Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA KAWIKAAN 30

30
Ang mga Salita ni Agur
1Ang mga salita ni Agur na anak ni Jakeh; ng Massa.
Sinabi ng lalaki kay Ithiel, kay Ithiel at kay Ucal:
2Tunay na ako'y hangal kaysa kaninuman,
pag-unawa ng isang tao ay hindi ko taglay.
3Hindi ako natuto ng karunungan,
ni nagkaroon man ako ng kaalaman ng Banal.
4Sino ang umakyat sa langit at bumaba?
Sino ang nagtipon ng hangin sa kanyang mga kamao?
Sinong nagbalot ng tubig sa kanyang damit?
Sinong nagtatag ng lahat ng mga dulo ng daigdig?
Ano ang kanyang pangalan?
At ano ang pangalan ng kanyang anak?
Tiyak na iyong nalalaman!
5Bawat salita ng Diyos ay subok na totoo,
siya'y kalasag sa kanila na kumakanlong sa kanya.
6Huwag kang magdagdag sa kanyang mga salita,
baka sawayin ka niya at masumpungang sinungaling ka.
Karagdagang Kawikaan
7Dalawang bagay ang sa iyo'y aking hinihiling;
bago ako mamatay ay huwag mong ipagkait sa akin.
8Ilayo mo sa akin ang daya at ang kasinungalingan;
huwag mo akong bigyan ng kasalatan o kayamanan man;
pakainin mo ako ng pagkain na aking kinakailangan,
9baka ako'y mabusog, at itakuwil kita
at sabihin ko, “Sino ang Panginoon?”
O baka ako'y maging dukha, at ako'y magnakaw,
at ang pangalan ng aking Diyos ay malapastangan.
10Huwag mong siraan ang alipin sa panginoon niya,
baka ka sumpain niya, at mapatunayan kang may sala.
11May mga nagmumura sa kanilang ama,
at hindi pinagpapala ang kanilang ina.
12May mga malinis sa kanilang sariling mga mata,
gayunman ay hindi malinis sa karumihan nila.
13May lahi, O mapagmataas ang kanilang mga mata,
at napakataas ang mga talukap-mata nila!
14May mga tao na ang mga ngipin ay parang mga tabak,
at ang kanilang mga ngipin ay parang mga kutsilyo,
upang lamunin ang dukha mula sa lupa,
at ang nangangailangan sa gitna ng mga tao.
15Ang linta ay may dalawang anak,
na sumisigaw, “Bigyan mo ako, bigyan mo ako.”
May tatlong bagay na kailanman ay hindi nasisiyahan,
oo, apat na hindi nagsasabing, “Tama na”:
16Ang Sheol, at ang baog na bahay-bata;
ang lupa na laging uhaw sa tubig;
at ang apoy na hindi nagsasabing, “Sapat na.”
17Ang mata na tumutuya sa kanyang ama,
at humahamak ng pagsunod sa kanyang ina,
ay tutukain ng mga uwak sa libis,
at kakainin ng mga buwitre.
18May tatlong bagay na totoong kagila-gilalas sa akin;
oo, apat na hindi ko nauunawaan:
19ang daan ng agila sa himpapawid,
ang daan ng ahas sa ibabaw ng mga bato,
ang daan ng sasakyan sa gitna ng dagat,
at ang daan ng lalaki na kasama ng isang dalaga.
20Ganito ang lakad ng babaing mapangalunya:
Siya'y kumakain, at bibig niya'y pinupunasan,
at nagsasabi, “Wala akong nagawang kasamaan.”
21Nanginginig ang lupa sa ilalim ng tatlong bagay;
mayroong apat na hindi niya mapasan:
22kapag naging hari ang isang alipin,
at ang isang hangal, kapag nabubusog ng pagkain;
23ang isang babaing di-kanaisnais kapag nakapag-asawa;
at ang isang aliping babae, kapag ang kanyang panginoong babae ay hinalinhan niya.
24May apat na bagay na maliliit sa lupa,
ngunit sila'y matatalinong lubha:
25Ang mga langgam ay hindi malakas na sambayanan,
gayunma'y nag-iimbak ng kanilang pagkain sa tag-araw;
26hindi makapangyarihang bayan ang mga kuneho,
gayunma'y gumagawa sila ng bahay sa malalaking bato;
27walang hari ang mga balang,
gayunma'y lumalabas silang lahat na nakahanay;
28mahahawakan ng iyong mga kamay ang butiki,
gayunman ito'y nasa mga palasyo ng mga hari.
29May tatlong bagay na sa kanilang lakad ay marangal;
may apat na marangal sa kanilang paghakbang:
30ang leon na pinakamalakas sa mga hayop,
at sa kanino man ay hindi tumatalikod;
31ang tandang na magilas; ang kambing na lalaki,
at ang haring palakad-lakad sa harap ng kanyang bayan.
32Kung ikaw ay naging hangal, na ang sarili'y itinaas,
o kung ikaw ay nagbabalak ng kasamaan,
ilagay sa iyong bibig ang iyong kamay.
33Sapagkat sa pagpisil sa gatas, mantekilya'y lumalabas;
at sa pagpisil sa ilong, dugo'y dumadaloy,
gayon ang pagpisil sa poot, lumilikha ng sigalot.

Kasalukuyang Napili:

MGA KAWIKAAN 30: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in