Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 18:1-18

JUAN 18:1-18 ABTAG01

Nang masabi ni Jesus ang mga salitang ito, siya'y umalis na kasama ng kanyang mga alagad na tumawid sa libis ng Cedron, patungo sa isang pook na may isang halamanan, na pinasok niya at ng kanyang mga alagad. Alam din ni Judas, na sa kanya'y nagkanulo, ang lugar sapagkat madalas na si Jesus ay nakikipagtipon doon kasama ng kanyang mga alagad. Kaya't si Judas ay nagdala ng pulutong ng mga kawal at ng mga punong-kawal mula sa mga punong pari at mga Fariseo, at pumunta roon na may mga ilawan, mga sulo, at mga sandata. Si Jesus na nakakaalam ng lahat ng mga bagay na mangyayari sa kanya ay lumabas, at sa kanila'y sinabi, “Sino ang inyong hinahanap?” Sumagot sila, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ako nga iyon.” Si Judas na nagkanulo sa kanya ay nakatayong kasama nila. Nang sabihin ni Jesus sa kanila, “Ako nga,” umurong sila at bumagsak sa lupa. Kaya't muli niyang tinanong sila, “Sino ang inyong hinahanap?” At sinabi nila, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sumagot si Jesus, “Sinabi ko sa inyo na, ‘Ako nga’. Kung ako ang inyong hinahanap, hayaan ninyong makaalis ang mga taong ito.” Ito ay upang matupad ang salitang sinabi niya, “Sa mga ibinigay mo sa akin ay wala akong iwinala kahit isa.” Pagkatapos, si Simon Pedro na may tabak ay hinugot ito, at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at tinagpas ang kanyang kanang tainga. Ang pangalan ng alipin ay Malco. Kaya't sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo ang iyong tabak sa kaluban. Hindi ko ba iinuman ang kopang ibinigay sa akin ng Ama?” Kaya't dinakip at iginapos si Jesus ng mga kawal at ng kanilang kapitan, at ng mga punong-kawal ng mga Judio. Siya'y dinala muna kay Anas, sapagkat siya'y biyenan ni Caifas, na pinakapunong pari nang panahong iyon. Si Caifas ang siyang nagpayo sa mga Judio na dapat na ang isang tao'y mamatay alang-alang sa bayan. Sumunod si Simon Pedro kay Jesus, at gayundin ang isa pang alagad. Sapagkat ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong pari, siya ay pumasok na kasama ni Jesus sa patyo ng pinakapunong pari. Samantala, si Pedro ay nakatayo sa pintuan sa labas. Kaya't ang alagad na kilala ng pinakapunong pari ay lumabas at kinausap ang babaing tanod sa pinto, at ipinasok si Pedro. Sinabi kay Pedro ng babaing tanod sa pinto, “Hindi ba ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito?” Sinabi niya, “Hindi.” Ang mga alipin at ang mga punong-kawal ay nagpapaningas ng siga sapagkat maginaw. Sila'y nakatayo roon at nagpapainit. Si Pedro ay kasama rin nila na nakatayo at nagpapainit.