JOB 3
3
Ang Unang Pagsasalita ni Job
1Pagkatapos#Jer. 20:14-18 nito'y ibinuka ni Job ang kanyang bibig at sinumpa ang araw ng kanyang kapanganakan.
2Sinabi ni Job:
3“Maglaho nawa ang araw nang ako'y isilang,
at ang gabi na nagsabi,
‘May batang lalaking ipinaglihi.’
4Magdilim nawa ang araw na iyon!
Huwag nawang hanapin iyon ng Diyos sa itaas,
ni silayan man iyon ng liwanag.
5Hayaang angkinin iyon ng mapanglaw at pusikit na kadiliman.
Tirahan nawa iyon ng ulap;
takutin nawa iyon ng kadiliman ng araw.
6Ang gabing iyon—sakmalin nawa ng makapal na kadiliman!
Huwag itong magsaya na kasama ng mga araw ng taon,
huwag nawa itong mapasama sa bilang ng mga buwan.
7Oo, ang gabing iyon nawa ay maging baog,
huwag marinig doon ang tinig ng kagalakan.
8Sumpain nawa iyon ng mga sumusumpa sa araw,
ng mga bihasa sa paggising sa Leviatan.#3:8 LEVIATAN: Isang dambuhala sa tubig.
9Magdilim nawa ang mga bituin ng pagbubukang-liwayway niyon;
hayaang umasa ito ng liwanag, ngunit hindi magkakaroon,
ni mamalas ang mga talukap-mata ng umaga,
10sapagkat hindi nito tinakpan ang mga pinto ng sinapupunan ng aking ina,
o ikinubli man ang kaguluhan sa aking mga mata.
11“Bakit hindi pa ako namatay nang ako'y isilang?
Bakit hindi ako nalagutan ng hininga nang ako'y iluwal?
12Bakit tinanggap ako ng mga tuhod?
O bakit ang mga dibdib, na aking sususuhan?
13Sapagkat nahihimlay at natatahimik na sana ako,
ako sana'y natutulog; nagpapahinga na sana ako;
14kasama ng mga hari at ng mga tagapayo ng daigdig,
na muling nagtayo ng mga guho para sa kanilang sarili,
15o kasama ng mga prinsipeng may mga ginto,
na pinuno ng pilak ang kanilang bahay.
16Bakit hindi pa ako inilibing tulad ng batang patay nang isilang,
gaya ng sanggol na hindi nakakita ng liwanag kailanman?
17Doon ang masama ay tumitigil sa paggambala,
at doo'y ang pagod ay nagpapahinga.
18Doon ang mga bilanggo ay sama-samang nagiginhawahan,
hindi nila naririnig ang tinig ng nag-aatang ng pasan.
19Ang hamak at ang dakila ay naroroon,
at ang alipin ay malaya sa kanyang panginoon.
20“Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa kahirapan,
at ng buhay ang kaluluwang nasa kapighatian,
21na#Apoc. 9:6 nasasabik sa kamatayan, ngunit hindi ito dumarating;
at naghuhukay dito ng higit kaysa mga kayamanang nakalibing;
22na labis ang kagalakan,
at natutuwa kapag natagpuan nila ang libingan?
23Bakit ang liwanag ay ibibigay sa taong ang daan ay nakatago,
at ang taong binakuran ng Diyos?
24Sapagkat ang buntong-hininga ko ay dumarating na parang aking pagkain,#3:24 o bago ako kumain.
at ang aking mga daing ay bumubuhos na parang tubig.
25Sapagkat ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin,
at ang aking pinangingilabutan ay nangyayari sa akin.
26Hindi ako mapalagay at hindi rin matahimik,
wala akong kapahingahan; kundi dumarating ang kaguluhan.”
Kasalukuyang Napili:
JOB 3: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001