JEREMIAS 5
5
Ang Kasalanan ng Jerusalem
1Tumakbo kayong paroo't parito sa mga lansangan ng Jerusalem,
tingnan ninyo, at pansinin!
Halughugin ninyo ang kanyang mga liwasan
kung kayo'y mayroong taong matatagpuan,
na gumagawa ng katarungan
at naghahanap ng katotohanan;
upang patawarin ko siya.
2Bagaman kanilang sinasabi, “Habang ang Panginoon ay buháy;”
gayunma'y sumusumpa sila ng may kasinungalingan.
3O Panginoon, hindi ba naghahanap ng katotohanan ang iyong mga mata?
Hinampas mo sila,
ngunit hindi sila nasaktan;
nilipol mo sila,
ngunit ayaw nilang tumanggap ng pagtutuwid.
Kanilang pinatigas ang kanilang mukha ng higit kaysa batong malaki;
ayaw nilang magsisi.
4Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ang mga ito ay dukha lamang,
sila'y mga hangal,
sapagkat hindi nila alam ang daan ng Panginoon,
ang kautusan ng kanilang Diyos.
5Ako'y pupunta sa mga dakila,
at magsasalita sa kanila;
sapagkat alam nila ang daan ng Panginoon,
ang kautusan ng kanilang Diyos.”
Ngunit nagkakaisa nilang binali ang pamatok,
nilagot nila ang mga gapos.
6Kaya't isang leon mula sa gubat ang sa kanila'y papaslang,
pupuksain sila ng isang lobo mula sa ilang,
isang leopardo ang nag-aabang sa kanilang mga lunsod.
Bawat isa na lalabas doon ay pagluluray-lurayin;
sapagkat ang kanilang mga pagsuway ay marami,
at ang kanilang mga pagtalikod ay malalaki.
7“Paano kita mapapatawad?
Tinalikuran ako ng iyong mga anak,
at sila'y nanumpa sa pamamagitan ng mga hindi diyos.
Nang busugin ko sila,
sila'y nangalunya
at nagpuntahan sa mga bahay ng mga babaing upahan.#5:7 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw.
8Sila'y mga kabayong malulusog at pinakaing mabuti,
bawat isa'y humalinghing sa asawa ng kanyang kapwa.
9Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon,
sa isang bansang gaya nito
hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili?
10“Akyatin ninyo ang kanyang mga hanay ng ubasan at inyong sirain;
ngunit huwag kayong magsagawa ng lubos na pagwasak.
Tanggalin ninyo ang kanyang mga sanga;
sapagkat sila'y hindi sa Panginoon.
11Sapagkat ang sambahayan ng Israel at ang sambahayan ng Juda
ay labis na nagtaksil sa akin, sabi ng Panginoon.
12Sila'y nagsalita ng kasinungalingan tungkol sa Panginoon,
at kanilang sinabi, ‘Wala siyang gagawin,
walang kasamaang darating sa atin,
ni makakakita tayo ng tabak o ng taggutom.
13Ang mga propeta ay magiging hangin,
at ang salita ay wala sa kanila.
Ganoon ang gagawin sa kanila!’”
14Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo:
“Sapagkat sinabi ninyo ang salitang ito,
narito, gagawin kong apoy ang aking mga salita sa inyong bibig,
at ang sambayanang ito ay kahoy, at sila'y lalamunin ng apoy.
15Narito, ako'y nagdadala sa inyo
ng isang bansang mula sa malayo, O sambahayan ng Israel, sabi ng Panginoon.
Ito'y isang tumatagal na bansa,
ito'y isang matandang bansa,
isang bansa na ang wika ay hindi mo nalalaman,
at ang kanilang sinasabi ay di mo mauunawaan.
16Ang kanilang lalagyan ng pana ay gaya ng bukas na libingan,
silang lahat ay mga lalaking makapangyarihan.
17Lalamunin nila ang iyong ani at ang iyong pagkain,
lalamunin nila ang iyong mga anak na lalaki at babae;
lalamunin nila ang iyong mga kawan at ang iyong mga bakahan;
lalamunin nila ang iyong mga puno ng ubas at mga puno ng igos;
ang iyong mga lunsod na may kuta na iyong pinagtitiwalaan,
ay kanilang wawasakin sa pamamagitan ng tabak.”
18“Ngunit maging sa mga araw na iyon, sabi ng Panginoon, hindi ko gagawin ang inyong lubos na pagkawasak.
19Mangyayari na kanilang sasabihin, ‘Bakit ginawa ng Panginoon nating Diyos ang lahat ng mga bagay na ito sa atin?’ At sasabihin mo sa kanila, ‘Kung paanong inyong tinalikuran ako, at naglingkod kayo sa mga ibang diyos sa inyong lupain, gayon kayo maglilingkod sa mga banyaga sa isang lupain na hindi sa inyo.’”
Binalaan ng Diyos ang Kanyang Bayan
20Ipahayag mo ito sa sambahayan ng Jacob,
at ibalita mo ito sa Juda, na sinasabi,
21“Pakinggan#Isa. 6:9, 10; Ez. 12:2; Mc. 8:18 ninyo ito ngayon, O hangal at bayang walang unawa;
na may mga mata, ngunit hindi nakakakita;
na may mga tainga, ngunit hindi nakakarinig.
22Hindi#Job 38:8-11 ba kayo natatakot sa akin? sabi ng Panginoon,
hindi ba kayo nanginginig sa aking harapan?
Sapagkat inilagay ko ang buhangin bilang hangganan sa karagatan,
isang palagiang hadlang na hindi nito malalampasan;
bagaman tumaas ang mga alon, hindi sila magtatagumpay,
bagaman ang mga ito'y magsihugong, hindi nila ito madadaanan.
23Ngunit ang bayang ito ay may suwail at mapaghimagsik na puso;
sila'y tumalikod at lumayo.
24Hindi nila sinasabi sa kanilang mga puso,
‘Sa Panginoon nating Diyos ay matakot tayo,
na nagbibigay ng ulan sa kapanahunan nito,
ng ulan sa taglagas at ulan sa tagsibol,
at nag-iingat para sa atin
ng mga sanlinggong itinakda para sa pag-aani!’
25Ang inyong mga kasamaan ang nagpalayo ng mga ito,
at ang inyong mga kasalanan ang nagsipigil ng kabutihan para sa inyo.
26Sapagkat ang masasamang tao ay natagpuang kasama ng aking bayan;
sila'y nagbabantay na gaya ng pagbabantay ng mga mamimitag.
Sila'y naglalagay ng silo,
sila'y nanghuhuli ng mga tao.
27Gaya ng hawla na punô ng mga ibon,
ang kanilang mga bahay ay punô ng pandaraya;
kaya't sila'y naging dakila at mayaman.
28Sila'y nagsitaba, sila'y kumintab.
Sila'y magagaling sa paggawa ng kasamaan.
Hindi nila ipinaglalaban ang usapin,
ang usapin ng mga ulila, upang sila'y magwagi,
at hindi nila ipinagtatanggol ang mga karapatan ng mga dukha.
29Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon;
sa isang bansang gaya nito,
hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili?
30Isang kamanghamangha at kakilakilabot na bagay
ang nangyayari sa lupain:
31ang mga propeta ay nagpapahayag ng kasinungalingan,
at ang mga pari ay namumuno ayon sa kanilang kapangyarihan,
at iniibig ng aking bayan ang gayon;
ngunit ano ang inyong gagawin sa wakas nito?
Kasalukuyang Napili:
JEREMIAS 5: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001