MGA BILANG 25
25
Sinamba si Baal-peor
1Samantalang ang Israel ay naninirahan sa Shittim, ang taong-bayan ay nagpasimulang makiapid sa mga anak na babae ng Moab.
2Sapagkat inanyayahan ng mga ito ang taong-bayan sa mga paghahandog sa kanilang mga diyos; at ang bayan ay kumain at yumukod sa mga diyos ng Moab.
3Ang Israel ay nakipag-isa sa Baal ng Peor; at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel.
4Kaya't sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isama mo ang lahat ng pinuno sa bayan at bitayin mo sila sa harap ng araw sa harap ng Panginoon, upang ang matinding galit ng Panginoon ay mapawi sa Israel.
5Sinabi ni Moises sa mga hukom sa Israel, “Patayin ng bawat isa sa inyo ang mga taong nakipag-isa sa Baal ng Peor.”
6At dumating ang isa sa mga anak ni Israel at nagdala sa kanyang mga kapatid ng isang babaing Midianita sa paningin ni Moises at ng buong kapulungan ng mga anak ni Israel, habang sila'y umiiyak sa pintuan ng toldang tipanan.
7Nang makita ito ni Finehas, na anak ni Eleazar, na anak ng paring si Aaron, ay tumindig siya sa gitna ng kapulungan at hinawakan ang isang sibat.
8Pumunta siya sa likod ng lalaking Israelita sa loob ng tolda, at tinuhog silang pareho, ang lalaking Israelita at ang babae, tagos sa katawan nito. Sa gayon ang salot ay huminto sa mga anak ni Israel.
9Ang mga namatay sa salot ay dalawampu't apat na libo.
10At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
11“Pinawi ni Finehas na anak ni Eleazar, na anak ng paring si Aaron, ang aking galit sa mga anak ni Israel, sa paraang siya'y nanibugho dahil sa aking paninibugho sa kanila, na anupa't hindi ko nilipol ang mga anak ni Israel sa aking paninibugho.
12Kaya't sabihin mo, narito, ibinibigay ko sa kanya ang aking tipan ng kapayapaan.
13At magiging kanya at sa binhing susunod sa kanya ang tipan ng walang hanggang pagkapari, sapagkat siya'y mapanibughuin para sa kanyang Diyos at ginawa ang pagtubos para sa mga anak ni Israel.”
14Ang pangalan ng lalaking Israelita na napatay, na pinatay na kasama ng babaing Midianita ay Zimri na anak ni Salu, na pinuno sa isang sambahayan ng mga Simeonita.
15Ang pangalan ng babaing Midianita na napatay ay Cozbi, na anak ni Zur; siya'y pinuno sa bayan ng isang sambahayan ng mga sambayanan sa Midian.
16Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
17“Guluhin ninyo ang mga Midianita, at inyong daigin sila;
18sapagkat ginulo nila kayo ng kanilang mga pandaraya sa inyo sa nangyari sa Peor, at sa pangyayari kay Cozbi, na anak na babae ng pinuno sa Midian, na kanilang kapatid na namatay nang araw ng salot dahil sa pangyayari sa Peor.
Kasalukuyang Napili:
MGA BILANG 25: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001