Nang mga araw na iyon ay lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar upang magpatala ang buong daigdig.
Ito ang unang pagtatala na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria.
Pumunta ang lahat upang magpatala, bawat isa sa kanyang sariling bayan.
Umahon din si Jose mula sa Galilea mula sa bayan ng Nazaret, patungo sa Judea, sa lunsod ni David, na tinatawag na Bethlehem, sapagkat siya'y mula sa sambahayan at lipi ni David,
upang magpatalang kasama ni Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay malapit nang manganak.
Samantalang sila'y naroroon, dumating ang panahon ng kanyang panganganak.
At kanyang isinilang ang kanyang panganay na anak na lalaki, binalot niya ito ng mga lampin, at inihiga sa isang sabsaban sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Sa lupaing iyon ay may mga pastol ng tupa na nasa parang na nagbabantay sa kanilang kawan sa gabi.
Tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila, at sila'y lubhang natakot.
Kaya't sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot, sapagkat narito, dala ko sa inyo ang magandang balita ng malaking kagalakan para sa buong bayan.
Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon.
Ito ang magiging palatandaan ninyo: Matatagpuan ninyo ang isang sanggol na balot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
At biglang sumama sa anghel ang isang malaking hukbo ng langit na nagpupuri sa Diyos at nagsasabi,
“Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan,
at sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”
Nang iwan sila ng mga anghel patungo sa langit, sinabi ng mga pastol sa isa't isa, “Pumunta tayo ngayon sa Bethlehem at tingnan natin ang nangyaring ito na ipinaalam sa atin ng Panginoon.”
At sila'y nagmamadaling pumunta at kanilang natagpuan sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban.
Nang makita nila ito, ipinaalam nila sa kanila ang mga sinabi tungkol sa sanggol na ito;
at lahat nang nakarinig nito ay namangha sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastol.
Subalit iningatan ni Maria ang lahat ng mga salitang ito, na pinagbulay-bulay sa kanyang puso.
Pagkatapos ay bumalik ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, ayon sa sinabi sa kanila.
Makaraan ang walong araw, dumating ang panahon upang tuliin ang bata. Tinawag siyang Jesus, ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi sa sinapupunan.
Nang sumapit na ang mga araw ng kanilang paglilinis ayon sa kautusan ni Moises, kanilang dinala siya sa Jerusalem upang iharap siya sa Panginoon
(ito ay ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay tatawaging banal sa Panginoon”).
Sila'y naghandog ng alay alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, “dalawang batu-bato, o dalawang batang kalapati.”
Noon ay may isang lalaki sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan na naghihintay sa kaaliwan ng Israel at nasa kanya ang Espiritu Santo.
Ipinahayag sa kanya ng Espiritu Santo na hindi niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon.
Sa patnubay ng Espiritu ay pumasok siya sa templo. Nang ipasok ng mga magulang sa templo ang sanggol na si Jesus upang gawin sa kanya ang naaayon sa kaugalian sa ilalim ng kautusan,
inilagay niya ang sanggol sa kanyang mga bisig, pinuri ang Diyos, at sinabi,
“Panginoon, ngayon ay hayaan mong ang iyong alipin ay pumanaw na may kapayapaan,
ayon sa iyong salita,
sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas