Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 104

104
Bilang Pagpupuri sa Manlalalang
1Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
O Panginoon kong Diyos, napakadakila mo!
Karangalan at kamahalan ang kasuotan mo,
2na siyang bumabalot ng liwanag sa iyo na parang bihisan;
na gaya ng tabing ay nag-unat ng kalangitan;
3na siyang naglalagay ng mga biga ng kanyang mga matataas na silid sa tubig;
na ginawang kanyang karwahe ang mga ulap,
na sumasakay sa mga pakpak ng hangin,
4na#Heb. 1:7 ginagawa niyang mga sugo ang mga hangin,
at kanyang mga tagapangasiwa ay nagliliyab na apoy.
5Iyong inilagay ang lupa sa kanyang saligan,
upang ito'y huwag mayanig kailanman.
6Tinakpan mo ito ng kalaliman na tila isang bihisan;
ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.
7Sa iyong pagsaway ay tumakbo sila,
sa ugong ng iyong kulog ay nagsitakas sila.
8Ang mga bundok ay bumangon, lumubog ang mga libis,
sa dakong pinili mo para sa kanila.
9Ikaw ay naglagay ng hangganan na hindi nila dapat daanan,
upang ang lupa ay hindi na nila muling matakpan.
10Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis;
ang mga iyon ay umagos sa pagitan ng mga bundok,
11kanilang binibigyan ng inumin ang bawat hayop sa parang;
pinapawi ng mailap na asno ang kanilang pagkauhaw.
12Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid;
sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13Mula sa iyong mga matataas na silid ay dinidilig mo ang mga bundok;
sa bunga ng iyong mga gawa ang lupa'y busog.
14Iyong pinalalago para sa mga hayop ang damo,
at ang pananim upang sakahin ng tao,
upang siya'y makapagbigay ng pagkain mula sa lupa,
15at ng alak upang pasayahin ang puso ng tao,
ng langis upang paliwanagin ang kanyang mukha,
at tinapay upang palakasin ang puso ng tao.
16Ang mga punungkahoy ng Panginoon ay busog,
ang mga sedro sa Lebanon na kanyang itinanim.
17Sa mga iyon ay gumagawa ng kanilang mga pugad ang mga ibon;
ang tagak ay mayroong kanyang bahay sa puno ng igos.
18Ang matataas na bundok ay para sa maiilap na kambing;
ang malalaking bato ay kanlungan ng mga kuneho.
19Ginawa mo ang buwan upang takdaan ang mga panahon;
nalalaman ng araw ang kanyang panahon ng paglubog.
20Itinatalaga mo ang kadiliman at ito'y nagiging gabi;
nang ang lahat ng mga halimaw sa gubat ay gumagapang.
21Umuungal ang mga batang leon para sa kanilang biktima,
na naghahanap ng kanilang pagkain mula sa Diyos.
22Kapag ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis,
at humihiga sa kanilang mga yungib.
23Ang tao ay humahayo sa kanyang gawain,
at sa kanyang paggawa hanggang sa kinahapunan.
24O Panginoon, napakarami ng iyong mga gawa!
Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat,
ang lupa ay punô ng iyong mga nilalang.
25Nariyan ang dagat, malaki at maluwang,
na punô ng mga bagay na di mabilang,
ng maliit at malaking bagay na may buhay.
26Doon#Job 41:1; Awit 74:14; Isa. 27:1 nagsisiyaon ang mga sasakyang-dagat,
at ang Leviatan na iyong nilikha upang doon ay maglibang.
27Lahat ng ito sa iyo ay naghihintay,
upang mabigyan sila sa tamang panahon ng kanilang pagkain.
28Iyong ibinibigay sa kanila, ito ay kanilang tinitipon;
iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y napupuno ng mabubuting bagay.
29Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangangamba;
iyong inalis ang kanilang hininga, sila'y namamatay,
at nagsisibalik sa kanilang pagiging alabok.
30Iyong isinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nalilikha,
at iyong binabago ang balat ng lupa.
31Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailanman;
magalak nawa ang Panginoon sa kanyang mga gawa,
32na siyang tumitingin sa lupa at ito'y nayayanig,
na humihipo sa mga bundok at ito'y umuusok!
33Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay;
ako'y aawit ng papuri sa aking Diyos, habang ako'y nabubuhay.
34Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay,
para sa akin, ako'y magagalak sa Panginoon.
35Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
at mawala nawa ang masama.
O kaluluwa ko! Purihin ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!

Kasalukuyang Napili:

MGA AWIT 104: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in