Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

FILIPOS 4

4
1Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking katuwaan at putong, magpakatibay kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.
Mga Pangaral
2Nakikiusap ako kina Euodias at Sintique, na magkaisa sila ng pag-iisip sa Panginoon.
3Oo, nakikiusap din naman ako sa iyo, tapat na katuwang sa pasanin na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagkat sila'y nagpagal na kasama ko sa ebanghelyo, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nasa aklat ng buhay.
4Magalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin, Magalak kayo.
5Malaman nawa ng lahat ng mga tao ang inyong kahinahunan. Ang Panginoon ay malapit na.
6Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos.
7At ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip, ang mag-iingat ng inyong mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus.
8Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na kapuri-puri, kung mayroong anumang kagalingan, at kung may anumang nararapat papurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.
9Ang mga bagay na inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.
Pasasalamat sa Kaloob ng mga Taga-Filipos
10Ako'y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa wakas ay inyong muling binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito'y katotohanang nagkaroon kayo ng malasakit, ngunit wala kayong pagkakataon.
11Hindi sa nagsasalita ako dala ng pangangailangan, sapagkat aking natutunan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan.
12Marunong akong magpakababa, at marunong din akong magpakasagana; sa bawat bagay at sa lahat ng bagay ay natutunan ko ang lihim sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan.
13Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin.
14Gayunman ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian.
15At#2 Cor. 11:9 kayong mga taga-Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimula ng ebanghelyo, nang ako'y umalis sa Macedonia, wala ni isang iglesya na nakipagkaisa sa akin sa pagbibigay at pagtanggap kundi kayo lamang;
16sapagkat#Gw. 17:1 kahit ako'y nasa Tesalonica ay nagpapadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan.
17Hindi sa ako'y naghahanap ng kaloob; kundi hinahanap ko ang bunga na dumarami para sa inyo.
18Ngunit#Exo. 29:18 mayroon ako ng lahat ng bagay at sumasagana; ako'y busog, palibhasa'y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo na mabangong samyo, isang handog na kaaya-aya at kalugud-lugod sa Diyos.
19At pupunuan ng aking Diyos ang bawat kailangan ninyo ayon sa kanyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.
20Ngayon, nawa'y sumaating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Mga Pagbati at Basbas
21Batiin ninyo ang bawat banal kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko.
22Binabati kayo ng lahat ng mga banal, lalung-lalo na ng mga kasambahay ni Cesar.
23Sumainyo nawang espiritu ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo.#4:23 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong Amen.

Kasalukuyang Napili:

FILIPOS 4: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in