Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 3

3
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo
(Mt. 3:1-12; Mc. 1:1-8; Jn. 1:19-28)
1Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, at tetrarka#3:1 TETRARKA: Tingnan sa Talaan ng mga Salita. sa Galilea si Herodes. Ang kanyang kapatid na si Felipe ang tetrarka sa lupain ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia,
2Sa panahon ng mga pinakapunong pari na sina Anas at Caifas, dumating ang salita ng Diyos kay Juan, na anak ni Zacarias, sa ilang.
3Siya'y nagtungo sa buong lupain sa palibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
4Gaya#Isa. 40:3-5 (LXX) ng nasusulat sa aklat ng mga salita ni propeta Isaias,
“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.
5Bawat libis ay matatambakan,
at bawat bundok at burol ay papatagin,
at ang liko ay tutuwirin,
at ang mga baku-bakong daan ay papantayin.
6At makikita ng lahat ng laman ang pagliligtas ng Diyos.’”
7Kaya't#Mt. 12:34; 23:33 sinabi ni Juan#3:7 Sa Griyego ay niya. sa napakaraming tao na dumating upang magpabautismo sa kanya, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo na tumakas sa poot na darating?
8Kaya't#Jn. 8:33 mamunga kayo ng karapat-dapat sa pagsisisi at huwag ninyong sabihin sa inyong sarili, ‘Si Abraham ang aming ama.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo na magagawa ng Diyos na magbangon mula sa mga batong ito ng magiging anak ni Abraham.
9Ngayon#Mt. 7:19 pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Kaya't ang bawat punungkahoy na di mabuti ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy.”
10Tinanong siya ng maraming tao, “Ano ngayon ang dapat naming gawin?”
11Sumagot siya sa kanila, “Ang may dalawang tunika ay magbahagi sa wala, at ang may pagkain ay gayundin ang gawin.”
12Dumating#Lu. 7:29 din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo at sinabi nila sa kanya, “Guro, ano ang dapat naming gawin?”
13Sinabi niya sa kanila, “Huwag na kayong sumingil pa ng higit kaysa iniutos sa inyo.”
14Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami, anong dapat naming gawin?” At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong mangikil ng salapi kaninuman sa pamamagitan ng dahas o maling paratang at masiyahan kayo sa inyong sahod.”
15Samantalang ang mga tao'y naghihintay, nagtatanong ang lahat sa kanilang mga puso tungkol kay Juan, kung siya ang Cristo.
16Sumagot si Juan at sinabi sa kanilang lahat, “Binabautismuhan ko kayo ng tubig. Subalit dumarating ang higit na makapangyarihan kaysa akin. Ako'y hindi karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang mga sandalyas. Kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo at sa apoy.
17Nasa kamay niya ang kanyang kalaykay upang linisin ang kanyang giikan at tipunin ang trigo sa kanyang kamalig, subalit susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mapapatay.”
18Kaya't sa iba pang maraming pangaral ay ipinahayag niya sa mga tao ang magandang balita.
19Subalit#Mt. 14:3, 4; Mc. 6:17, 18 si Herodes na tetrarka, na sinumbatan niya dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid, at dahil sa lahat ng masasamang bagay na ginawa ni Herodes,
20ay nagdagdag pa sa lahat ng mga ito sa pamamagitan ng pagpapakulong kay Juan sa bilangguan.
Binautismuhan si Jesus
(Mt. 3:13-17; Mc. 1:9-11)
21Nang mabautismuhan ang buong bayan, at nang mabautismuhan din si Jesus at siya'y nananalangin, ang langit ay nabuksan.
22At#Gen. 22:2; Awit 2:7; Isa. 42:1; Mt. 3:17; Mc. 1:11; Lu. 9:35 bumaba sa kanya ang Espiritu Santo na may anyong katawan na tulad sa isang kalapati. May isang tinig na nagmula sa langit, “Ikaw ang pinakamamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.”
Ang mga Ninuno ni Jesus
(Mt. 1:1-17)
23Si Jesus ay may gulang na tatlumpung taon nang magsimula sa kanyang gawain. Anak siya (ayon sa ipinalagay) ni Jose, ni Eli,
24ni Matat, ni Levi, ni Melqui, ni Janai, ni Jose,
25ni Matatias, ni Amos, ni Nahum, ni Esli, ni Nagai,
26ni Maat, ni Matatias, ni Semein, ni Josec, ni Joda,
27ni Joanan, ni Resa, ni Zerubabel, ni Salatiel, ni Neri,
28ni Melqui, ni Adi, ni Cosam, ni Elmadam, ni Er,
29ni Josue, ni Eliezer, ni Jorim, ni Matat, ni Levi,
30ni Simeon, ni Juda, ni Jose, ni Jonam, ni Eliakim,
31ni Melea, ni Mena, ni Matata, ni Natan, ni David,
32ni Jesse, ni Obed, ni Boaz, ni Salmon, ni Naason,
33ni Aminadab, ni Admin, ni Arni, ni Hesrom, ni Perez, ni Juda,
34ni Jacob, ni Isaac, ni Abraham, ni Terah, ni Nahor,
35ni Serug, ni Reu, ni Peleg, ni Eber, ni Sala,
36ni Cainan, ni Arfaxad, ni Sem, ni Noe, ni Lamec,
37ni Matusalem, ni Enoc, ni Jared, ni Mahalaleel, ni Cainan,
38ni Enos, ni Set, ni Adan, ng Diyos.

Kasalukuyang Napili:

LUCAS 3: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in