MARCOS 1
1
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo
(Mt. 3:1-12; Lu. 3:1-20; Jn. 1:19-28)
1Ang pasimula ng ebanghelyo#1:1 o magandang balita. ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos.
2Ayon#Mal. 3:1 sa nasusulat sa Isaias na propeta,
“Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan,#1:2 Sa Griyego ay sa unahan ng iyong mukha.
na maghahanda ng iyong daan;
3ang#Isa. 40:3 (LXX) tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas,’”
4si Juan na Tagapagbautismo ay dumating sa ilang at ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
5Pumupunta sa kanya ang mga tao mula sa buong lupain ng Judea at ang lahat ng mga taga-Jerusalem; at sila'y binabautismuhan niya sa Ilog Jordan, na nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.
6Si#2 Ha. 1:8 Juan ay nakadamit ng balahibo ng kamelyo, may sinturong balat sa kanyang baywang, at kumakain ng mga balang at pulot-pukyutan.
7At siya'y nangangaral, na nagsasabi, “Dumarating na kasunod ko ang higit na makapangyarihan kaysa akin; hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kanyang mga sandalyas.
8Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo.”
Ang Pagbabautismo at Pagtukso kay Jesus
(Mt. 3:13–4:11; Lu. 3:21-22; 4:1-13)
9Nang mga araw na iyon ay nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Jordan.
10Pagkaahon niya sa tubig, nakita niyang biglang nabuksan ang kalangitan, at ang Espiritu na bumababa sa kanya na tulad sa isang kalapati.
11At#Gen. 22:2; Awit 2:7; Isa. 42:1; Mt. 3:17; 12:18; Mc. 9:7; Lu. 3:22 may isang tinig na nagmula sa langit, “Ikaw ang minamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.”
12At agad siyang dinala ng Espiritu sa ilang.
13Siya'y nasa ilang ng apatnapung araw, at tinukso siya ni Satanas. Kasama siya ng mababangis na hayop at pinaglingkuran siya ng mga anghel.
Ang Pasimula ng Pangangaral sa Galilea
(Mt. 4:12-22; Lu. 4:14, 15; 5:1-11)
14Pagkatapos madakip si Juan, pumunta si Jesus sa Galilea na ipinangangaral ang ebanghelyo ng Diyos,
15na#Mt. 3:2 sinasabi, “Naganap na ang panahon at malapit na ang kaharian ng Diyos: kayo'y magsisi at manampalataya sa ebanghelyo.”
Tinawag ang mga Unang Alagad
16Sa pagdaan ni Jesus#1:16 Sa Griyego ay niya. sa tabi ng dagat ng Galilea, nakita niya sina Simon at ang kanyang kapatid na si Andres na naghahagis ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda.
17At sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”
18Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19Nang makalakad pa siya ng kaunti, nakita niya sina Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid na naghahayuma ng mga lambat sa kanilang bangka.
20Agad niyang tinawag sila at iniwan nila si Zebedeo na kanilang ama sa bangka na kasama ng mga upahang tauhan at sumunod sa kanya.
Ang Lalaking may Masamang Espiritu
(Lu. 4:31-37)
21Nagpunta sila sa Capernaum. Nang araw ng Sabbath, kaagad siyang pumasok sa sinagoga at nagturo.
22Namangha#Mt. 7:28, 29 sila sa kanyang aral, sapagkat sila'y tinuturuan niyang tulad sa isang may awtoridad at hindi gaya ng mga eskriba.
23At bigla na lamang sa kanilang sinagoga ay may isang tao na may masamang espiritu; at siya'y sumigaw,
24na nagsasabi, “Anong pakialam mo sa amin, Jesus ng Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos.”
25Sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kanya!”
26Nang kanyang mapangisay siya, ang masamang espiritu ay sumigaw nang malakas na tinig, at lumabas sa tao.
27Silang lahat ay namangha, at nagtanungan sila sa isa't isa, na sinasabi, “Ano ito? Isang bagong aral! May kapangyarihan siyang mag-utos maging sa masasamang espiritu at siya'y kanilang sinusunod.”
28Agad na kumalat ang balita tungkol sa kanya sa buong palibot ng lupain ng Galilea.
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Maraming Tao
(Mt. 8:14-17; Lu. 4:38-41)
29Pagkalabas sa sinagoga, pumasok sila sa bahay ni Simon at ni Andres, kasama sina Santiago at Juan.
30At ang biyenang babae ni Simon ay nakahiga na nilalagnat at agad nilang sinabi kay Jesus#1:30 Sa Griyego ay sa kanya. ang tungkol sa kanya.
31Lumapit siya at hinawakan ang babae#1:31 Sa Griyego ay siya. sa kamay at siya'y ibinangon. Nawala ang kanyang lagnat at siya'y naglingkod sa kanila.
32Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit at ang mga inaalihan ng mga demonyo.
33Ang buong lunsod ay nagkatipon sa may pintuan.
34At nagpagaling siya ng maraming iba't ibang may karamdaman at nagpalayas siya ng maraming demonyo. Hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat siya'y kilala nila.
Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea
(Lu. 4:42-44)
35Nang madaling-araw, habang madilim pa, pagbangon ni Jesus#1:35 Sa Griyego ay niya. ay lumabas siya at nagtungo sa isang ilang na lugar, at doon ay nanalangin.
36Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan niya.
37Siya'y natagpuan nila, at sinabi sa kanya, “Hinahanap ka ng lahat.”
38Sinabi niya sa kanila, “Pumunta tayo sa iba pang mga karatig-bayan upang ako'y makapangaral din naman doon, sapagkat dahil dito ako'y naparito.”
39At#Mt. 4:23; 9:35 nagpunta siya sa buong Galilea na nangangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Pinagaling ang Isang Ketongin
(Mt. 8:1-4; Lu. 5:12-16)
40Lumapit sa kanya ang isang ketongin na nakikiusap at nakaluhod na nagsasabi, “Kung gusto mo, maaari mo akong linisin.”
41Dahil sa awa, iniunat ni Jesus#1:41 Sa Griyego ay niya. ang kanyang kamay, hinipo ang ketongin at sinabi sa kanya, “Gusto ko, maging malinis ka.”
42At kaagad na nawala ang kanyang ketong at siya'y naging malinis.
43Pagkatapos na mahigpit siyang binalaan, kaagad niya itong pinaalis.
44Sinabi#Lev. 14:1-32 niya sa kanya, “Tiyakin mong wala kang sasabihin kaninuman kundi pumunta ka at magpakita sa pari at maghandog ka para sa pagkalinis sa iyo ayon sa ipinag-utos ni Moises bilang isang patotoo sa kanila.”
45Ngunit siya'y umalis at nagsimulang magsalita nang malaya tungkol dito at ikinalat ang balita, kaya't hindi na hayagang makapasok si Jesus sa bayan, kundi nanatili siya sa mga ilang na lugar at pinuntahan siya ng mga tao mula sa lahat ng panig.
Kasalukuyang Napili:
MARCOS 1: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001