MGA AWIT 32
32
Awit ni David. Isang Maskil.
1Mapalad#Ro. 4:7, 8 siya na pinatawad ang pagsuway,
na ang kasalanan ay tinakpan.
2Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.
3Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
4Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)
5Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)
6Kaya't ang bawat isang banal
ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
siya'y hindi nila aabutan.
7Ikaw ay aking dakong kublihan;
iniingatan mo ako sa kaguluhan;
pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
9Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.
10Marami ang paghihirap ng masasama;
ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!
Kasalukuyang Napili:
MGA AWIT 32: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001