JONAS 3
3
Nangaral si Jonas sa mga Taga-Ninive
1Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jonas sa ikalawang pagkakataon, na nagsasabi,
2“Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking lunsod na iyon, at ipangaral mo ang pangaral na aking sinabi sa iyo.”
3Sa gayo'y bumangon si Jonas at pumunta sa Ninive, ayon sa salita ng Panginoon. Ang Ninive ay isang napakalaking lunsod, na tatlong araw na bagtasin ang luwang.
4Nagpasimulang#Mt. 12:41; Lu. 11:32 pumasok si Jonas sa lunsod na may isang araw na lakarin ang layo. At siya'y sumigaw, “Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak!”
5At ang mga mamamayan ng Ninive ay sumampalataya sa Diyos. Sila'y nagpahayag ng ayuno, at nagsuot ng damit-sako, mula sa pinakadakila sa kanila hanggang sa pinakahamak sa kanila.
6Nang ang balita ay dumating sa hari ng Ninive, siya'y tumindig sa kanyang trono, hinubad niya ang kanyang balabal, nagbalot siya ng damit-sako, at naupo sa mga abo.
7Gumawa siya ng pahayag at ipinalathala sa buong Ninive, “Sa utos ng hari at ng kanyang mga maharlikang tao: Huwag tumikim ng anuman ang tao ni hayop man, ang bakahan ni kawan man. Huwag silang kakain, ni iinom man ng tubig.
8Kundi magbalot ng damit-sako ang tao at hayop at dumaing nang taimtim sa Diyos upang talikuran ng bawat isa ang kanyang masamang lakad, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay.
9Sino ang nakakaalam, maaaring umatras at magbago ng isip ang Diyos at tumalikod sa kanyang nagniningas na galit, upang tayo'y huwag mamatay?”
10Nang makita ng Diyos ang kanilang ginawa, na sila'y humiwalay sa kanilang masamang lakad, nagbago ng isip ang Diyos tungkol sa kasamaan na kanyang sinabing gagawin niya sa kanila; at hindi niya iyon ginawa.”
Kasalukuyang Napili:
JONAS 3: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001