JEREMIAS 8
8
1“Sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang mga buto ng mga hari ng Juda, ang mga buto ng kanyang mga pinuno, ang mga buto ng mga pari, ang mga buto ng mga propeta, at ang mga buto ng mga naninirahan sa Jerusalem ay ilalabas sa kanilang mga libingan;
2at ang mga ito ay ikakalat sa harap ng araw, ng buwan, at ng lahat ng natatanaw sa langit, na kanilang inibig at pinaglingkuran, na sila nilang sinundan, hinanap, at sinamba. Sila'y hindi matitipon o malilibing; sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa.
3Ang kamatayan ay higit na pipiliin kaysa buhay ng lahat ng naiwang nalabi na nanatili sa masamang angkang ito sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Kasalanan at ang Parusa
4“Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon!
Kapag nabubuwal ang mga tao, di ba't muling bumabangon sila?
Kapag ang isang tao'y tumalikod, hindi ba't bumabalik siya?
5Kung gayo'y bakit ang bayang ito ng Jerusalem ay tumalikod
sa tuluy-tuloy na pagtalikod?
Sila'y nananatili sa pandaraya,
ayaw nilang bumalik.
6Aking pinakinggan at aking narinig,
ngunit hindi sila nagsalita nang matuwid;
walang nagsisisi sa kanyang kasamaan,
na nagsasabi, ‘Anong aking ginawa?’
Bawat isa'y tumatahak sa kanyang sariling daanan,
gaya ng kabayo na dumadaluhong sa labanan.
7Maging ang tagak sa himpapawid
ay nakakaalam ng kanyang kapanahunan;
at ang batu-bato, langay-langayan, at tagak
ay tumutupad sa panahon ng kanilang pagdating,
ngunit hindi nalalaman ng aking bayan
ang alituntunin ng Panginoon.
8“Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay matalino,
at ang kautusan ng Panginoon ay nasa amin?’
Ngunit sa katunayan, ito ay ginawang kasinungalingan
ng huwad na panulat ng mga eskriba.
9Ang mga taong pantas ay mapapahiya,
sila'y masisindak at kukunin;
narito, kanilang itinakuwil ang salita ng Panginoon,
at anong karunungan ang nasa kanila?
10Kaya't#Jer. 6:12-15 ibibigay ko ang kanilang mga asawa sa iba,
at ang kanilang mga parang sa mga bagong magmamay-ari,
sapagkat mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki,
ang bawat isa ay sakim sa pakinabang;
mula sa propeta hanggang sa pari,
bawat isa'y gumagawang may panlilinlang.
11Kanilang#Ez. 13:10 pinagaling nang bahagya ang sugat ng aking bayan,
na sinasabi, ‘Kapayapaan, kapayapaan,’
gayong walang kapayapaan.
12Nahiya ba sila nang sila'y gumawa ng karumaldumal?
Hindi, hindi man lamang sila nahiya,
hindi sila marunong mamula sa hiya.
Kaya't sila'y mabubuwal sa gitna ng mga nabuwal;
sa panahon ng kanilang kaparusahan, sila'y ibabagsak, sabi ng Panginoon.
13Lubos ko silang lilipulin, sabi ng Panginoon,
mawawalan ng ubas sa puno ng ubas,
o ng mga igos sa mga puno ng igos,
maging ang mga dahon ay nalalanta;
at ang naibigay ko sa kanila ay lumipas na sa kanila.”
14Bakit tayo'y nakaupo lamang?
Kayo'y magtipun-tipon, at magsipasok tayo sa mga lunsod na may kuta,
at mamatay doon;
sapagkat tayo'y itinakda nang mamatay ng Panginoon nating Diyos,
at binigyan tayo ng tubig na may lason upang inumin,
sapagkat tayo'y nagkasala laban sa Panginoon.
15Tayo'y naghanap ng kapayapaan, ngunit walang mabuting dumating;
ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang panghihilakbot.
16“Ang singasing ng kanilang mga kabayo ay naririnig mula sa Dan,
sa tunog ng halinghing ng kanilang malalaking kabayo
ay nayayanig ang buong lupain.
Sila'y dumarating at nilalamon ang lupain at ang lahat ng naroon;
ang lunsod at ang mga naninirahan doon.
17Sapagkat narito, ako'y nagsusugo ng mga ahas sa gitna ninyo,
mga ulupong na hindi mapapaamo,
at kakagatin nila kayo,” sabi ng Panginoon.
18Ang aking kapighatian ay wala nang lunas!
ang puso ko ay nanlulupaypay.
19Narito, dinggin ninyo ang daing ng anak na babae ng aking bayan
mula sa malayong lupain:
“Hindi ba nasa Zion ang Panginoon?
Wala ba sa loob niya ang kanyang Hari?”
“Bakit nila ako ginalit sa pamamagitan ng kanilang mga larawang inanyuan,
at ng kanilang ibang mga diyos?”
20“Ang pag-aani ay nakaraan, ang tag-init ay tapos na,
at tayo'y hindi ligtas.”
21Dahil sa sugat ng anak na babae ng aking bayan ay nasaktan ako,
ako'y nagluluksa, at ako'y sakmal ng pagkabalisa.
22Wala bang pamahid na gamot sa Gilead?
Wala bang manggagamot doon?
Bakit nga hindi pa naibabalik
ang kalusugan ng anak na babae ng aking bayan?
Kasalukuyang Napili:
JEREMIAS 8: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001