Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 35

35
Panalangin para sa Saklolo
1Makipagtunggali ka, O Panginoon, sa kanila na nakikipagtunggali sa akin;
lumaban ka sa kanila na lumalaban sa akin.
2Humawak ka ng kalasag at ng panangga,
at sa pagtulong sa akin ay tumindig ka!
3Ihagis mo ang sibat at diyabelin
laban sa mga nagsisihabol sa akin!
Sabihin mo sa aking kaluluwa,
“Ako'y iyong kaligtasan!”
4Mapahiya nawa at mawalan ng dangal
sila na umuusig sa aking buhay!
Nawa'y mapaurong at malito sila
na laban sa akin at nagbabalak ng masama!
5Maging gaya nawa sila ng ipa sa harapan ng hangin,
na ang anghel ng Panginoon ang nagtataboy sa kanila!
6Nawa'y maging madilim at madulas ang daan nila,
na ang anghel ng Panginoon ang humahabol sa kanila!
7Sapagkat walang kadahilanang ikinubli nila ang kanilang bitag na sa akin ay laan,
walang kadahilanang naghukay sila para sa aking buhay.
8Dumating nawa sa kanila nang di namamalayan ang kapahamakan!
At ang patibong na ikinubli nila ang sa kanila'y bumitag;
mahulog nawa sila doon upang mapahamak!
9Kung gayo'y sa Panginoon magagalak ang aking kaluluwa,
na sa kanyang pagliligtas ay nagpapasaya.
10Lahat ng aking mga buto ay magsasabi,
Panginoon, sino ang iyong kagaya?
Ikaw na nagliligtas ng mahina
mula sa kanya na totoong malakas kaysa kanya,
ang mahina at nangangailangan mula sa nanamsam sa kanya?
11Mga saksing may masamang hangarin ay nagtatayuan;
tinatanong nila ako ng mga bagay na di ko nalalaman.
12Sa aking kabutihan, iginanti ay kasamaan,
ang aking kaluluwa ay namamanglaw.
13Ngunit ako, nang sila'y may sakit,
ay nagsuot ako ng damit-sako;
dinalamhati ko ang aking sarili ng pag-aayuno,
Sa dibdib ko'y nanalanging nakayuko ang ulo,
14ako'y lumakad na tila baga iyon ay aking kaibigan o kapatid,
ako'y humayong gaya ng tumatangis sa kanyang ina
na nakayukong nagluluksa.
15Ngunit sa aking pagkatisod, sila'y nagtipon na natutuwa,
sila'y nagtipun-tipon laban sa akin,
mga mambubugbog na hindi ko kilala
ang walang hintong nanlait sa akin.
16Gaya ng mga walang diyos na nanunuya sa pista,
kanilang pinagngangalit sa akin ang mga ngipin nila.
17Hanggang kailan ka titingin, O Panginoon?
Iligtas mo ang aking kaluluwa sa kanilang mga pagpinsala,
ang aking buhay mula sa mga leon!
18At ako'y magpapasalamat sa iyo sa dakilang kapulungan;
sa gitna ng napakaraming tao kita'y papupurihan.
19Huwag#Awit 69:4; Jn. 15:25 nawang magalak sa akin yaong sinungaling kong mga kaaway;
at huwag nawang ikindat ang mata ng mga napopoot sa akin nang walang kadahilanan.
20Sapagkat sila'y hindi nagsasalita ng kapayapaan,
kundi laban doon sa mga tahimik sa lupain
ay kumakatha sila ng mga salita ng kabulaanan.
21Kanilang ibinubuka nang maluwang ang bibig nila laban sa akin;
kanilang sinasabi: “Aha, aha,
nakita iyon ng mga mata namin!”
22Iyong nakita ito, O Panginoon; huwag kang tumahimik,
O Panginoon, huwag kang lumayo sa akin!
23Kumilos ka, at gumising ka para sa aking karapatan,
Diyos ko at Panginoon ko, para sa aking ipinaglalaban!
24Ipagtanggol mo ako, O Panginoon, aking Diyos,
ayon sa iyong katuwiran;
at dahil sa akin huwag mo silang hayaang magkatuwaan!
25Huwag mo silang hayaang magsabi sa sarili nila,
“Aha, iyan ang aming kagustuhan!”
Huwag silang hayaang magsabi, “Aming nalulon na siya.”
26Mapahiya nawa sila at malitong magkakasama
silang nagagalak sa aking kapahamakan!
Madamitan nawa sila ng kahihiyan at kawalang-dangal
silang laban sa akin ay nagyayabang!
27Silang nagnanais na ako'y mapawalang-sala
ay sumigaw sa kagalakan at magsaya,
at sa tuwina'y sabihin,
“Dakila ang Panginoon,
na nalulugod sa kapakanan ng kanyang lingkod!”
28Kung gayo'y isasaysay ng aking dila ang iyong katuwiran
at ang iyong kapurihan sa buong araw.

Kasalukuyang Napili:

MGA AWIT 35: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in