Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 1:1-80

LUCAS 1:1-80 ABTAG

Yamang marami ang nagpilit mag-ayos ng isang kasaysayan noong mga bagay na naganap sa gitna natin, Alinsunod sa ipinatalos sa atin nilang buhat sa pasimula ay mga saksing nangakakakita at mga ministro ng salita, Ay minagaling ko naman, pagkasiyasat na lubos ng pangyayari ng lahat ng mga bagay mula nang una, na isulat sa iyong sunodsunod, kagalanggalang na Teofilo; Upang mapagkilala mo ang katunayan tungkol sa mga bagay na itinuro sa iyo. Nagkaroon nang mga araw ni Herodes, hari sa Judea, ng isang saserdoteng ang ngala'y Zacarias, sa pulutong ni Abias: at ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron, at ang kaniyang ngala'y Elisabet. At sila'y kapuwa matuwid sa harap ng Dios, na nagsisilakad na walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga palatuntunan ng Panginoon. At wala silang anak, sapagka't baog si Elisabet, at sila'y kapuwa may pataw ng maraming taon. Nangyari nga, na samantalang ginaganap niya ang pagkasaserdote sa harapan ng Dios ayon sa kapanahunan ng kaniyang pulutong, Alinsunod sa kaugalian ng tungkuling pagkasaserdote, ay naging palad niya ang pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng kamangyan. At ang buong karamihan ng mga tao ay nagsisipanalangin sa labas sa oras ng kamangyan. At napakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon, na nakatayo sa dakong kanan ng dambana ng kamangyan. At nagulumihanan si Zacarias, pagkakita niya sa kaniya, at dinatnan siya ng takot. Datapuwa't sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Zacarias: sapagka't dininig ang daing mo, at ang asawa mong si Elisabet ay manganganak sa iyo ng isang anak na lalake, at tatawagin mong Juan ang kaniyang pangalan. At magkakaroon ka ng ligaya at galak; at marami ang maliligaya sa pagkapanganak sa kaniya. Sapagka't siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon, at siya'y hindi iinom ng alak ni matapang na inumin; at siya'y mapupuspos ng Espiritu Santo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina. At marami sa mga anak ni Israel, ay papagbabaliking-loob niya sa Panginoon na kanilang Dios. At siya'y lalakad sa unahan ng kaniyang mukha na may espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papagbaliking-loob ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga suwail ay magsilakad sa karunungan ng mga matuwid, upang ipaglaan ang Panginoon ng isang bayang nahahanda. At sinabi ni Zacarias sa anghel, Sa ano malalaman ko ito? sapagka't ako'y matanda na, at ang aking asawa ay may pataw ng maraming taon. At pagsagot ng anghel ay sinabi sa kaniya, Ako'y si Gabriel, na nananayo sa harapan ng Dios; at ako'y sinugo upang makipagusap sa iyo, at magdala sa iyo nitong mabubuting balita. At narito, mapipipi ka at hindi ka makapangungusap, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito, sapagka't hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na magaganap sa kanilang kapanahunan. At hinihintay ng bayan si Zacarias, at nanganggigilalas sila sa kaniyang pagluluwat sa loob ng templo. At nang lumabas siya, ay hindi siya makapagsalita sa kanila: at hininagap nila na siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo: at siya'y nagpatuloy ng pakikipagusap sa kanila, sa pamamagitan ng mga hudyat, at nanatiling pipi. At nangyari, na nang maganap na ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, siya'y umuwi sa kaniyang bahay. At pagkatapos ng mga araw na ito ay naglihi ang kaniyang asawang si Elisabet; at siya'y lumigpit ng limang buwan, na nagsasabi, Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw nang ako'y tingnan niya, upang alisin ang aking pagkaduwahagi sa gitna ng mga tao. Nang ikaanim na buwan nga'y sinugo ng Dios ang anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea, ngala'y Nazaret, Sa isang dalagang magaasawa sa isang lalake, na ang kaniyang ngala'y Jose, sa angkan ni David; at Maria ang pangalan ng dalaga. At pumasok siya sa kinaroroonan niya, at sinabi, Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, ang Panginoon ay sumasa iyo. Datapuwa't siya'y totoong nagulumihanan sa sabing ito, at iniisip sa kaniyang sarili kung anong bati kaya ito. At sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Maria: sapagka't nakasumpong ka ng biyaya sa Dios. At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang JESUS. Siya'y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya'y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama: At siya'y maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian. At sinabi ni Maria sa anghel, Paanong mangyayari ito, sa ako'y hindi nakakakilala ng lalake? At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios. At narito, si Elisabet na iyong kamaganak, ay naglihi rin naman ng isang anak na lalake sa kaniyang katandaan; at ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog. Sapagka't walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan. At sinabi ni Maria, Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita. At iniwan siya ng anghel. At nang mga araw na ito'y nagtindig si Maria, at nagmadaling napasa lupaing maburol, sa isang bayan ng Juda; At pumasok sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elisabet. At nangyari, pagkarinig ni Elisabet ng bati ni Maria, ay lumukso ang sanggol sa kaniyang tiyan; at napuspos si Elisabet ng Espiritu Santo; At sumigaw siya ng malakas na tinig, at sinabi, Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong tiyan. At ano't nangyari sa akin, na ang ina ng aking Panginoon ay pumarito sa akin? Sapagka't ganito, pagdating sa aking mga pakinig ng tinig ng iyong bati, lumukso sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. At mapalad ang babaing sumampalataya; sapagka't matutupad ang mga bagay na sa kaniya'y sinabi ng Panginoon. At sinabi ni Maria, Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon, At nagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas. Sapagka't nilingap niya ang kababaan ng kaniyang alipin. Sapagka't, narito, mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng maghahalihaliling lahi. Sapagka't ginawan ako ng Makapangyarihan ng mga dakilang bagay; At banal ang kaniyang pangalan. At ang kaniyang awa ay sa mga lahi't lahi. Sa nangatatakot sa kaniya. Siya'y nagpakita ng lakas ng kaniyang bisig; Isinambulat niya ang mga palalo sa paggunamgunam ng kanilang puso. Ibinaba niya ang mga prinsipe sa mga luklukan nila, At itinaas ang mga may mababang kalagayan. Binusog niya ang nangagugutom ng mabubuting bagay; At pinaalis niya ang mayayaman, na walang anoman. Tumulong siya sa Israel na kaniyang alipin, Upang maalaala niya ang awa (Gaya ng sinabi niya sa ating mga magulang) Kay Abraham at sa kaniyang binhi magpakailan man. At si Maria ay natirang kasama niya na may tatlong buwan, at umuwi sa kaniyang bahay. Naganap nga kay Elisabet ang panahon ng panganganak; at siya'y nanganak ng isang lalake. At nabalitaan ng kaniyang mga kapitbahay at mga kamaganak, na dinakila ng Panginoon ang kaniyang awa sa kaniya; at sila'y nangakigalak sa kaniya. At nangyari, na nang ikawalong araw ay nagsiparoon sila upang tuliin ang sanggol; at siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kaniyang ama. At sumagot ang kaniyang ina at nagsabi, Hindi gayon; kundi ang itatawag sa kaniya'y Juan. At sinabi nila sa kaniya, Wala sa iyong kamaganak na tinatawag sa pangalang ito. At hinudyatan nila ang kaniyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag. At humingi siya ng isang sulatan at sumulat, na sinasabi, Ang kaniyang pangalan ay Juan. At nagsipanggilalas silang lahat. At pagdaka'y nabuka ang kaniyang bibig, at ang kaniyang dila'y nakalag, at siya'y nagsalita, na pinupuri ang Dios. At sinidlan ng takot ang lahat ng nagsisipanahan sa palibot nila; at nabansag ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat ng lupaing maburol ng Judea. At lahat ng mga nangakarinig nito ay pawang iningatan sa kanilang puso, na sinasabi, Magiging ano nga kaya ang batang ito? Sapagka't ang kamay ng Panginoon ay sumasa kaniya. At si Zacarias na kaniyang ama ay napuspos ng Espiritu Santo, at nanghula, na nagsasabi, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel; Sapagka't kaniyang dinalaw at tinubos ang kaniyang bayan, At nagtaas sa atin ng isang sungay ng kaligtasan Sa bahay ni David na kaniyang alipin (Gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang mga banal na propeta na nagsilitaw buhat nang unang panahon), Kaligtasang mula sa ating mga kaaway, at sa kamay ng lahat ng nangapopoot sa atin; Upang magkaawang-gawa sa ating mga magulang, At alalahanin ang kaniyang banal na tipan; Ang sumpa na isinumpa niya kay Abraham na ating ama, Na ipagkaloob sa atin na yamang nangaligtas sa kamay ng ating mga kaaway, Ay paglingkuran natin siya ng walang takot, Sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya, lahat ng ating mga araw. Oo at ikaw, sanggol, tatawagin kang propeta ng kataastaasan; Sapagka't magpapauna ka sa unahan ng mukha ng Panginoon, upang ihanda ang kaniyang mga daan; Upang maipakilala ang kaligtasan sa kaniyang bayan, Sa pagkapatawad ng kanilang mga kasalanan, Dahil sa magiliw na habag ng aming Dios, Ang pagbubukang liwayway buhat sa kaitaasan ay dadalaw sa atin, Upang liwanagan ang nangakalugmok sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan; Upang itumpak ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan. At lumaki ang sanggol, at lumakas sa espiritu, at nasa mga ilang hanggang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel.