Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 13:24-43

MATEO 13:24-43 ABTAG01

Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Ngunit samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kaaway at naghasik ng mga damo sa triguhan, at umalis. Kaya't nang sumibol ang mga halaman at namunga ay lumitaw rin ang damo. At ang mga alipin ng puno ng sambahayan ay dumating at sinabi sa kanya, ‘Panginoon, hindi ba't mabuting binhi ang inihasik mo sa iyong bukid? Saan kaya nanggaling ang mga damo?’ Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang gumawa nito.’ At sinabi sa kanya ng mga alipin, ‘Ibig mo bang kami'y pumaroon at tipunin ang mga iyon?’ Ngunit sinabi niya, ‘Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga damo ay inyong mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyong magkasama silang tumubo hanggang sa anihan, at sa panahon ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas, Tipunin muna ninyo ang mga damo at pagbigkisin ninyo upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’” Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kanyang bukid. Iyon ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ngunit nang tumubo ay siyang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging punungkahoy, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay dumarating at nagpupugad sa kanyang mga sanga. Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: “Ang kaharian ng langit ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae, at inihalo sa tatlong takal na harina, hanggang sa ang lahat ay malagyan ng pampaalsa.” Ang lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang sinabi sa kanila na hindi sa pamamagitan ng talinghaga. Ito ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta, “Bubuksan ko ang aking bibig sa pagsasalita ng mga talinghaga; isasalaysay ko ang mga natatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan.” Pagkatapos ay iniwan ni Jesus ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad, na nagsasabi, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga damo sa bukid.” Sumagot siya at sinabi, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao. Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay ang mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng masama. Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng sanlibutan; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel. Kaya't kung paanong tinitipon ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan. Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang mga gumagawa ng kasamaan; at itatapon nila ang mga ito sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. Kung magkagayo'y magliliwanag ang mga matuwid na tulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig!

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa MATEO 13:24-43