JOB 9
9
Ang Ikatlong Pagsasalita ni Job
1Pagkatapos ay sumagot si Job, at sinabi,
2“Sa#Job 4:17 katotohanan ay alam kong gayon nga:
Ngunit paano magiging matuwid ang isang tao sa harapan ng Diyos?
3Kung naisin ng isang tao na sa kanya ay makipagtalo,
siya'y hindi makakasagot sa kanya ni minsan sa isang libo.
4Siya ay pantas sa puso, at malakas sa kapangyarihan:
Sinong nagmatigas laban sa kanya at nagtagumpay?
5Na siyang naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nababatid,
nang kanyang itaob sila sa kanyang pagkagalit;
6na siyang umuuga ng lupa mula sa kanyang kinaroroonan,
at ang mga haligi nito ay nanginginig;
7na siyang nag-uutos sa araw at ito'y hindi sumisikat,
na siyang nagtatakip sa mga bituin;
8na nag-iisang nagladlad ng kalangitan,
at ang mga alon ng dagat ay tinapakan;
9na#Job 38:31; Amos 5:8 siyang gumawa sa Oso at Orion,
at sa Pleyades, at sa mga silid ng timog;
10na gumagawa ng mga dakilang bagay na di maunawaan,
at mga kamanghamanghang bagay na di mabilang.
11Siya'y dumaraan sa tabi ko, at hindi ko siya nakikita.
Siya'y nagpapatuloy ngunit hindi ko siya namamalayan.
12Siya'y nang-aagaw, sinong makakahadlang sa kanya?
Sinong magsasabi sa kanya, ‘Anong ginagawa mo?’
13“Hindi iuurong ng Diyos ang kanyang galit;
ang mga katulong ng Rahab#9:13 RAHAB: Isang uri ng dambuhala. ay nakayukod sa ilalim niya.
14Paano ko ngang masasagot siya,
at mapipili ang aking mga salita laban sa kanya?
15Bagaman ako'y walang sala, hindi ako makakasagot sa kanya;
kailangang ako'y magmakaawa sa aking hukom.
16Kung siya'y ipatawag ko at siya'y sumagot sa akin;
gayunma'y hindi ako maniniwala na kanyang dininig ang aking tinig.
17Sapagkat ako'y dinudurog niya sa pamamagitan ng isang bagyo,
at pinararami ang aking mga sugat nang walang kadahilanan.
18Hindi niya ako tutulutang makahinga,
sa halip ay pinupuno niya ako ng kapaitan.
19Kung ito'y tagisan ng lakas, siya ang malakas!
At kung tungkol sa katarungan, sino ang magpapatawag sa kanya?
20Bagaman ako'y walang sala, hahatulan ako ng sarili kong bibig;
bagaman ako'y walang dungis, patutunayan niya akong masama.
21Ako'y walang dungis, hindi ko pinapansin ang sarili ko,
kinasusuklaman ko ang buhay ko.
22Ang lahat ay iisa; kaya't aking sinasabi,
kapwa niya pinupuksa ang masama at ang mabuti.
23Kapag ang sakuna ay nagdadala ng biglang kamatayan,
tinutuya niya ang kapahamakang dumating sa walang kasalanan.
24Ang lupa ay ibinigay sa kamay ng masama,
kanyang tinatakpan ang mga mukha ng mga hukom nito;
kung hindi siya iyon, kung gayo'y sino?
25“Ang mga araw ko ay mas matulin kaysa isang mananakbo,
sila'y tumatakbong palayo, wala silang nakikitang mabuti.
26Sila'y dumaraang parang matutuling bangkang tambo,
parang agilang dumadagit sa biktima.
27Kung aking sabihin, ‘Kalilimutan ko ang aking daing,
papawiin ko ang aking malungkot na mukha, at magpapakasaya ako.’
28Ako'y natatakot sa lahat kong paghihirap,
sapagkat alam kong hindi mo ako ituturing na walang sala.
29Ako'y mahahatulan;
bakit pa ako magpapakapagod nang walang kabuluhan?
30Kung ako'y maligo sa niyebe,
at hugasan ko ang aking mga kamay sa lihiya,
31gayunma'y itutulak mo ako sa hukay,
at kamumuhian ako ng mga sarili kong kasuotan.
32Sapagkat siya'y hindi tao, na gaya ko, na masasagot ko siya,
na kami'y magkasamang haharap sa paglilitis.
33Walang hukom sa pagitan namin,
na magpapatong ng kanyang kamay sa aming dalawa.
34Ilayo nawa niya sa akin ang kanyang tungkod,
at huwag nawa akong sindakin ng kanyang bagsik.
35Saka ako magsasalita nang walang takot tungkol sa kanya,
sapagkat hindi ako gayon sa aking sarili.
Kasalukuyang Napili:
JOB 9: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001