Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA KAWIKAAN 18

18
1Ang namumuhay nang nag-iisa ay nagpapasasa,
at hinahamak ang lahat ng may mabuting pasiya.
2Ang hangal ay hindi nalulugod sa pang-unawa,
kundi ang maihayag lamang ang sariling paniniwala.
3Kapag dumarating ang kasamaan, ang paghamak ay dumarating din naman,
at kasama ng pagkutya ang kahihiyan.
4Ang mga salita ng bibig ng tao ay parang malalim na tubig;
ang bukal ng karunungan ay parang umaagos na batis.
5Hindi mabuti na ang masamang tao ay panigan,
o pagkaitan man ang taong matuwid ng katarungan.
6Ang mga labi ng hangal ay nagdadala ng alitan,
at ang kanyang bibig ay nag-aanyaya ng hampasan.
7Ang bibig ng hangal ang kapahamakan niya,
at ang kanyang mga labi ay bitag ng kanyang kaluluwa.
8Ang mga salita ng mapagbulong ay masasarap na subo ang katulad,
sila'y nagsisibaba sa kaloob-looban ng katawan.
9Siyang sa kanyang gawain ay pabaya,
ay isang kapatid ng maninira.
10Ang pangalan ng Panginoon ay isang toreng matibay;
tinatakbuhan ng matuwid at doon siya'y tiwasay.
11Ang yaman ng mayamang tao ang kanyang matibay na lunsod,
at sa kanyang pag-iisip ay tulad ng pader na matayog.
12Bago ang pagkawasak ang puso ng tao ay palalo muna,
ngunit nauuna sa karangalan ang pagpapakumbaba.
13Siyang sumasagot bago pa man makinig,
ito'y kahangalan at sa kanya'y kahihiyan.
14Aalalay ang espiritu ng tao sa kanyang karamdaman;
ngunit ang bagbag na diwa, sino ang makakapasan?
15Ang may matalinong pag-iisip ay kumukuha ng kaalaman,
at ang pandinig ng marunong ay humahanap ng kaalaman.
16Ang kaloob ng tao ay nagbubukas ng daan sa kanya,
at dinadala siya sa harap ng mga taong dakila.
17Ang unang naglalahad ng kanyang panig ay parang matuwid,
hanggang sa may ibang dumating at siya'y siyasatin.
18Ang pagpapalabunutan sa mga pagtatalo'y nagwawakas,
at nagpapasiya sa mga magkatunggaling malalakas.
19Ang kapatid na nasaktan ay tulad ng lunsod na matibay,
ngunit parang mga halang ng isang kastilyo ang pag-aaway.
20Ang isang tao'y nabubusog ng bunga ng bibig niya,
sa bunga ng kanyang mga labi ay nasisiyahan siya.
21Ang kamatayan at ang buhay ay nasa kapangyarihan ng dila;
at ang umiibig sa kanya ay kakain ng kanyang mga bunga.
22Ang nakakatagpo ng asawang babae ay nakakatagpo ng mabuting bagay,
at mula sa Panginoon, pagpapala ay nakakamtan.
23Ang mahirap ay gumagamit ng mga pakiusap,
ngunit ang mayaman ay sumasagot na may kagaspangan.
24May mga kaibigang nagkukunwaring kaibigan,
ngunit may kaibigan na mas madikit kaysa isang kapatid.

Kasalukuyang Napili:

MGA KAWIKAAN 18: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in