MGA KAWIKAAN 22
22
1Ang mabuting pangalan ay dapat piliin, kaysa malaking kayamanan,
at mabuti kaysa pilak at ginto ang magandang kalooban.
2Ang mayaman at ang dukha ay nagkakasalubong kapwa;
ang Panginoon ang sa kanilang lahat ay gumawa.
3Ang matalinong tao ay nakakakita ng panganib at nagkukubli siya,
ngunit nagpapatuloy ang walang muwang at siya'y nagdurusa.
4Ang gantimpala sa pagpapakumbaba at takot sa Panginoon
ay kayamanan, karangalan, at buhay.
5Nasa daan ng mandaraya ang mga tinik at silo,
ang nag-iingat ng kanyang sarili, sa mga iyon ay lalayo.
6Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran,
at kapag tumanda na siya ay hindi niya ito tatalikuran.
7Ang namumuno sa dukha ay ang mayaman,
at ang nanghihiram ay alipin ng nagpapahiram.
8Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan;
at ang pamalo ng kanyang poot ay di magtatagumpay.
9Ang may mga matang mapagbigay ay pinagpapala,
sapagkat nagbibigay siya ng kanyang tinapay sa mga dukha.
10Itaboy mo ang manlilibak, at ang pagtatalo ay aalis;
ang pag-aaway at pang-aapi ay matitigil.
11Siyang umiibig ng kalinisan ng puso, at mabiyaya ang pananalita,
ang hari ay magiging kaibigan niya.
12Ang mga mata ng Panginoon ay nagbabantay sa kaalaman,
ngunit ang mga salita ng taksil ay kanyang ibinubuwal.
13Sinasabi ng tamad, “May leon sa labas!
Mapapatay ako sa mga lansangan!”
14Ang bibig ng masamang babae ay isang malalim na hukay;
siyang kinapopootan ng Panginoon doon ay mabubuwal.
15Nakabalot sa puso ng bata ang kahangalan,
ngunit inilalayo ito sa kanya ng pamalo ng pagsaway.
16Ang umaapi sa dukha upang magpalago ng kanyang kayamanan,
at nagbibigay sa mayaman, ay hahantong lamang sa kasalatan.
17Ito ang mga salita ng pantas:
Ikiling mo ang iyong pandinig, at dinggin mo ang aking mga salita,
at gamitin mo ang iyong isip sa aking kaalaman.
18Sapagkat magiging kaaya-aya kung ito'y iyong iingatan sa loob mo,
kung mahahandang magkakasama sa mga labi mo.
19Upang malagak sa Panginoon ang tiwala mo,
aking ipinakilala sa iyo sa araw na ito, oo, sa iyo.
20Hindi ba ako sumulat sa iyo ng tatlumpung kasabihan,
ng mga pangaral at kaalaman;
21upang ipakita sa iyo ang matuwid at totoo,
upang maibigay mo ang totoong sagot sa mga nagsugo sa iyo?
22Huwag mong nakawan ang dukha, sapagkat siya'y dukha,
ni gipitin man ang nagdadalamhati sa pintuang-bayan;
23sapagkat ipinaglalaban ng Panginoon ang panig nila,
at sinasamsaman ng buhay ang sumasamsam sa kanila.
24Huwag kang makipagkaibigan sa taong magagalitin,
at huwag kang sasama sa taong bugnutin;
25baka matutunan mo ang kanyang mga lakad,
at ang kaluluwa mo ay mahulog sa bitag.
26Huwag kang maging isa sa kanila na nagbibigay-sangla,
o sa kanila na nananagot sa mga utang.
27Kung wala kang maibibigay na kabayaran,
bakit kailangang kunin sa ilalim mo ang iyong higaan?
28Huwag mong alisin ang lumang batong hangganan,
na inilagay ng iyong mga magulang.
29Nakikita mo ba ang taong mahusay#22:29 o masipag. sa kanyang gawain?
Siya'y tatayo sa harap ng mga hari,
hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak.
Kasalukuyang Napili:
MGA KAWIKAAN 22: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001