Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 7

7
Ang mga Tradisyon
(Mt. 15:1-9)
1Nang sama-samang lumapit sa kanya ang mga Fariseo at ang ilan sa mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem,
2kanilang nakita ang ilan sa kanyang alagad na kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay, samakatuwid ay hindi hinugasan.
3(Sapagkat ang mga Fariseo at ang lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang makapaghugas na mabuti ng mga kamay, na sinusunod ang tradisyon ng matatanda.
4Kapag nanggaling sila sa palengke, hindi sila kumakain malibang nalinis nila ang kanilang mga sarili. At marami pang ibang bagay ang kanilang sinusunod gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.)#7:4 Sa ibang mga matatandang kasulatan ay may dagdag na mga higaan.
5Kaya't siya'y tinanong ng mga Fariseo at mga eskriba, “Bakit ang iyong mga alagad ay hindi lumalakad ayon sa tradisyon ng matatanda, kundi kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay?”
6At#Isa. 29:13 (LXX) sinabi niya sa kanila, “Tama ang pahayag ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagkunwari, ayon sa nasusulat,
‘Iginagalang ako ng bayang ito ng kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
7At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo bilang aral ang mga utos ng mga tao!’
8Iniwan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghahawakan ang tradisyon ng mga tao.”
9Sinabi pa niya sa kanila, “Maganda ang paraan ng inyong pagtanggi sa utos ng Diyos, upang masunod ang inyong mga tradisyon.
10Sapagkat#Exo. 20:12; Deut. 5:16; Exo. 21:17; Lev. 20:9 sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat patayin!’
11Ngunit sinasabi ninyo na kung sabihin ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang tulong na mapapakinabang ninyo sa akin ay Corban, na nangangahulugang handog,’
12at pagkatapos ay hindi na ninyo siya pinahihintulutang gumawa ng anuman para sa kanyang ama o ina,
13kaya't pinawawalang kabuluhan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng tradisyon na inyong ipinamana at marami pa kayong ginagawang mga bagay na katulad nito.
Ang Nagpaparumi sa Tao
(Mt. 15:10-20)
14Muli niyang pinalapit ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain.
15Walang anumang nasa labas ng tao na pagpasok sa kanya ay nakapagpaparumi sa kanya kundi ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.”
16[Kung ang sinuman ay may pandinig na ipandirinig ay makinig.]
17Nang iwan niya ang maraming tao at pumasok siya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga.
18Sinabi niya sa kanila, “Kayo rin ba ay hindi nakakaunawa? Hindi ba ninyo nalalaman, na anumang nasa labas na pumapasok sa tao ay hindi nakapagpaparumi sa kanya,
19sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at ito'y inilalabas sa tapunan ng dumi? Sa ganito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain.”
20Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.
21Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, pakikiapid, pagnanakaw, pagpaslang,
22ang pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan.
23Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagmumula at nakapagpaparumi sa tao.”
Ang Pambihirang Pananampalataya ng Isang Babae
(Mt. 15:21-28)
24Mula roon, tumindig siya at nagtungo sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay at ayaw niyang malaman ng sinuman na nandoon siya. Ngunit hindi nagawang di siya mapansin.
25Sa halip, may isang babae na ang munting anak na batang babae na may masamang espiritu, na nakabalita tungkol sa kanya ay agad na lumapit at nagpatirapa sa kanyang paanan.
26Ang babaing ito ay isang Griyego, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. Nakiusap siya kay Jesus#7:26 Sa Griyego ay sa kanya. na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae.
27At sinabi niya sa kanya, “Hayaan mo munang mapakain ang mga anak sapagkat hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.”
28Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanya, “Panginoon, kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na pagkain ng mga anak.”
29Sinabi naman ni Jesus sa kanya, “Dahil sa salitang iyan, makakaalis ka na, lumabas na ang demonyo sa iyong anak.”
30Umuwi nga siya at nadatnan ang anak na nakahiga sa higaan at wala na ang demonyo.
Pinagaling ni Jesus ang Taong Bingi
31Pagkatapos, siya'y bumalik mula sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon patungo sa lawa ng Galilea, na tinahak ang lupain ng Decapolis.
32Dinala nila sa kanya ang isang bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at siya'y pinakiusapan nila na ipatong ang kanyang kamay sa kanya.
33At siya'y inilayo niya ng bukod mula sa maraming tao at isinuot ang kanyang mga daliri sa kanyang mga tainga. Siya'y dumura at hinipo ang kanyang dila.
34Pagtingala niya sa langit, siya'y nagbuntong-hininga, at sinabi sa kanya, “Effata,” na nangangahulugang “Mabuksan.”
35Agad nabuksan ang kanyang mga tainga, nakalag ang tali ng kanyang dila, at siya'y nakapagsalita nang malinaw.
36Inutusan naman sila ni Jesus na huwag nilang sabihin ito kaninuman; ngunit habang lalo niyang ipinagbabawal sa kanila, lalo namang masigasig nilang ipinamamalita ito.
37Sila'y labis na namangha na nagsasabi, “Mabuti ang pagkagawa niya sa lahat ng mga bagay; kanya pang ginagawang makarinig ang bingi at pinapagsasalita ang pipi.”

Kasalukuyang Napili:

MARCOS 7: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in