mga magtutumba, at siya'y kanilang itutumba, at aalisin nila ang laman ng kanyang mga sisidlan, at magdudurog ng kanilang mga banga.
13Kung gayo'y ikahihiya ng Moab si Cemos, kung paanong ang sambahayan ni Israel ay ikinahiya ang Bethel, na kanilang pinagtiwalaan.
14“Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay malalakas na mandirigma,
at magigiting na lalaki sa labanan’?
15Ang Moab ay winasak at ang mga tao ay umahon sa kanyang mga lunsod;
at ang kanyang mga piling kabataan ay nagsibaba sa katayan,
sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.
16Ang pagkasalanta ng Moab ay malapit nang dumating,
at ang kanyang pagkapinsala ay nagmamadali.
17Tangisan ninyo siya, kayong lahat na nasa palibot niya,
at ninyong lahat na nakakakilala sa kanyang pangalan;
inyong sabihin, ‘Paanong nabali ang makapangyarihang setro,
ang maluwalhating tungkod!’
18“Bumaba ka mula sa inyong kaluwalhatian,
at umupo ka sa tigang na lupa,
O anak na babae na nakatira sa Dibon!
Sapagkat ang manglilipol ng Moab ay umahon laban sa iyo,
giniba niya ang iyong mga muog.
19Tumayo ka sa tabing daan at magmasid,
O mamamayan ng Aroer!
Tanungin mo siya na tumatakbo at siya na tumatakas;
iyong sabihin, ‘Ano ang nangyari?’
20Ang Moab ay nalagay sa kahihiyan; sapagkat ito'y nagiba;
kayo ay tumangis at sumigaw!
Sabihin ninyo sa may Arnon,
na ang Moab ay winasak na.
21“Ang hatol ay dumating din sa kapatagan, sa Holon, Jaza, at laban sa Mefaat,
22sa Dibon, Nebo, at Bet-diblataim,
23laban sa Kiryataim, Bet-gamul, at Bet-meon;
24laban sa Kiryot, Bosra, at sa lahat ng bayan ng lupain ng Moab, malayo at malapit.
25Ang sungay ng Moab ay naputol, at ang kanyang bisig ay nabali, sabi ng Panginoon.
26“Lasingin ninyo siya, sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon; upang ang Moab ay maglubalob sa kanyang suka, at siya man ay magiging katatawanan.
27Hindi ba naging katatawanan ang Israel sa iyo? Siya ba'y natagpuang kasama ng mga magnanakaw, na tuwing pag-uusapan ninyo siya ay napapailing ka?
28“Iwan ninyo ang mga lunsod, at kayo'y manirahan sa malaking bato;
O mga mamamayan ng Moab.
Maging gaya kayo ng kalapati na nagpupugad
sa mga tabi ng bunganga ng bangin.
29Nabalitaan namin ang kapalaluan ng Moab,
labis niyang ipinagmamalaki
ang kanyang kataasan, ang kanyang kapalaluan, ang kanyang kahambugan,
at ang kayabangan ng kanyang puso.
30Alam ko ang kanyang bagsik, sabi ng Panginoon,
ngunit iyon ay walang kabuluhan,
ang kanyang kahambugan ay walang nagawa.
31Kaya't tatangisan ko ang Moab;
ako'y sisigaw para sa buong Moab,
nagluluksa ako para sa mga tao ng Kir-heres.
32Tatangis ako para sa iyo nang higit kaysa pagtangis ko sa Jazer,
O punong ubas ng Sibma!
Ang iyong mga sanga ay lumampas sa dagat,
at umabot hanggang sa Jazer,#48:32 Sa Hebreo ay dagat ng Jazer.
sa iyong mga bungang tag-init at sa iyong ani
ay dumaluhong ang manglilipol.
33Kaya't ang tuwa at kagalakan ay inalis
sa mabungang lupain, sa lupain ng Moab;
aking pinatigil ang alak sa mga pisaan ng alak;
walang pumipisa nito na may mga sigaw ng kagalakan;
ang sigawan ay hindi sigawan ng kagalakan.
34“Ang Hesbon at Eleale ay sumisigaw; hanggang sa Jahaz ay naglakas sila ng kanilang tinig, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim at sa Eglat-shelishiya. Sapagkat ang tubig ng Nimrim ay mawawasak din.
35At wawakasan ko sa Moab, sabi ng Panginoon, ang naghahandog sa mataas na dako, at nagsusunog ng insenso sa kanyang mga diyos.
36Kaya't ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa mga lalaki sa Kir-heres; kaya't ang kayamanan na kanilang tinamo ay naglaho.
37“Sapagkat bawat ulo ay inahit, at bawat balbas ay ginupit; sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may damit-sako.
38Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga liwasan ay pawang mga panaghoy; sapagkat aking binasag ang Moab na parang sisidlan na walang nagmamalasakit, sabi ng Panginoon.
39Ito'y wasak na wasak! Napakalakas ng kanilang pagtangis! Ang Moab ay tumalikod sa kahihiyan! Kaya't ang Moab ay naging tampulan ng pagkutya at panghihilakbot sa lahat ng nasa palibot niya.”
40Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, may lilipad na kasimbilis ng agila
at magbubuka ng kanyang mga pakpak laban sa Moab.
41Ang Kiryot ay nasakop
at ang mga muog ay naagaw.
Sa araw na iyon, ang puso ng mga mandirigma ng Moab
ay magiging parang puso ng babaing manganganak.
42Ang Moab ay mawawasak at hindi na magiging isang bayan,
sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon.
43Sindak, hukay, at bitag
ay nasa harapan mo, O naninirahan sa Moab, sabi ng Panginoon.
44Siyang tumatakas sa pagkasindak
ay mahuhulog sa hukay,
at siyang umaahon sa hukay
ay mahuhuli ng bitag.
Sapagkat dadalhin ko ang mga bagay na ito sa Moab,
sa taon ng kanilang kaparusahan, sabi ng Panginoon.
45“Ang mga nagsisitakas ay humintong walang lakas
sa lilim ng Hesbon,
sapagkat may apoy na lumabas sa Hesbon,
isang alab mula sa bahay ng Sihon.
Nilamon nito ang noo ng Moab,
ang tuktok ng mga anak ng kaguluhan.
46Kahabag-habag ka, O Moab!
Ang bayan ni Cemos ay wala na;
sapagkat ang iyong mga anak na lalaki ay dinalang-bihag,
at ang iyong mga anak na babae ay dinala sa pagkabihag.
47Gayunma'y panunumbalikin ko ang kapalaran ng Moab
sa mga huling araw, sabi ng Panginoon.”
Hanggang dito ang hatol sa Moab.
Kasalukuyang Napili:
JEREMIAS 48: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001