Si Jesus, na punô ng Espiritu Santo, ay bumalik mula sa Jordan at dinala ng Espiritu sa ilang,
na doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng apatnapung araw. Hindi siya kumain ng anuman sa mga araw na iyon, at nang makalipas ang mga araw na iyon ay nagutom siya.
Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay.”
At sumagot sa kanya si Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang.’”
Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar at ipinakita sa kanya sa isang saglit ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan.
At sinabi sa kanya ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihang ito, at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ito'y naibigay na sa akin, at ibinibigay ko kung kanino ko ibig.
Kaya't kung sasamba ka sa akin, ang lahat ng ito ay magiging iyo.”
At sumagot si Jesus sa kanya, “Nasusulat, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran.’”
Pagkatapos ay kanyang dinala siya sa Jerusalem at inilagay siya sa tuktok ng templo, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka mula rito,
sapagkat nasusulat,
‘Ipagbibilin ka niya sa mga anghel
na ikaw ay ingatan,’
at,
‘Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay,
baka masaktan mo ang iyong paa sa isang bato.’
At sumagot si Jesus sa kanya, “Sinasabi, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”
Nang matapos na ng diyablo ang lahat ng panunukso, lumayo siya sa kanya hanggang sa isa pang pagkakataon.