Nang unang araw ng sanlinggo ay maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, samantalang madilim pa, at nakitang ang bato ay naalis na sa libingan.
Kaya't tumakbo siya at pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na minamahal ni Jesus, at sa kanila'y sinabi, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.”
Kaya't umalis si Pedro kasama ang isa pang alagad at pumunta sila sa libingan.
Silang dalawa'y tumakbong magkasama, subalit ang isang alagad ay mas matuling tumakbo kaysa kay Pedro, at naunang dumating sa libingan.
At siya'y yumuko upang tingnan ang loob, at nakita niyang nakalatag ang mga telang lino. Subalit hindi siya pumasok sa loob.
Dumating naman si Simon Pedro na sumusunod sa kanya, pumasok siya sa libingan at nakita niyang nakalatag ang mga telang lino,
at ang damit na inilagay sa kanyang ulo ay hindi kasamang nakalatag ng mga telang lino, kundi bukod na nakatiklop sa isang tabi.
Pumasok din ang alagad na unang dumating sa libingan at kanyang nakita at siya'y naniwala.
Sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang kasulatan na kailangang siya'y bumangon mula sa mga patay.
At ang mga alagad ay bumalik na sa kani-kanilang mga tahanan.
Ngunit si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Habang umiiyak, siya'y yumuko at tumingin sa loob ng libingan.
At nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi, na nakaupo sa hinigaan ng katawan ni Jesus, ang isa'y sa ulunan, at ang isa'y sa paanan.
Sinabi nila sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila, “Sapagkat kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.”
Pagkasabi nito, siya'y lumingon at nakitang nakatayo si Jesus. Subalit hindi niya alam na iyon ay si Jesus.
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Sa kanyang pag-aakalang iyon ay ang hardinero, ay sinabi niya sa kanya, “Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kanya ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at siya'y aking kukunin.”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria.” Humarap siya, at sinabi sa kanya sa wikang Hebreo, “Rabboni!” (na ang ibig sabihin ay Guro).
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakakaakyat sa Ama. Ngunit pumunta ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.’”
Pumunta si Maria Magdalena at ibinalita sa mga alagad, “Nakita ko ang Panginoon;” at sinabi niya sa kanila na sinabi niya ang mga bagay na ito sa kanya.
Nang magdadapit-hapon na ng araw na iyon, na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila'y sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.”
At nang masabi niya ito ay kanyang ipinakita sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya't ang mga alagad ay nagalak nang makita nila ang Panginoon.
Muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Kapayapaan ang sumainyo. Kung paanong sinugo ako ng Ama ay sinusugo ko rin naman kayo.”
At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.
Kung inyong patawarin ang mga kasalanan ng sinuman, ang mga iyon ay ipinatatawad sa kanila. Sinumang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, iyon ay hindi ipinatatawad.”
Ngunit si Tomas, isa sa labindalawa na tinatawag na Kambal ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus.
Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita namin ang Panginoon.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malibang makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako, at mailagay ko ang aking daliri sa binutas ng mga pako, at mailagay ko ang aking kamay sa kanyang tagiliran ay hindi ako maniniwala.”
Pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang kanyang mga alagad, at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, subalit pumasok si Jesus, at tumayo sa gitna, at sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.”
At sinabi niya kay Tomas, “Ilagay mo rito ang iyong daliri at tingnan mo ang aking mga kamay. Ilapit mo rito ang iyong kamay at ilagay mo sa aking tagiliran. Huwag kang mag-alinlangan kundi sumampalataya.”
Sumagot si Tomas at sinabi sa kanya, “Panginoon ko at Diyos ko!”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sapagkat ako'y nakita mo ay sumampalataya ka. Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma'y sumasampalataya.”