Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

RUTH 2

2
Si Ruth ay Namulot sa Bukid ni Boaz
1Si Naomi ay may kamag-anak sa panig ng kanyang asawa, isang lalaking mayaman mula sa angkan ni Elimelec na ang pangalan ay Boaz.
2Sinabi#Lev. 19:9, 10; Deut. 24:19 ni Ruth na Moabita kay Naomi, “Hayaan mo ako ngayong pumunta sa bukid, at mamulot ng mga uhay sa hulihan ng taong magpapahintulot sa akin”.#2:2 o katatagpuan ko ng biyaya. Sinabi niya sa kanya, “Humayo ka, anak ko.”
3Kaya't siya'y umalis. Siya'y dumating, at namulot sa bukid sa likuran ng mga nag-aani. Nagkataong nakarating siya sa bahagi ng lupa na pag-aari ni Boaz, na kabilang sa angkan ni Elimelec.
4At narito, si Boaz ay nakarating mula sa Bethlehem, at sinabi niya sa mga nag-aani, “Ang Panginoon ay sumainyo!” At sila'y sumagot, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon.”
5Pagkatapos ay sinabi ni Boaz sa kanyang lingkod na kanyang tagapamahala sa mga nag-aani, “Kaninong dalaga ito?”
6Ang lingkod na tagapamahala sa mga nag-aani ay sumagot, “Siya'y babaing Moabita na bumalik na kasama ni Naomi mula sa lupain ng Moab.
7Kanyang sinabi, ‘Ipinapakiusap ko na pamulutin at pagtipunin mo ako sa gitna ng mga bigkis sa likuran ng mga nag-aani.’ Sa gayo'y pumaroon siya at nagpatuloy, mula sa umaga hanggang ngayon, na hindi nagpapahinga kahit na sandali.”
Si Boaz ay Naging Mabuti kay Ruth
8Nang magkagayo'y sinabi ni Boaz kay Ruth, “Makinig kang mabuti, anak ko. Huwag kang mamulot sa ibang bukid, o umalis dito, kundi manatili kang malapit sa aking mga alilang babae.
9Itanaw mo ang iyong paningin sa bukid na kanilang inaanihan, at sumunod ka sa kanila. Inutusan ko na ang mga kabataang lalaki na huwag ka nilang gagambalain. At kapag ikaw ay nauuhaw, pumunta ka sa mga banga, at uminom ka sa inigib ng mga kabataang lalaki.”
10Nang magkagayo'y nagpatirapa si Ruth#2:10 Sa Hebreo ay siya. at yumukod sa lupa, at nagsabi sa kanya, “Bakit ako nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin upang ako'y iyong pansinin, gayong ako'y isang dayuhan?”
11Ngunit sinabi ni Boaz sa kanya, “Ipinaalam sa akin ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula sa pagkamatay ng iyong asawa, at kung paanong iyong iniwan ang iyong ama at iyong ina, at ang lupang sinilangan mo, at ikaw ay pumarito sa bayan na hindi mo nalalaman noon.
12Gantihan nawa ng Panginoon ang iyong ginawa, at bigyan ka nawa ng lubos na gantimpala ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sa ilalim ng kanyang mga pakpak ikaw ay nanganlong.”
13Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Makatagpo nawa ako ng biyaya sa iyong paningin, panginoon ko; sapagkat ako'y iyong inaliw at may kabaitang pinagsalitaan mo ang iyong lingkod, bagaman ako'y hindi isa sa iyong mga alila.”
14Sa oras ng pagkain ay sinabi ni Boaz sa kanya, “Halika, at kumain ka ng tinapay. Isawsaw mo sa suka ang iyong tinapay.” Siya nga'y umupo sa tabi ng mga nag-aani at iniabot niya sa kanya ang sinangag na trigo, siya'y kumain, nabusog, at mayroon pa siyang hindi naubos.
15Nang siya'y tumindig upang mamulot ng inani, iniutos ni Boaz sa kanyang mga lingkod, “Pamulutin ninyo siya hanggang sa gitna ng mga bigkis, at huwag ninyo siyang pagbawalan.
16Ihugot din ninyo siya ng ilan sa mga bigkis, at iwan ninyo upang kanyang pulutin, at huwag ninyo siyang sawayin.”
17Sa gayo'y namulot siya sa bukid hanggang sa paglubog ng araw. Nang kanyang giikin ang kanyang mga napulot, iyon ay halos isang efa ng sebada.
18Kanyang dinala ito at siya'y pumunta sa lunsod; at nakita ng kanyang biyenan ang kanyang mga pinulot. Inilabas rin niya at ibinigay sa kanyang biyenan ang pagkaing lumabis sa kanya pagkatapos na siya'y nabusog.
19Sinabi ng kanyang biyenan sa kanya, “Saan ka namulot ngayon? At saan ka nagtrabaho? Pagpalain nawa ang taong nagmagandang-loob sa iyo.” Kaya't sinabi niya sa kanyang biyenan kung kanino siya nagtrabaho, “Ang pangalan ng taong pinagtrabahuhan ko ngayon ay Boaz.”
20Sinabi#Lev. 25:25 ni Naomi sa kanyang manugang, “Pagpalain nawa siya ng Panginoon, na hindi ipinagkait ang kanyang kagandahang-loob sa mga buháy at sa mga patay.” At sinabi sa kanya ni Naomi, “Ang lalaking iyon ay isa nating kamag-anak, isa sa pinakamalapit nating kamag-anak.”
21Sinabi ni Ruth na Moabita, “Bukod pa rito sinabi niya sa akin, ‘Ikaw ay manatiling malapit sa aking mga lingkod hanggang sa kanilang matapos ang aking ani.’”
22Sinabi ni Naomi kay Ruth na kanyang manugang, “Mabuti, anak ko, na ikaw ay lumabas na kasama ng kanyang mga alilang babae. Baka gawan ka ng hindi mabuti sa ibang bukid.”
23Sa gayo'y nanatili siyang malapit sa mga alilang babae ni Boaz, upang mamulot hanggang sa katapusan ng pag-aani ng sebada at pag-aani ng trigo; at siya'y nanirahang kasama ng kanyang biyenan.

Kasalukuyang Napili:

RUTH 2: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in