Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 9:14-38

MATEO 9:14-38 ABTAG01

Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan na nagsasabi, “Bakit kami at ang mga Fariseo ay nag-aayuno ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?” At sinabi sa kanila ni Jesus, “Maaari bang magluksa ang mga panauhin sa kasalan samantalang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Ngunit darating ang mga araw na ang lalaking ikakasal ay kukunin sa kanila, at saka sila mag-aayuno. Sinuman ay hindi nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit; sapagkat binabatak ng tagpi ang damit at lumalala ang punit. Hindi rin inilalagay ang bagong alak sa mga lumang sisidlang balat; sapagkat kung gayon, puputok ang mga balat, at matatapon ang alak, at masisira ang mga balat; ngunit inilalagay ang bagong alak sa mga bagong balat, at pareho silang tumatagal. Samantalang sinasabi niya sa kanila ang mga bagay na ito, may dumating na isang pinuno at lumuhod sa harapan niya at nagsabi, “Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae, ngunit puntahan mo siya at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya, at mabubuhay siya.” Tumayo si Jesus at sumunod sa kanya, kasama ang kanyang mga alagad. Samantala, may isang babaing labindalawang taon nang dinudugo ang lumapit sa likuran niya at hinipo nito ang laylayan ng kanyang damit; sapagkat sinabi niya sa kanyang sarili, “Kung mahihipo ko lamang ang kanyang damit ay gagaling ako.” Nang lumingon si Jesus at nakita siya ay sinabi niya, “Anak, lakasan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Gumaling nga ang babae sa oras ding iyon. Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming tao na nagkakagulo, ay sinabi niya, “Umalis na kayo, sapagkat hindi patay ang batang babae kundi natutulog lamang.” At siya ay pinagtawanan nila. Ngunit nang mapalabas na ang maraming tao, pumasok siya at hinawakan ang kamay ng batang babae at ito ay bumangon. At kumalat ang balitang ito sa buong lupaing iyon. Nang papaalis na si Jesus mula roon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag na sumisigaw ng malakas, “Mahabag ka sa amin, Anak ni David.” Nang makapasok na siya sa bahay, lumapit sa kanya ang mga lalaking bulag; at sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumasampalataya ba kayo na magagawa ko ito?” Sinabi nila sa kanya, “Opo, Panginoon.” Kaya't hinipo niya ang kanilang mga mata, na sinasabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.” At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus, “Ingatan ninyo na walang makakaalam nito.” Ngunit sila ay umalis, at ikinalat ang balita tungkol sa kanya sa buong lupaing iyon. Nang makaalis na sila, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalabas na ang demonyo, nagsalita ang dating pipi. Namangha ang maraming tao at nagsabi, “Wala pang nakitang tulad nito sa Israel.” Ngunit sinabi ng mga Fariseo, “Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo.” Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila at ipinangangaral ang magandang balita ng kaharian, at pinapagaling ang bawat sakit at bawat karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nangangamba at nanlulupaypay na gaya ng mga tupa na walang pastol. Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tunay na napakarami ng aanihin, ngunit kakaunti ang manggagawa; idalangin ninyo sa Panginoon ng anihin, na magpadala ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”