MGA BILANG 31
31
Paghihiganti sa Midianita
1Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2“Ipaghiganti mo ang mga anak ni Israel sa mga Midianita; pagkatapos nito'y ititipon ka sa iyong bayan.”
3At sinabi ni Moises sa bayan, “Kayong mga lalaki ay maghanda ng sandata para sa pakikipaglaban upang labanan ang Midianita at igawad ang paghihiganti ng Panginoon sa Midian.
4Sa bawat lipi ay isang libo ang susuguin ninyo sa pakikipaglaban.”
5Sa gayo'y sinugo ang libu-libong Israelita, isang libo sa bawat lipi, labindalawang libong may sandata para sa pakikipaglaban.
6Sinugo sila ni Moises sa pakikipaglaban, isang libo sa bawat lipi, sila at si Finehas na anak ng paring si Eleazar, na may mga kasangkapan ng santuwaryo at may mga trumpeta na panghudyat sa kanyang kamay.
7Nakipaglaban sila sa Midian gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises, at kanilang pinatay ang bawat lalaki.
8Pinatay nila ang mga hari sa Midian: sina Evi, Rekem, Zur, Hur, at Reba, limang hari sa Midian. Sina Balaam na anak ni Beor ay kanilang pinatay rin ng tabak.
9At binihag ng mga anak ng Israel ang mga babae sa Midian at ang kanilang mga bata. Ang lahat ng kanilang mga hayop at mga kawan, at ang lahat ng kanilang ari-arian ay kanilang sinamsam.
10Ang lahat ng kanilang mga bayan sa mga dakong kanilang tinitirhan at ang lahat nilang mga tolda ay kanilang sinunog sa apoy.
11Kanilang dinala ang lahat ng kanilang nakuha, at ang lahat ng kanilang nasamsam, maging tao at hayop.
12Ang mga bihag, ang nasamsam, at ang mga natangay ay kanilang dinala kay Moises at sa paring si Eleazar, at sa kapulungan ng mga anak ni Israel na nasa kampo sa mga kapatagan ng Moab, na nasa tabi ng Jordan sa Jerico.
13Si Moises at ang paring si Eleazar, at ang lahat ng mga pinuno sa kapulungan, ay lumabas upang salubungin sila sa labas ng kampo.
14Si Moises ay nagalit sa mga pinuno ng hukbo, sa mga pinuno ng libu-libo at sa mga pinuno ng daan-daan na nanggaling sa pakikipaglaban.
15Sinabi ni Moises sa kanila, “Hinayaan ba ninyong mabuhay ang lahat ng mga babae?
16Ang#Bil. 25:1-9 mga babaing ito, dahil sa payo ni Balaam, ang naging dahilan upang ang mga anak ni Israel ay magtaksil sa Panginoon sa nangyari sa Peor, kaya't nagkasalot sa kapulungan ng Panginoon.
17Ngayon ay patayin ninyo ang lahat ng mga batang lalaki at bawat babae na nakakilala na ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito.
18Ngunit ang lahat ng mga dalaga na hindi pa nakakilala ng lalaki dahil hindi pa nasisipingan ang mga ito ay hayaan ninyong mabuhay upang mapasainyo.
19Manatili kayo sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw. Sinuman sa inyo na nakamatay ng sinumang tao, at nakahawak ng anumang pinatay ay maglilinis sa ikatlong araw at sa ikapitong araw, kayo at ang inyong mga bihag.
20Ang bawat kasuotan, lahat ng yari sa balat, sa balahibo ng kambing, at lahat ng bagay na yari sa kahoy ay linisin ninyo.
Pagbabahagi ng Samsam at Bihag
21Sinabi ng paring si Eleazar sa mga mandirigma ng hukbo na pumunta sa pakikipaglaban, “Ito ang tuntunin ng kautusan na iniutos ng Panginoon kay Moises:
22Ang ginto, pilak, tanso, bakal, lata, tingga,
23at bawat bagay na hindi natutupok sa apoy ay inyong pararaanin sa apoy, at iyon ay magiging malinis. Gayunma'y inyong lilinisin iyon ng tubig para sa karumihan at ang lahat na hindi nakakatagal sa apoy ay inyong pararaanin sa tubig.
24Inyong lalabhan ang inyong mga damit sa ikapitong araw, at kayo'y magiging malinis, at pagkatapos nito'y makakapasok kayo sa kampo.”
25Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
26“Ang samsam na nakuha ninyo maging tao o hayop ay bilangin mo at ng paring si Eleazar, at ng mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno sa kapulungan.
27Hatiin mo sa dalawa ang samsam, sa mga lalaking mandirigma na lumabas sa pakikipaglaban at sa buong kapulungan.
28Bigyan mo ng buwis ang Panginoon para sa mga lalaking mandirigma na pumunta sa pakikipaglaban: isa sa bawat limang daang tao, at gayundin sa mga hayop, at sa mga asno at mga kawan.
29Sa kalahating nauukol sa kanila ay kukunin mo iyon at ibibigay mo sa paring si Eleazar na handog sa Panginoon.
30Sa kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kunin mo ang isang samsam sa bawat limampu, sa mga tao, mga baka, mga asno, mga kawan, sa lahat ng hayop at ibigay mo sa mga Levita na siyang namamahala sa tabernakulo ng Panginoon.”
31Ginawa nga ni Moises at ng paring si Eleazar ang ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
32Ang nabihag bukod pa sa nasamsam ng mga taong nakipaglaban ay animnaraan at pitumpu't limang libong tupa,
33pitumpu't dalawang libong baka,
34animnapu't isang libong asno,
35at tatlumpu't dalawang libong tao lahat, mga babae na hindi pa nakakilala ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito.
36Ang kalahati, na siyang bahagi niyong mga pumunta sa pakikipaglaban ay umaabot sa bilang na tatlong daan tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa.
37Ang buwis na tupa sa Panginoon ay animnaraan at pitumpu't lima.
38Ang mga baka ay tatlumpu't anim na libo; at ang buwis sa Panginoon ay pitumpu't dalawa.
39Ang mga asno ay tatlumpung libo at limang daan; at ang buwis sa Panginoon ay animnapu't isa.
40Ang mga tao ay labing-anim na libo; at ang buwis sa Panginoon ay tatlumpu't dalawang tao.
41Ibinigay ni Moises ang buwis, na ukol sa handog sa Panginoon, sa paring si Eleazar, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
42Ang kalahati ay sa mga anak ni Israel, na inihiwalay ni Moises sa mga taong nakipaglaban.
43Ang kalahati na nauukol sa kapisanan ay tatlong daan at tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa,
44tatlumpu't anim na libong baka,
45tatlumpung libo't limang daang asno,
46at labing-anim na libong tao.
47Ang kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kinuha ni Moises, ang isa sa bawat limampu, sa tao at gayundin sa hayop, at ibinigay sa mga Levita na namamahala sa tabernakulo ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
48Ang mga pinuno na namamahala sa libu-libo ng hukbo, ang mga pinuno ng libu-libo, at ang mga pinuno ng daan-daan ay lumapit kay Moises.
49Sinabi nila kay Moises, “Binilang ng iyong mga lingkod ang mga lalaking mandirigma na nasa aming kapangyarihan, at walang kulang kahit isa man sa amin.
50Aming dinala bilang handog sa Panginoon ang nakuha ng bawat lalaki na mga hiyas na ginto, mga panali sa braso, at mga pulseras, mga singsing na pantatak, mga hikaw, at mga kuwintas sa leeg upang ipantubos sa aming mga sarili sa harap ng Panginoon.”
51At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang kanilang ginto na lahat ay nasa anyong hiyas.
52Ang lahat ng gintong handog na kanilang inihandog sa Panginoon, ng mga pinuno ng libu-libo, at ng mga pinuno ng daan-daan, ay labing-anim na libo pitong daan at limampung siklo.
53(Sapagkat ang mga lalaki na nakipaglaban ay kanya-kanyang nag-uwi ng mga samsam.)
54At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang ginto ng mga pinuno ng libu-libo at ng daan-daan, at ipinasok sa toldang tipanan bilang alaala sa mga anak ni Israel sa harap ng Panginoon.
Kasalukuyang Napili:
MGA BILANG 31: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001