MGA AWIT 140
140
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
1Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
2na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
3Pinatatalas#Ro. 3:13 ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
4O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
ingatan mo ako sa mararahas na tao,
na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
5Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)
6Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
7O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
8Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)
9Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
at katarungan para sa mahirap.
13Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.
Kasalukuyang Napili:
MGA AWIT 140: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001