MGA AWIT 102
102
Panalangin ng Kabataang may Suliranin.
1O Panginoon, pakinggan mo ang dalangin ko,
dumating nawa ang daing ko sa iyo!
2Huwag mong ikubli sa akin ang mukha mo
sa araw ng kahirapan ko!
Ang iyong pandinig sa akin ay ikiling,
sa araw na ako'y tumatawag, agad mo akong sagutin!
3Sapagkat napapawi sa usok ang mga araw ko,
at ang mga buto ko'y nagliliyab na parang hurno.
4Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo;
nalimutan kong kainin ang aking tinapay.
5Dahil sa lakas ng daing ko,
dumidikit sa aking laman ang mga buto ko.
6Ako'y parang pelikano sa ilang;
ako'y gaya ng isang kuwago sa kaparangan.
7Ako'y gising,
ako'y gaya ng malungkot na ibon sa bubungan.
8Nililibak ako ng aking mga kaaway buong araw;
silang nang-iinis sa akin ay gumagamit sa pagsumpa ng aking pangalan.
9Sapagkat parang tinapay na kinakain ko ang abo,
at ang luha sa aking inumin ay inihahalo ko,
10dahil sa galit at poot mo;
sapagkat itinaas at itinapon mo ako.
11Gaya ng lilim sa hapon ang mga araw ko;
ako'y natutuyo na parang damo.
12Ngunit ikaw, O Panginoon, ay mamamalagi magpakailanman;
namamalagi sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan.
13Ikaw ay babangon at sa Zion ay maaawa,
sapagkat panahon na upang maawa ka sa kanya;
ang takdang panahon ay dumating na.
14Sapagkat pinapahalagahan ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato,
at nahahabag sa kanyang alabok.
15Katatakutan ng mga bansa ang sa Panginoong pangalan,
at ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian.
16Sapagkat itatayo ng Panginoon ang Zion,
siya'y magpapakita sa kanyang kaluwalhatian;
17kanyang pahahalagahan ang sa hikahos na dalangin,
at ang kanilang daing ay hindi hahamakin.
18Ito'y isusulat tungkol sa lahing susunod,
upang ang bayang di pa isinisilang ay magpuri sa Panginoon:
19na siya'y tumungo mula sa kanyang banal na kaitaasan,
at tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa kalangitan,
20upang ang daing ng mga bilanggo ay pakinggan,
upang palayain ang mga itinakdang mamatay;
21upang maipahayag ng mga tao sa Zion ang pangalan ng Panginoon,
at sa Jerusalem ang kanyang kapurihan,
22kapag ang mga taong-bayan ay nagtipun-tipon,
at ang mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.
23Kanyang pinahina ang aking lakas sa daan;
kanyang pinaikli ang aking mga araw.
24Aking sinabi, “O Diyos ko, huwag mo akong kunin
sa kalagitnaan ng aking mga araw,
ikaw na ang mga taon ay nananatili
sa lahat ng salinlahi!”
25Nang#Heb. 1:10-12 una ang saligan ng lupa ay iyong inilagay,
at ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay.
26Ikaw ay nananatili, ngunit sila ay mawawala,
parang kasuotan silang lahat ay mawawala.
Pinapalitan mo sila na gaya ng kasuotan, at sila'y mapapalitan;
27ngunit ikaw ay nananatili, at ang mga taon mo'y walang katapusan.
28Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mananatili;
ang kanilang mga anak ay matatatag sa iyong harapan.
Kasalukuyang Napili:
MGA AWIT 102: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001