Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 15

15
Si Jesus sa Harapan ni Pilato
(Mt. 27:1, 2, 11-14; Lu. 23:1-5; Jn. 18:28-38)
1Kinaumagahan, nagsanggunian kaagad ang mga punong pari kasama ang matatanda at mga eskriba at ang buong Sanhedrin. Ginapos nila si Jesus, inilabas at ibinigay kay Pilato.
2Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot siya sa kanya, “Ikaw ang nagsasabi.”
3Pinaratangan siya ng mga punong pari ng maraming bagay.
4Muli siyang tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Tingnan mo kung gaano karami ang kanilang ibinibintang laban sa iyo.”
5Ngunit si Jesus ay hindi sumagot ng anuman, anupa't nanggilalas si Pilato.
Hinatulang Mamatay si Jesus
(Mt. 27:15-26; Lu. 23:13-25; Jn. 18:39–19:16)
6Sa bawat kapistahan ay nakaugalian na niyang pawalan sa kanila ang isang bilanggo na kanilang hilingin.
7Mayroong isa na kung tawagin ay Barabas, na nakakulong kasama ng mga manghihimagsik na sa panahon ng paghihimagsik ay pumatay ng tao.
8Kaya't lumapit ang karamihan at nagpasimulang hilingin sa kanya na sa kanila'y gawin ang ayon sa kanyang nakaugalian.
9Sinagot naman sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?”
10Sapagkat batid niya na dahil sa inggit ay ipinadakip siya ng mga punong pari.
11Ngunit inudyukan ng mga punong pari ang taong-bayan na sa halip ay palayain niya si Barabas para sa kanila.
12Ngunit muling sumagot si Pilato at sa kanila'y sinabi, “Ano ngayon ang nais ninyong gawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”
13At sila'y muling nagsigawan, “Ipako siya sa krus.”
14Ngunit sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, anong kasamaan ang kanyang ginawa?” Subalit sila'y lalong nagsigawan, “Ipako siya sa krus.”
15At sa pagnanais ni Pilato na bigyang-kasiyahan ang taong-bayan, pinalaya si Barabas para sa kanila. Pagkatapos na ipahagupit si Jesus, siya'y ibinigay niya upang ipako sa krus.
Nilibak si Jesus ng mga Kawal
(Mt. 27:27-31; Jn. 19:2, 3)
16Pagkatapos ay dinala siya ng mga kawal sa bulwagan na siyang Pretorio; at kanilang tinipon ang buong batalyon.
17Siya'y kanilang dinamitan ng kulay-ube, at nang makapagtirintas ng isang koronang tinik ay ipinutong nila ito sa kanya.
18At pinasimulan nilang pagpugayan siya, “Mabuhay, Hari ng mga Judio!”
19Hinampas nila ang kanyang ulo ng isang tungkod, dinuraan siya at lumuhod sa harapan niya.
20Pagkatapos na siya'y kanilang libakin, inalis nila sa kanya ang kulay-ube na balabal at isinuot sa kanya ang kanyang mga damit. At siya'y kanilang inilabas upang ipako sa krus.
Ipinako si Jesus sa Krus
(Mt. 27:32-44; Lu. 23:26-43; Jn. 19:16-27)
21Pinilit#Ro. 16:13 nila ang isang nagdaraan, si Simon na taga-Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggaling sa bukid, upang pasanin niya ang krus ni Jesus.#15:21 Sa Griyego ay niya.
22Siya'y kanilang dinala sa pook na tinatawag na Golgota na ang kahulugan ay ‘Ang pook ng bungo.’
23At siya'y binigyan nila ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya tinanggap iyon.
24Siya'y#Awit 22:18 kanilang ipinako sa krus, at pinaghati-hatian ang kanyang mga damit na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang kukunin ng bawat isa.
25Noo'y ikasiyam ng umaga nang siya'y kanilang ipinako sa krus.
26At ang pamagat ng pagkasakdal sa kanya ay isinulat sa ulunan, “Ang Hari ng mga Judio.”
27At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kanan, at isa sa kanyang kaliwa.
28[At#Isa. 53:12 natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail.]
29Siya'y#Awit 22:7; 109:25; Mc. 14:58; Jn. 2:19 nilait ng mga nagdaraan, na umiiling at sinasabi, “Ah! ang gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw,
30iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka sa krus.”
31Gayundin naman ang mga punong pari, kasama ng mga eskriba ay nilibak siya na sinasabi sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili.
32Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel upang aming makita at paniwalaan.” At tinutuya rin siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.
Ang Pagkamatay ni Jesus
(Mt. 27:45-56; Lu. 23:44-49; Jn. 19:28-30)
33Nang dumating ang tanghaling tapat, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon.
34 # Awit 22:1 Nang ikatlo ng hapon ay sumigaw si Jesus nang may malakas na tinig, “Eloi, Eloi, lama sabacthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
35Nang marinig ito ng ilang nakatayo roon, ay sinabi nila, “Tingnan ninyo, tinatawag niya si Elias.”
36Tumakbo#Awit 69:21 ang isa, binasa ng suka ang isang espongha, inilagay sa isang tungkod, at ipinainom sa kanya na sinasabi, “Pabayaan ninyo; tingnan natin kung darating si Elias upang siya'y ibaba.”
37Si Jesus ay sumigaw nang malakas at nalagutan ng hininga.
38Ang#Exo. 26:31-33 tabing ng templo ay nahati sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba.
39Ang senturion na nakatayong malapit sa harap niya, nang makitang nalagot ang kanyang hininga sa ganitong paraan ay nagsabi, “Tunay na ang taong ito ay Anak ng Diyos.”#15:39 o isang anak ng Diyos.
40At#Lu. 8:2, 3 mayroon din namang mga babae na nakatanaw mula sa malayo; kabilang sa kanila ay si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago na mas bata at ni Jose, at si Salome;
41na nang siya'y nasa Galilea, ay sumunod sa kanya at naglingkod sa kanya; at marami pang ibang mga babae na umahong kasama niya sa Jerusalem.
Ang Paglilibing kay Jesus
(Mt. 27:57-61; Lu. 23:50-56; Jn. 19:38-42)
42Nang magtakip-silim na, sapagkat noon ay araw ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath,
43si Jose na taga-Arimatea, isang marangal na kagawad, na naghihintay rin ng kaharian ng Diyos ay may katapangang pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus.
44At nagtaka si Pilato na siya'y patay na. Ipinatawag niya ang senturion at itinanong niya sa kanya kung patay na nga siya.
45Nang malaman niya sa senturion, ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose.
46At bumili si Jose#15:46 Sa Griyego ay siya. ng isang telang lino at pagkababa sa kanya sa krus ay binalot siya ng telang lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato. At iginulong niya ang isang bato sa pintuan ng libingan.
47Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya inilagay.

Kasalukuyang Napili:

MARCOS 15: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in