Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 17

17
Nagbagong-anyo si Jesus
(Mc. 9:2-13; Lu. 9:28-36)
1Pagkaraan#2 Ped. 1:17, 18 ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at si Juan na kanyang kapatid, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok.
2Nagbagong-anyo siya sa harap nila at nagliwanag ang kanyang mukha na tulad ng araw, at pumuti ang kanyang mga damit na tulad sa ilaw.
3At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kanya.
4Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti na tayo ay naririto. Kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”
5Samantalang#Gen. 22:2; Awit 2:7; Isa. 42:1; Mt. 3:17; 12:18; Mc. 1:11; Lu. 3:22; Deut. 18:15 nagsasalita pa siya, biglang naliliman sila ng isang maliwanag na ulap, at may isang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak; sa kanya ako'y lubos na nalulugod. Makinig kayo sa kanya.”
6Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila at sinidlan ng malaking takot.
7Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan na nagsasabi, “Bumangon kayo at huwag kayong matakot.”
8Nang tumingin sila sa itaas, wala silang nakitang sinuman, maliban kay Jesus.
9Nang pababa na sila sa bundok, iniutos ni Jesus sa kanila na nagsasabi, “Huwag ninyong sasabihin kanino man ang pangitain, hanggang ang Anak ng Tao ay muling buhayin mula sa mga patay.”
10Tinanong#Mal. 4:5 siya ng kanyang mga alagad, na nagsasabi, “Bakit kaya sinasabi ng mga eskriba na kailangang dumating muna si Elias?”
11Sumagot siya, at sinabi, “Totoong darating si Elias at ibabalik ang lahat ng mga bagay.
12Ngunit#Mt. 11:14 sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, at siya'y hindi nila kinilala kundi ginawa nila sa kanya ang anumang kanilang naibigan. Gayundin naman ang Anak ng Tao ay malapit nang magdusa sa kanila.”
13Naunawaan nga ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang sinasabi niya sa kanila.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Demonyo
(Mc. 9:14-29; Lu. 9:37-43a)
14Nang dumating sila sa napakaraming tao, lumapit sa kanya ang isang tao, lumuhod sa harapan niya,
15at nagsabi, “Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalaki, sapagkat siya'y may epilepsiya at lubhang nahihirapan; sapagkat madalas siyang bumabagsak sa apoy at sa tubig.
16Dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit siya'y hindi nila mapagaling.
17Sumagot si Jesus at sinabi, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ko pa kayo makakasama? Gaano katagal akong magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya rito.”
18Sinaway ni Jesus ang demonyo at lumabas ito sa bata. Gumaling ang bata nang oras ding iyon.
19Pagkatapos ay lumapit nang sarilinan ang mga alagad kay Jesus at sinabi nila, “Bakit hindi namin iyon napalayas?”
20Sinabi#Mt. 21:21; Mc. 11:23; 1 Cor. 13:2 niya sa kanila, “Dahil maliit ang inyong pananampalataya. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon mula rito,’ at ito'y lilipat; at sa inyo ay walang hindi maaaring mangyari.
21[Ngunit ang ganito'y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno.]”
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan
(Mc. 9:30-32; Lu. 9:43b-45)
22Habang sila'y nagkakatipon#17:22 Sa ibang mga kasulatan ay nakatira. sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang Anak ng Tao ay malapit nang ipagkanulo sa kamay ng mga tao.
23Siya'y papatayin nila ngunit siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw.” At sila'y labis na nalungkot.
Pagbabayad ng Buwis para sa Templo
24Pagdating#Exo. 30:13; 38:26 nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis na kalahating siklo,#17:24 Tingnan sa Talaan ng mga Timbang at Sukat. at sinabi nila, “Hindi ba nagbabayad ng buwis sa templo ang inyong guro?”
25Sinabi niya, “Oo, nagbabayad siya.” At nang dumating siya sa bahay, inunahan na siya ni Jesus tungkol dito, na sinasabi, “Ano sa palagay mo, Simon? Kanino naniningil ng bayad o buwis ang mga hari sa lupa? Sa kanila bang mga anak o sa ibang tao?”
26Kaya't nang sabihin niya, “Sa ibang tao,” ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayo'y hindi na pinagbabayad ang mga anak.
27Ngunit upang hindi sila matisod sa atin, pumunta ka sa dagat at maghulog ka ng bingwit. Kunin mo ang unang isdang mahuhuli at kapag ibinuka mo ang kanyang bibig, matatagpuan mo ang isang siklo. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila, para sa akin at sa iyo.”

Kasalukuyang Napili:

MATEO 17: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in