Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LEVITICO 10

10
Ang Kasalanan nina Nadab at Abihu
1Noon, sina Nadab at Abihu, na mga anak ni Aaron, ay kumuha ng kanya-kanyang suuban, at nilagyan ng apoy ang mga ito at pinatungan ng insenso. Sila'y naghandog sa harapan ng Panginoon ng ibang apoy na hindi niya iniutos sa kanila.
2At lumabas ang apoy sa harapan ng Panginoon, nilamon sila, at namatay sila sa harapan ng Panginoon.
3Pagkatapos ay sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang sinabi ng Panginoon, ‘Ako'y magpapakita na banal sa mga lumalapit sa akin; at ako'y maluluwalhati sa harapan ng buong bayan.’” At si Aaron ay nanahimik.
4Tinawag ni Moises sina Misael at Elzafan, na mga anak ni Uziel na amain ni Aaron, at sa kanila'y sinabi, “Magsilapit kayo, dalhin ninyo ang inyong mga kapatid mula sa harapan ng santuwaryo tungo sa labas ng kampo.”
5Kaya't sila'y lumapit at binuhat sa kanilang mga kasuotan papalabas sa kampo, gaya ng iniutos ni Moises.
6At sinabi ni Moises kina Aaron, Eleazar, at Itamar na kanyang mga anak, “Huwag ninyong ilugay ang buhok ng inyong ulo, o punitin man ninyo ang inyong mga damit upang huwag kayong mamatay at nang siya'y huwag magalit laban sa buong kapulungan. Tungkol sa inyong mga kapatid, ang buong sambahayan ni Israel, sila ay tataghoy sa apoy na pinapag-alab ng Panginoon.
7Huwag kayong lalabas sa pintuan ng toldang tipanan, baka kayo'y mamatay; sapagkat ang langis na pambuhos ng Panginoon ay nasa inyo.” At kanilang ginawa ang ayon sa mga salita ni Moises.
Mga Alituntunin para sa mga Pari
8At ang Panginoon ay nagsalita kay Aaron, na sinasabi,
9“Huwag kayong iinom ng alak o ng matapang na inumin man, ikaw o ang iyong mga anak na kasama mo, kapag kayo'y papasok sa toldang tipanan, upang kayo'y huwag mamatay. Ito ay isang walang hanggang batas sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
10Inyong lalagyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, ang marumi at ang malinis,
11at inyong ituturo sa mga anak ni Israel ang lahat ng batas na sinabi sa kanila ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.”
Ang Tungkulin at Bahagi ng mga Pari
12Nagsalita#Lev. 6:14-18 si Moises kay Aaron at sa nalabi nitong mga anak, sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang butil na handog na nalabi mula sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at inyong kaining walang pampaalsa sa tabi ng dambana, sapagkat ito ay kabanal-banalan.
13Ito ay inyong kakainin sa dakong banal, sapagkat ito ang bahagi ninyo at ng inyong mga anak mula sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, sapagkat gayon ang iniutos sa akin.
14Ang#Lev. 7:30-34 dibdib ng handog na iwinawagayway at ang hita na inialay ay kakainin ninyo sa isang malinis na lugar, ikaw at ng iyong mga anak na lalaki at babae. Ang mga iyon ay ibinigay bilang bahagi mo at ng iyong mga anak mula sa mga alay ng handog pangkapayapaan ng mga anak ni Israel.
15Ang hita na inialay at ang dibdib na iwinawagayway ay kanilang dadalhin kasama ng mga handog na pinaraan sa apoy, ang mga taba, ay kanilang dadalhin upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon. Ito ay bahagi mo at ng iyong mga anak, gaya ng iniutos ng Panginoon.”
16At buong sikap na hinanap ni Moises ang kambing na handog pangkasalanan, at iyon ay sinunog na! Siya ay nagalit kina Eleazar at Itamar na mga nalalabing anak ni Aaron, at kanyang sinabi,
17“Bakit#Lev. 6:24-26 hindi ninyo kinain ang handog pangkasalanan sa banal na lugar? Ito ay kabanal-banalang bagay at ibinigay niya ito sa inyo upang alisin ang kasamaan ng kapulungan, upang gumawa ng pagtubos para sa kanila sa harapan ng Panginoon?
18Ang dugo niyon ay hindi ipinasok sa loob ng dakong banal. Tiniyak sana ninyong kinain ito sa banal na dako, gaya ng iniutos ko.”
19At sinabi ni Aaron kay Moises, “Tingnan mo, kanilang inihandog nang araw na ito ang kanilang handog pangkasalanan, at ang kanilang handog na sinusunog sa harapan ng Panginoon; gayunman ang gayong mga bagay ay nangyari sa akin! Kung ako nga'y nakakain ngayon ng handog para sa kasalanan, ito kaya ay kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon?”
20Nang marinig ito ni Moises, siya ay sumang-ayon.

Kasalukuyang Napili:

LEVITICO 10: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in