Yamang marami ang nagsikap mag-ayos ng isang kasaysayan tungkol sa mga bagay na naganap sa gitna natin,
ayon sa ipinaalam sa atin ng mga taong buhat sa pasimula ay mga saksing nakakita at mga tagapangaral ng salita,
ay minabuti ko naman, pagkatapos na siyasating mabuti ang lahat ng mga pangyayari buhat sa pasimula, na sumulat ng isang maayos na salaysay para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo,
upang malaman mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.
Nang panahon ni Haring Herodes ng Judea, may isang paring ang pangalan ay Zacarias, mula sa pangkat ni Abias. Ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron na ang pangalan ay Elizabeth.
Sila'y kapwa matuwid sa harapan ng Diyos, at nabubuhay na walang kapintasan ayon sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon.
Subalit wala silang anak, sapagkat baog si Elizabeth at sila'y kapwa matanda na.
Samantalang naglilingkod siya sa Diyos bilang pari at ang kanyang pangkat ang nanunungkulan,
ayon sa kaugalian ng mga pari, napili siya sa pamamagitan ng palabunutan na pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng insenso.
At sa oras ng paghahandog ng insenso, ang napakaraming tao ay nananalangin sa labas.
Nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon na nakatayo sa gawing kanan ng dambana ng insenso.
Nang makita niya ang anghel, nasindak at natakot si Zacarias.
Subalit sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias, sapagkat pinakinggan ang panalangin mo at ang asawa mong si Elizabeth ay magsisilang sa iyo ng isang anak na lalaki at tatawagin mo siya sa pangalang Juan.
Ikaw ay magkakaroon ng kaligayahan at kagalakan at marami ang matutuwa sa kanyang pagsilang.
Sapagkat siya'y magiging dakila sa harapan ng Panginoon, at hindi siya iinom ng alak o matapang na inumin. Siya'y mapupuno ng Espiritu Santo mula pa sa sinapupunan ng kanyang ina.
Marami sa mga anak ni Israel ang panunumbalikin niya sa Panginoon nilang Diyos.
Siya'y lalakad sa unahan niya sa espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papanumbalikin ang mga puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid, upang ihanda ang isang bayang nakalaan sa Panginoon.”
Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko malalamang gayon nga? Sapagkat ako ay matanda na at ang aking asawa ay puspos na ng mga araw.”
At sinagot siya ng anghel, “Ako si Gabriel na tumatayo sa harapan ng Diyos. Ako'y sinugo upang makipag-usap at ipahayag sa iyo itong magandang balita.
Subalit ngayon, sapagkat hindi ka naniwala sa aking mga salita na magaganap sa kanilang kapanahunan, ikaw ay magiging pipi at di makapagsasalita, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito.”
Samantala, hinihintay ng mga tao si Zacarias at nagtaka sila sa kanyang pagtatagal sa loob ng templo.
Nang lumabas siya, hindi siya makapagsalita sa kanila. Inakala nila na siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo. Siya'y nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng mga hudyat, at siya'y nanatiling pipi.
Nang matapos na ang mga araw ng kanyang paglilingkod, siya'y umuwi sa kanyang bahay.
Pagkalipas ng mga araw na ito ay naglihi ang kanyang asawang si Elizabeth. Siya ay nagtago nang limang buwan, na nagsasabi,
“Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang mga araw na ako'y kanyang bigyang-pansin upang alisin ang aking kahihiyan sa gitna ng mga tao.”
Nang ikaanim na buwan, sinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea, na tinatawag na Nazaret,
sa isang birheng nakatakdang ikasal sa isang lalaki, na ang pangalan ay Jose, mula sa sambahayan ni David. Ang pangalan ng birhen ay Maria.
Lumapit ang anghel sa kanya, at sinabi, “Magalak ka, ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo.”
Subalit siya'y lubhang naguluhan sa sinabing iyon at inisip niya sa kanyang sarili kung anong uri ng pagbati kaya ito.
Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakatagpo ka ng paglingap sa Diyos.
At ngayon, maglilihi ka sa iyong sinapupunan at magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus.
Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David.
Siya'y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman at hindi magwawakas ang kanyang kaharian.”
Sinabi ni Maria sa anghel, “Paanong mangyayari ito, samantalang ako'y wala pang nakikilalang lalaki.”
At sumagot ang anghel sa kanya, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya't ang batang banal ay tatawaging Anak ng Diyos.
Si Elizabeth na iyong kamag-anak ay naglihi rin ng isang anak na lalaki, bagama't siya'y matanda na. Ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog.
Sapagkat sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari.”
At sinabi ni Maria, “Narito ako na alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.” Pagkatapos, iniwan siya ng anghel.
Nang mga araw na iyon ay tumindig si Maria at nagmadaling pumunta sa isang bayan ng Judea, sa lupaing maburol.
Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elizabeth.
Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at napuno si Elizabeth ng Espiritu Santo.
Sumigaw siya nang malakas at sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan!
Bakit nangyari ito sa akin, na ako ay dapat dalawin ng ina ng aking Panginoon?
Sapagkat nang ang tinig ng iyong pagbati ay aking nadinig, gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan.
Mapalad ang babaing sumampalataya na matutupad ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon.”
Sinabi ni Maria,
“Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang abang kalagayan ng kanyang alipin.
Sapagkat tiyak na mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa para sa akin ng mga dakilang bagay
at banal ang kanyang pangalan.
Ang kanyang awa ay sa mga natatakot sa kanya
sa lahat ng sali't-saling lahi.
Siya'y nagpakita ng lakas sa pamamagitan ng kanyang bisig;
pinagwatak-watak niya ang mga palalo sa mga haka ng kanilang puso.
Ibinaba niya ang mga makapangyarihan sa kanilang mga trono,
at itinaas ang mga may abang kalagayan.
Ang mga gutom ay binusog niya ng mabubuting bagay,
at ang mayayaman ay pinaalis niya na walang dalang anuman.
Tinulungan niya ang Israel na kanyang alipin,
bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan.
Tulad nang sinabi niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang binhi magpakailanman.”
Si Maria ay nanatiling kasama niya nang may tatlong buwan, at umuwi siya sa kanyang bahay.
Dumating na kay Elizabeth ang panahon ng panganganak at siya'y nagsilang ng isang anak na lalaki.
Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ang Panginoon ng dakilang awa sa kanya at sila'y nakigalak sa kanya.
Nang ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kanyang ama,
ngunit sumagot ang kanyang ina at nagsabi, “Hindi. Ang itatawag sa kanya ay Juan.”
At sinabi nila sa kanya, “Wala kang kamag-anak na may ganitong pangalan.”
Sinenyasan nila ang kanyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol.
Humingi siya ng isang sulatan at kanyang isinulat, “Ang kanyang pangalan ay Juan.” At namangha silang lahat.
Biglang nabuksan ang kanyang bibig, nakalaya ang kanyang dila, at siya'y nagsalita na pinupuri ang Diyos.
Nagkaroon ng takot ang lahat ng nakatira sa palibot nila, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pinag-usapan sa buong lupaing maburol ng Judea.
Lahat ng mga nakarinig ay inilagay ang mga ito sa kanilang puso, na sinasabi, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat ang kamay ng Panginoon ay sumasakanya.
Si Zacarias na kanyang ama ay napuno ng Espiritu Santo at sinabi ang propesiyang ito,
“Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
at nagtaas ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin
sa sambahayan ni David na kanyang lingkod,
gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noong unang panahon,
upang tayo ay maligtas mula sa ating mga kaaway, at mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin,
upang ipakita ang habag sa ating mga magulang,
at alalahanin ang kanyang banal na tipan,
ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham,
na ipagkaloob sa atin, na tayong iniligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway,
ay maglingkod sa kanya nang walang takot,
sa kabanalan at katuwiran
sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw.
At ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan,
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan;
upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kanyang bayan,
sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan,
sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos,
kapag ang pagbubukang-liwayway buhat sa itaas ay sumilay sa atin,
upang bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”
Lumaki ang sanggol at lumakas sa espiritu. At siya ay nasa mga ilang hanggang sa araw ng kanyang pagpapakita sa Israel.