Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 3:10-17

MATEO 3:10-17 ABTAG01

Ngayon pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Ang bawat punungkahoy na hindi mabuti ang bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy. “Binabautismuhan ko nga kayo sa tubig para sa pagsisisi ngunit ang dumarating na kasunod ko ay mas makapangyarihan kaysa akin. Hindi ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. Kanyang babautismuhan kayo sa Espiritu Santo at sa apoy. Nasa kamay niya ang kanyang kalaykay at lilinisin niya ang kanyang giikan. Titipunin niya ang kanyang trigo sa kamalig, subalit ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mapapatay.” At mula sa Galilea pumunta si Jesus kay Juan sa Jordan upang magpabautismo sa kanya. Ibig siyang hadlangan ni Juan, na nagsasabi, “Ako ang dapat mong bautismuhan, at ikaw pa ang lumalapit sa akin?” Ngunit sumagot si Jesus sa kanya, “Hayaan mong mangyari ito ngayon, sapagkat ganito ang nararapat sa atin upang matupad ang buong katuwiran.” At siya ay sumang-ayon. Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig, at nabuksan sa kanya ang kalangitan, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kanya. Sinabi ng isang tinig mula sa langit, “Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod.”