MGA KAWIKAAN 24
24
1Huwag kang maiinggit sa taong masasama,
ni maghangad man na sila'y makasama.
2Sapagkat ang kanilang puso ay nagbabalak ng karahasan,
at ang kanilang mga labi ay nagsasalita ng kalikuan.
3Sa pamamagitan ng karunungan ay naitatayo ang bahay;
at naitatatag sa pamamagitan ng kaunawaan.
4Napupuno ang mga silid sa pamamagitan ng kaalaman,
ng lahat ng mahahalaga at kaaya-ayang kayamanan.
5Ang taong pantas ay mas makapangyarihan kaysa sa malakas,
at ang taong may kaalaman kaysa sa may kalakasan.
6Sapagkat maaari kang makidigma kapag may matalinong pamamatnubay,
at sa karamihan ng mga tagapayo ay mayroong tagumpay.
7Ang karunungan ay napakataas para sa isang hangal;
hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig sa may pintuang-bayan.
8Siyang nagbabalak ng paggawa ng kasamaan,
ay tatawaging manggagawa ng kalokohan.
9Ang pagbabalak ng kahangalan ay kasalanan,
at ang manlilibak, sa mga tao ay karumaldumal.
10Kung manlupaypay ka sa araw ng kahirapan,
maliit ang iyong kalakasan.
11Iligtas mo silang dinadala sa kamatayan,
pigilan mo silang natitisod patungo sa katayan.
12Kung iyong sinasabi, “Narito, hindi namin ito nalalaman.”
Hindi ba niya alam ang sa mga puso'y tumitimbang?
At siyang nagbabantay sa iyong kaluluwa, hindi ba niya nalalaman?
At ang bawat tao ayon sa gawa niya ay di ba niya gagantihan?
13Anak ko, kumain ka ng pulot, sapagkat ito'y mainam,
at matamis sa iyong panlasa ang tulo ng pulot-pukyutan.
14Alamin mo na gayon sa iyo ang karunungan;
kung ito'y iyong matagpuan, mayroong kinabukasan,
at ang iyong pag-asa ay hindi mahihiwalay.
15Tulad ng masamang tao, ang tahanan ng matuwid ay huwag mong tambangan,
huwag mong gawan ng dahas ang kanyang tahanan.
16Sapagkat ang matuwid ay makapitong nabubuwal at bumabangon na naman,
ngunit ang masama ay nabubuwal sa pamamagitan ng kasakunaan.
17Kapag nabubuwal ang iyong kaaway ay huwag kang magalak,
at huwag matuwa ang iyong puso kapag siya'y bumabagsak;
18baka ito'y makita ng Panginoon, at ikagalit niya,
at kanyang alisin ang poot niya sa kanya.
19Huwag kang mayamot dahil sa mga gumagawa ng kasamaan,
at ang masamang tao ay huwag mong kainggitan.
20Sapagkat ang masamang tao'y walang bukas na haharapin,
at ang ilawan ng masama ay papatayin.
21Anak ko, sa Panginoon at sa hari ay matakot ka,
sa mga pabagu-bago ay huwag kang makisama.
22Sapagkat biglang dumarating mula sa kanila ang kapahamakan,
at ang pagkawasak na nagmumula sa kanila, ay sinong nakakaalam?
Mga Karagdagang Kawikaan
23Ang mga ito ay mga kasabihan din ng pantas:
Ang pagtatangi sa paghatol ay hindi mabuti.
24Siyang nagsasabi sa masama, “Matuwid ka,”
ay susumpain ng mga bayan, kapopootan ng mga bansa;
25ngunit silang sumasaway sa masama ay magkakaroon ng tuwa,
at sa kanila'y darating ang mabuting pagpapala.
26Ang nagbibigay ng tamang sagot
ay humahalik sa mga labi.
27Ihanda mo sa labas ang iyong gawa,
at ihanda mo para sa sarili mo sa parang;
at pagkatapos ay gawin mo ang iyong bahay.
28Huwag kang sumaksi laban sa iyong kapwa nang walang kadahilanan;
at sa pamamagitan ng iyong mga labi ay huwag kang manlinlang.
29Huwag mong sabihin, “Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin;
kung anong ginawa niya, iyon ang igaganti ko sa kanya.”
30Sa bukid ng tamad ako'y napadaan,
at sa ubasan ng taong salat sa katinuan;
31at, narito, tinubuang lahat ng mga tinik,
ang ibabaw niyon ay natatakpan ng mga dawag,
at ang batong bakod nito ay bumagsak.
32Pagkatapos ay nakita ko at aking pinag-isipan,
ako'y tumingin at tumanggap ng pangaral.
33Kaunting#Kaw. 6:10, 11 tulog, kaunti pang pag-idlip,
kaunting paghahalukipkip ng mga kamay upang magpahinga,
34at darating ang iyong karalitaan na parang magnanakaw;
at ang kahirapan na parang taong may sandata.
Kasalukuyang Napili:
MGA KAWIKAAN 24: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001