Kinaumagahan, ang lahat ng mga punong pari at ang matatanda sa bayan ay sama-samang nag-usap laban kay Jesus upang siya'y ipapatay.
Siya'y ginapos nila, dinala sa labas, at ibinigay nila kay Pilato na gobernador.
At si Judas na nagkanulo kay Jesus, nang nakitang hinatulan na ito, ay nagsisi at isinauli ang tatlumpung pirasong pilak sa mga punong pari at sa matatanda,
na sinasabi, “Ako'y nagkasala sa pagkakanulo ko sa dugong walang sala.” Ngunit sinabi nila, “Ano iyon sa amin? Ikaw ang bahala diyan.”
At inihagis niya sa templo ang mga piraso ng pilak at siya'y umalis. Humayo siya at nagbigti.
Subalit habang pinupulot ng mga punong pari ang mga piraso ng pilak, nagsabi sila, “Hindi matuwid na ilagay ang mga ito sa kabang-yaman, sapagkat dugo ang kapalit ng halagang ito.”
Pagkatapos mag-usap, ibinili nila ang mga iyon ng bukid ng magpapalayok upang paglibingan ng mga dayuhan.
Kaya't ang bukid na iyon ay tinawag na Bukid ng Dugo hanggang sa araw na ito.
Kaya't natupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Jeremias, na sinasabi, “At kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halaga niya na itinuring na halaga ng ilan sa mga anak ng Israel,
at ibinigay nila ang mga iyon para sa bukid ng magpapalayok, gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.”
Si Jesus ay nakatayo sa harap ng gobernador at tinanong siya ng gobernador, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” At sinabi ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsasabi.”
Ngunit nang siya'y paratangan ng mga punong pari at ng matatanda ay hindi siya sumagot ng anuman.
At sinabi ni Pilato sa kanya, “Hindi mo ba naririnig kung gaano karaming bagay ang kanilang ipinaparatang laban sa iyo?”
Subalit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita man lamang, na lubhang ikinamangha ng gobernador.
Noon sa kapistahan, nakaugalian na ng gobernador na pakawalan para sa mga tao ang sinumang bilanggo na kanilang maibigan.
Nang panahong iyon ay mayroon silang isang bilanggo na kilala sa kasamaan, na tinatawag na Jesus Barabas.
Kaya't nang sila'y magkatipon ay sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ibig ninyong pakawalan ko sa inyo? Si Barabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo?”
Sapagkat nabatid niya na dahil sa inggit ay kanilang ibinigay si Jesus sa kanya.
At samantalang nakaupo siya sa luklukan ng paghuhukom, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan, sapagkat sa araw na ito'y labis akong naghirap sa panaginip dahil sa kanya.”
Subalit hinikayat ng mga punong pari at ng matatanda ang maraming tao na hingin nila si Barabas at patayin naman si Jesus.
Sumagot muli ang gobernador at sinabi sa kanila, “Alin sa dalawa ang ibig ninyong pakawalan ko sa inyo?” At sinabi nila, “Si Barabas.”
Sinabi sa kanila ni Pilato, “At anong gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?” Sinabi nilang lahat, “Ipako siya sa krus!”
At sinabi niya, “Bakit, anong kasamaan ang ginawa niya?” Ngunit lalo silang nagsigawan, na nagsasabi, “Ipako siya sa krus!”
Kaya't nang makita ni Pilato na wala siyang magawa, sa halip ay nagsisimula pa nga ang isang malaking gulo, siya'y kumuha ng tubig at naghugas ng kanyang mga kamay sa harap ng napakaraming tao, na sinasabi, “Wala akong kasalanan sa dugo ng taong ito. Kayo na ang bahala diyan.”
At sumagot ang buong bayan at nagsabi, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.”
Pagkatapos ay pinakawalan niya sa kanila si Barabas ngunit si Jesus, pagkatapos hagupitin, ay ibinigay upang ipako sa krus.
Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at tinipon nila ang buong pangkat ng mga kawal sa paligid niya.
At siya'y kanilang hinubaran at dinamitan ng isang balabal na pulang-pula.
Sila'y gumawa ng isang koronang tinik, ipinatong ito sa kanyang ulo, at inilagay sa kanang kamay niya ang isang tambo. Lumuhod sila sa harapan niya at siya'y kanilang nilibak, na nagsasabi, “Mabuhay, Hari ng mga Judio!”
Siya'y kanilang niluraan. Kinuha nila ang tambo at hinampas ang kanyang ulo.
Pagkatapos na siya'y libakin, hinubad nila sa kanya ang balabal, isinuot sa kanya ang mga damit niya, at kanilang inilabas siya upang ipako sa krus.
Sa paglabas nila'y kanilang nasalubong ang isang taong taga-Cirene, na Simon ang pangalan. Pinilit nila ang taong ito na pasanin ang krus ni Jesus.
At nang sila'y makarating sa isang dakong tinatawag na Golgota, (na ang kahulugan ay, “Ang Dako ng Bungo”),
kanilang binigyan siya ng alak na may kahalong apdo upang inumin. Ngunit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin.
At nang siya'y maipako nila sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan.
Pagkatapos, sila'y umupo at binantayan siya roon.
At sa itaas ng kanyang ulo ay inilagay nila ang paratang sa kanya, na nasusulat, “ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO.”
At may dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa.
Siya'y inalipusta ng mga nagdaraan at pailing-iling,
na nagsasabi, “Ikaw na gigiba sa templo, at sa ikatlong araw ay itatayo ito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!”
Sa gayunding paraan ay nilibak siya ng mga punong pari, kasama ng mga eskriba at ng matatanda, na nagsasabi,
“Nagligtas siya ng iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya.
Nagtiwala siya sa Diyos; kanyang iligtas siya ngayon kung ibig niya, sapagkat sinabi niya, ‘Ako'y Anak ng Diyos.’”
Sa gayunding paraan ay inalipusta siya ng mga tulisan na ipinako sa krus na kasama niya.
Mula nang oras na ikaanim ay nagdilim sa buong lupain hanggang sa oras na ikasiyam.
At nang malapit na ang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang kahulugan ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
At nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.”
Tumakbo kaagad ang isa sa kanila at kumuha ng isang espongha, pinuno ito ng suka, inilagay sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin.
Ngunit sinabi ng iba, “Pabayaan ninyo siya, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.”
At muling sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig at nalagot ang kanyang hininga.
At nang sandaling iyon, ang tabing ng templo ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba; nayanig ang lupa; at nabiyak ang mga bato.
Nabuksan ang mga libingan at maraming katawan ng mga banal na natulog ay bumangon,
at paglabas nila sa mga libingan pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay ay pumasok sila sa banal na lunsod at nagpakita sa marami.
Nang makita ng senturion at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tunay na ito ang Anak ng Diyos.”
At marami ding babae roon na nakatanaw mula sa malayo na sumunod kay Jesus buhat sa Galilea, na naglingkod sa kanya.
Kasama sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.