Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 23:23-39

MATEO 23:23-39 ABTAG01

“Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nag-iikapu kayo ng yerbabuena, ng anis at ng komino, at inyong pinababayaan ang higit na mahahalagang bagay ng kautusan: ang katarungan, ang habag, at ang pananampalataya. Subalit dapat sana ninyong gawin ang mga ito nang hindi pinababayaan ang iba. Kayong mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang niknik, ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo! “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay punô sila ng kasakiman at kalayawan. Ikaw na bulag na Fariseo! Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan, upang luminis din naman ang labas nito. “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat tulad kayo sa mga pinaputing libingan na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay punô ng mga buto ng mga patay at ng lahat ng uri ng karumihan. Gayundin naman kayo, na sa labas ay mistulang matuwid sa mga tao, ngunit sa loob ay punô kayo ng pagkukunwari at kasamaan. “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at pinapalamutian ninyo ang mga bantayog ng mga matuwid, at sinasabi ninyo, ‘Kung nabuhay sana kami sa mga araw ng aming mga ninuno, hindi kami makikibahagi sa kanila sa dugo ng mga propeta.’ Kaya't kayo'y nagpapatotoo na rin laban sa inyong sarili, na kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta. Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang. Kayong mga ahas, kayong lahi ng mga ulupong, paano kayo makakatakas sa kahatulan sa impiyerno? Kaya't, narito, nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta, ng mga pantas, at ng mga eskriba, na ang iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus, at ang iba nama'y inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga, at inyong uusigin sa bayan-bayan, upang mapasainyong lahat ang matuwid na dugo na dumanak sa ibabaw ng lupa buhat sa dugo ni Abel na matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na inyong pinaslang sa pagitan ng templo at ng dambana. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito. “O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo! Masdan ninyo, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, ‘Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.’”